Ang pagbalik ni Erap sa eksenang pulitikal, bilang kandidatong muli sa panguluhan ng bansa, ay matagal nang itinatanghal. Para siyang “re-run” o segunda-manong palabas ng pelikula.
Mula nang ma-convict ng Sandiganbayan sa kasong pandarambong, na kaagad na sinundan ng isang “pardon” o pagpapatawad ni Donya Gloria, nagsimula nang tumakbo ang “Pagbabalik ni Erap”.
Mula rin noong siya ay bigyan ng “pardon” ni Donya Gloria, hindi na ako nakipagkita pa sa kanya, o nakipag-usap sa kanya, liban na lamang sa iilang okasyong sosyal kung saan kamayan lang o kagyat na batian lamang ang nangyari. Matatandaang naging opisyal ako ng pamahalaang Estrada, bilang Philippine Tourism Authority General Manager na may ranggong pangalawang kalihim, at alinsabay pa noon, ay Presidential Adviser on Political Affairs, na may ranggong kalihim ng gabinete. Nagpapasalamat ako kay Pangulong Erap sa pambihirang pagkakataong kanyang ibinigay sa akin bilang lingkod-bayan, na may dalawang matataas na posisyon.
Subali’t ako ay nagbitiw sa kanyang pamahalaan noong Nobyembre 3, 2000, matapos ang isang pagtatalo sa Malakanyang noong hapon ng Nobyembre 2, kung saan nagbitiw si noon ay Kalihim Mar Roxas ng DTI. Bago ang okasyong iyon, matagal kaming nag-uusap ni Mar ukol sa aming mga pangamba sa katatagan, at higit sa roon, sa “moral ascendancy” ng aming pangulo. Mahirap kasing magsilbi, o patuloy na magsilbi sa isang taong alam mong may lamat na ang tiwala ng bayan, lalo na at kumbinsido kami na sa isyu ng “jueteng” ay malinaw na sangkot ang pangulo.
Gayunpaman, noong gabi ng Nobyembre 3, matapos na matanggap na ng Malakanyang ang aking liham ng pagbibitiw, nagkaroon ako ng kaba sa dibdib ukol sa magiging kapalit, ang pangalawang pangulo na si Gloria Macapagal Arroyo. Nagkausap kami sa telepono noong gabing iyon, at nagkaroon ako ng pangamba na tila kapos sa sinseridad ang pangalawang pangulo na nauna nang nagbitiw sa gabinete ni Erap, bilang kalihim ng DSWD.
Sa pamamagitan ng anak na si JV Ejercito, na ngayon ay alkalde ng San Juan, nag-usap kami ni Pangulong Erap nung sumunod na linggo, para naman maging maayos an gaming paghihiwalay. Sinundan iyon ng isa pang mahabang pag-uusap sa kanyang bahay sa Polk St., North Greenhills, kung saan nangako si Pangulong Erap na malampasan niya lamang ang impeachment, ay sadyang magbabago na siya at maninilbihan ng buong tapat sa bayan. Iwawaksi na raw niya ang tinagurian noong “midnight cabinet”. Dahil nga sa hindi buo ang tiwala ko sa hahalili sa kanya bilang constitutional successor, sinabi kong hindi ako sasama sa hanay ng mga nais siyang pagbitiwin o patalsikin, at imbes ay tutulungan ko siyang makaraos sa krisis. Subali’t hindi ko tinanggap ang kanyang alok na magbalik sa mga pwesto ko sa pamahalaan.
Noong mga taong sumunod, ako’y patuloy na tumutulong sa kanya, maski na noong nasa Veteran’s Hospital siya, at matapos ay sa kanyang bakasyunan sa Tanay, kung saan patuloy ang kanyang sumisilbing “house arrest”. Samantala, sa pamamagitan ng mga emisaryo, nagkaroon ng mga alok ang pamahalaang Arroyo na ako’y sumama sa kanila. Nguni’t tuloy akong nanulat, at tuloy na tumulong, sa pakikibaka ng oposisyon.
Nagkaroon ng lamat ang aming samahan ni Pangulong Erap nung tigas-ulo kong sinamahan si Ping Lacson bilang kandidato sa panguluhan noong 2004, bagama’t kanyang inendorso ang kaibigang si Ronnie Poe, na nahikayat nilang tumakbong pangulo sa paniniwalang tanging siya lamang ang maaring tumalo kay GMA.
Bakit hindi ako nakisama sa malaking agos na tumutulak noon kay FPJ, at bakit pinagmatigasan ko ang suporta kay Ping? (Itutuloy bukas)
Tuesday, September 15, 2009
Ang pagbalik ni Erap
Posted by Lito Banayo at 1:26 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment