Sadyang nakapanlulumo ang nangyari sa Kalakhang Maynila at sa mga karatig na lalawigan noong Sabado ng umaga. Isipin na lang natin kung gaano pa kalaki ang naging trahedya kung ito’y nangyari nang gabi imbes na umaga. Sa maraming mga naka-ekspiryensya ng lagim ni Ondoy, pare-parehong namangha sa bilis ng pag-akyat ng tubig-baha. Isipin mo kung nangyari ang ganito habang natutulog ang mga pamilya, lalo na mga batang paslit at matatandang may karamdaman. Pasalamat na lang tayo sa Panginoong Diyos at araw nang mangyari ang pagsalanta ni Ondoy.
Sa ngayon ay pagbibigay ng relief, paglibing sa mga namatay, paglilinis ng mga kabahayan ang siyang inaasikaso ng lahat, para manumbalik maski na papaano sa normal na andar ng buhay. Marami ngang mga kapwa media persons ang nasalanta --- si Rollie Estabillo, si Joy de los Reyes na patnugot ng Malaya, maging ang ating patnugot na si Nick Quijano. Batay sa mga napag-alaman pa natin, sina Nonie Pelayo, Cielo Banal, Delon Porcalla, Weng Salvacion, Kaye Adraneda, at marami pa sigurong mga taga-media ang nakaranas ng lupit ni Ondoy. Sa kanila at sa kanilang mga pamilya, ang ating pakiki-isa sa panahon ng krisis na ito.
Kahapon ay nagngingitngit tayo sa kakulangan ng paghahanda ng pamahalaan, maging sa kakulangan at pagkaka-antala ng kanilang pagtugon sa maraming halos agaw-buhay sa paghihirap noong Sabado at Linggo. Magpahanggang-ngayon nga ay marami pang nadidiskubre na bangkay, at marami pang naghahanap ng mga nawawalang mahal sa buhay. Kahapon lang natin napag-alaman ang lawak ng kalamidad, at sobrang pahirap na nagawa nito. Sadya nga palang hindi kakayanin ng anumang pagkakapaghanda ang tugunan ng sapat ang trahedya. Nguni’t mas maraming naisalba sana kung may medyo sapat na paghahanda.
At matapos ang relief operations, matapos linisin ang mga kabahayan at paligid ng putik at duming kumapit, lalong mapait isipin ang matitinding epekto ng trahedyang dulot ni Ondoy.
Marami sa mga biktima ay may mga pagkaka-utang pang dapat pagbayaran --- sa Pag-ibig, sa mga bangko, sa mga instalments ng kanilang sasakyang nasira, mga appliances at iba pang gamit sa bahay. Masakit ngayon, ang gastos ng pagkukumpuni, ang gastos ng pagbili ng mga bagong kapalit sa mga pangangailangang tulad ng kutson, refrigerator, damit, at iba pa. Malaking gastusin na papasanin ng mga kaawa-awang biktima ni Ondoy.
Maganda nga ang panukala ni Sen. Chiz Escudero na isuspindi na muna ng Pag-ibig, SSS at GSIS ang pagsingil sa mga utang na hinuhulugan ng taong-bayan, at maging ang apela sa mga credit-card companies.
Isipin rin natin ang mga tubigang lumubog sa Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, at iba pang lugar. Ilang ektarya na hitik ng buntis na palay ang ngayon ay nasalanta? At ilang mga gulayan, mga babuyan, poultry, at pala-isdaan ang na-apektuhan? At ano ang magiging epekto nito sa darating na mga buwan, sa presyo at kasapatan ng pagkain?
Ilang mga negosyo ang nasira? Mga internet shops na lumubog, at sira ang lahat ng mga computer, paanong aahon ang mga maliliit na negosyante? Mga tindahang lumubog ang paninda? Mga gawaang lumubog ang mga makina na ngayon ay gugugulan ng malaki para maikumpuni? Mga supply at raw materials na nasira at hindi na maaring pakinabangan?
May kaibigan nga ang anak ko na hindi magkanda-ugaga sa laki ng suliraning idinulot ni Ondoy sa kanyang negosyo. Kararating lamang ng mga inangkat niyang mga gagawing produkto para sa Kapaskuhan, nang lumubog ang kanyang maliit na pabrika na nasa Talayan sa QC. Limas ang lahat ng mga ito, maging ang tinitirhan nilang mag-anak sa ikalawang palapag. Ilan pang mga Pinoy ang nasalanta ng ganito? Sumaisip nga sa akin ang Marikina, kung saan maraming gawaan ng sapatos at pananamit --- paano na sila ngayon.
Tinataya ng NDCC ang dalawang bilyung piso raw na pinsala na dulot ng baha. Sa ating konting pananaw, baka ilang daang bilyon ang tunay na pinsala --- sa mga sirang kagamitan, mga aanihin na napariwara, sa mga trabahong mawawala kung kailan pa naman paparating ang Kapaskuhan, sa mga gastusing dumoble, tumiriple at higit pa, sa mga negosyong naunsyami at mahihirapang makabangon agad-agad.
Sobra-sobra ang trahedyang dulot ni Ondoy, na buwan at taon bago natin mapanumbalik sa normal ang buhay ng mga naging biktima. Maawa ka naman, Panginoong Diyos.
Tuesday, September 29, 2009
Pagkatapos ng relief
Posted by Lito Banayo at 12:27 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment