Monday, October 5, 2009

Matagalang plano

Dalawang mahahalagang leksyon ang dapat nating matutunan matapos ang pagkakapagsalanta ng Bagyong Ondoy at ang nagmuntikanang Bagyong Pepeng.

Ang una ay ang pag-unawa na mayroong malawakang climate change na nangyayari sa ating planeta. Ibang-iba na ang mga weather patterns sa ating daigdig dala ng climate change. Sanhi naman ng climate change ang walang patumanggang pag-abuso natin kay Inang Kalikasan. Ilang saling-lahi na ng buong daigdig ang binale-wala ang balanse ng kalikasan laban sa modernong pamumuhay at materyalismo. Sobra-sobra ang pagsunog ng carbon-based fuels na sumira ng ozone layer, na siyang pangunahing sanhi ng pagbago ng klima. Sa ating lisyang paghabol sa kaunlaran at makabagong pamumuhay, nawasak ang balanse ng kalikasan sa pangangailangan ng populasyon. Kasama na rin dito ang kakulangan ng pamamahala ng pagtapon ng mga basura.

Malinaw na kailangan na ngayon ang puspusang pagsasa-ayos ng mga patakaran upang mabawasan ang carbon emissions, pagsasawata ng mga pag-abuso sa ating kalikasan, mga bagay na siyang nagpapalala ng climate change.

Ang pangalawang leksyon ay ang kakulangan ng pangmatagalang plano ng ating mga kalunsuran. Ayon sa tanyag na arkitekto at urban planner na si Jun Palafox, taong 1977 pa nang mag-sumite sila ng plano sa pamahalaan, kung saan malinaw na na-identify ang mga fault zones ng baha, maging ng lindol. Kung sinunod ang planong ito, hindi sana nagkaroon ng mga subdivision at napakaraming kabahayan sa mga mabababang lugar. Napakaraming nagsipamili ng lupa at nagpatayo ng bahay na ngayon ay nagsisisi dahil sa isang iglap ay nasira ang kanilang mga pag-aari at palagiang nasa panganib ang kanilang mga buhay.

Sana naman ay magkaroon ang pamahalaang mahahalal sa 2010 na malawak ang pananaw, na susundan ng matagalang plano para sa gamit ng lupa. Kailangan nang magkaroon ng tunay na land-use policy ang ating bansa, at nang hindi patumangga ang development. Kailangang isa-ayos ang paggamit ng lupain, ayon sa pang-saka, pang-residensyal, pang-komersyal, industriyal, maging kung para sa turismo, o para sa mga parke at open spaces. Kailangan ding magtatag ng malinaw na forest line, kung saan hindi papayagang putulin ang kakahuyan, bagkus ay taniman ang mga dating pinutulan ng puno. Gayundin kung anu-anong lupain o bulubundukin ang pwedeng pag-minahan, at nang hindi nakakaperhuwisyo ang mga ito sa pagsasaka o sa kalikasan, samantalang ginagamit ang likas na yaman.

At sana rin ay makapaghalal ng matigas at buo ang loob na liderato sa papa-abot na halalan, isang lideratong may angkop na “political will” upang ipatupad ang mga pang-matagalan na mga plano, at kayang salagin ang mga angal at oposisyon ng maraming mga sektor, upang maitaguyod ang pangmatagalang seguridad at kaayusan ng ating lipunan. Hindi maari ang mga pusong mamon, o mga nagpapadala sa panandaliang agos ng “public opinion” kung ang patuloy na pagbibigay ay makasasama sa pangmatagalang kabutihan ng mamamayan at sa maka-kalikasang plano. Wala na tayong oras na maari pang aksayahin.

Kung hindi natin isasa-tupad ang matagalang mga plano at hindi matututo sa mga leksyong dala ng trahedya ng Ondoy at mga nauna pang kalamidad, kaawa-awa hindi lang ang taong-bayan, kundi maging mga saling-lahi natin.

0 comments: