Matapos ang paunang dasal sa pagbukas ng plenaryong sesyon ng Kongreso, dagliang binasa ni Speaker Manuel Villar ang dokumento ng kasong impeachment na may lagda ng 79 na kinatawan, sa Senadong ayon sa Saligang Batas, ay siyang lilitis sa pangulo ng bansa. Nagulat ang lahat sa maniobrang ito, na tinutulan ng humihiyaw sa Kamara na si Didagen Dilangalen ng Maguindanao.
Kay galing ng maniobra! Pataksil ngunit nangyari na nga? Sino ang nagturo sa Speaker na si Manny Villar na ganito ang gawin? Walang iba kundi si Joker Arroyo, ang lalaking kanyang inagawan sa pagiging Speaker; ang lalaking binira siya mismo at inakusahan ng pagiging tiwali dalawang taon pa lang ang nagdaan.
Ano kaya ang dahilan, at ang dating magkaaway ay naging magkasangga? Bakit nahikayat si Manny ng ngayon ay kanya nang Joker na pagtaksilan si Erap?
Hindi naman kaya dahil alam ni Joker ang mga sikreto sa negosyo nitong si Manny, at ibinunyag na nga niya ang ilan dito sa Kamara mismo? Bakit matapos mag-akusa ng malubha, ay napatahimik si Joker? At matapos mapatahimik si Joker, ay nagsama pa sila upang umpisahan ang proseso ng pagpapatalsik sa pangulong halal ng bayan?
Nag-ingay ba sina Manny at kanyang Joker noong madiskubre ang Hello Garci, kung saan malinaw na nakipagkutsabahan si GMA kay Garci upang dayain ang resulta ng eleksyon? Hindi! Buti pa nga si Senate President Franklin Drilon, na ante-mano’y kasamahan ni GMA, na hindi natiis ang ganitong sukdulang pandaraya sa tinig ng mamamayang Pilipino. Umalma ito, at kasama ang mga kasapi sa Lapiang Liberal, ay nanawagan na magbitiw si GMA. Pero si Manny Villar at kanyang Joker Arroyo, nanindigan ba? Samantalang kay Erap, daglian si Manny na nakisama kay Joker upang patalsikin, batay sa pagkamal sa jueteng, sa Hello Garci kung saan ninakaw mismo ang pagka-pangulo laban sa tinig mismo ng mamamayang Pilipino, pumiyok ba si Manny at kanyang Joker? Hindi!Balik tayo sa mga sikreto sa negosyo ng saksakan ng yamang si Manny Villar at kanyang pamilya, kung saan barya lamang ang P200 milyon, wika nga ng isa pang tuta nitong si Alan Peter Cayetano.
Alam ng mga negosyante at mga bangkero na malubha ang krisis sa negosyo ni Villar dala ng Asian financial crisis nu’ng 1997. Sapagkat malaki ang kanyang pagkakautang sa mga bangko, at humina ang housing market, mabigat ang problema niya. Lalo itong pinalala ng kay laki niyang mga utang na dolyar, dahil ang palitan ay bumagsak mula 25 piso sa isang dolyar nang inutang, samantalang sa pagbabayad ay nasa 45 piso na ang palitan.
Kailangan ang restructuring upang hindi tuluyang mabangkarote si Manny Villar at mga kumpanya nito. Kaya pala mahalagang siya’y maging Speaker, at hindi ordinaryong congressman lamang. Ngunit ang Pangulong Erap ay tagilid na! Pinagbibitiw ni Cardinal Sin, ni Cory, ng mga higanteng negosyante at higanteng network at media, at ang tanging hibla ng pagpapatuloy ay nakasalalay sa hindi siya ma-impeach ng Kongreso.
Dito malamang nagkaroon ng oportunidad si Joker na kumbinsihin si Manny. Kung bumagsak si Erap na kadikit pa rin si Manny, bagsak rin ang mga kumpanya ni Manny kapag napalitan na si Erap. Dapat na siyang sumugal, dapat na siyang mamili ng bagong pader na sasandalan. Dahil kung mawala si Erap at umupo si Gloria, paano pa ang restructuring ng kanyang mga pagkakautang? Paano pa ang pagpapalago muli ng kanyang mga negosyo, upang mabawi ang malaking mga pagkakautang?
At paano kung usigin siya ng mga ginawa niya mula nang siya’y maupong congressman, kung saan, ayon na rin sa paratang ni Joker, pinagsamantalahan ni Manny ang mga ahensya ng pamahalaan at ang salapi ng sambayanan? Magsasama sila ni Pangulong Erap na kinasuhan ng pandarambong?
Wais ang Manny na may Joker na ngayon na tagapagpayo. Ang galing bumalimbing, mula kay Erap patungo kay Gloria. Nagtagumpay na sa pulitika, nagtagumpay pa at lalong nagpasasa sa kayamanang lubos.
Katapusan na ba ito ng pagbabalimbing? Hindi pa, dahil nu’ng 2007, nang malinaw na hindi makabubuti sa kanyang re-eleksyon ang mapadikit kay GMA, ano ang ginawa ni Manny? Sumama kay Erap, at naging “Genuine” Opposition (GO) na raw. At tinanggap naman!
Ngayon papel oposisyon na, pero lumantad na bang palaban kay Donya Gloria? Hindi pa rin. Malamya. Malambot.
Bakit? Ang negosyo, ang negosyo! Ang bilyones, ang bilyones!Hay naku, ang mga balimbing ng pulitika sa bayang sinumpa.
Wednesday, October 1, 2008
Si Manny at kanyang Joker, 2
Posted by Lito Banayo at 4:23 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment