Ang taon ay 1998; ang buwan ay Mayo. Malinaw na si Erap ang inihalal ng nakararaming mga Pinoy bilang kanilang pangulo. Naglipana na ang mga sipsip at balimbing sa bahay ni Erap sa Greenhills.
Biglang araw-araw ay nakatabi kay Doktora Loi ang maybahay ni Manny Villar, kinatawan ng Las Piñas, isang miyembro ng Lakas na ang dinala ay si Jose de Venecia. Subalit nanalo pa rin si Erap sa Las Piñas, at halos buong Luzon liban sa Pangasinan ay tinangay.
Sinabihan kami ng magiging Executive Secretary ni Erap na si Ronny Zamora na ikampanya na si Joker Arroyo, kinatawan ng Makati, para siyang maging Speaker ng Kamara de Representantes. Ako noon ay nahirang nang PTA General Manager, at matapos ang isang linggo ay dinagdagan pa ni Erap ng ikalawang posisyon, bilang Presidential Adviser on Political Affairs. Noon pa mang kampanya ay alam na naming si Joker ang siyang magiging speaker kapag nanalo si Erap.
Ngunit noong magtatapos na ang buwan, biglang nabaligtad si Joker. Si Manny Villar na raw ang siyang kandidato ni Erap para speaker.
Kinumpirma ng Pangulo sa akin na nagpalit na siya ng minamanok. (Para sa detalye, tunghayan niyo ang ating pitak sa Malaya noong Huwebes, Setyembre 25).
Naitanghal na ngang bagong speaker si Manny Villar, na bumalimbing mula sa kanyang partido Lakas at nanumpa, dala ang 50 pang taga-Lakas, sa LAMMP, ang koalisyong naging bandila ni Erap noong eleksyon. Nu’ng Agosto 17, 1998, tumindig si Rep. Joker Arroyo sa tanghalan ng Kamara at nagtalumpati.
Binira niya ng harapan si Villar, dahil sa pagpapayaman nito na isinangkalan ang kanyang posisyon at impluwensya bilang congressman. Nagpapasa daw ng batas upang dagdagan ang puhunan ng National Home Mortgage Financing Corporation hanggang sa 5.5 bilyon, at matapos ito,
ang kanya namang mga kumpanya ang siyang gumamit ng pasilidad ng pagpapautang sa mga nagsipagbilihan ng mga low-cost housing na proyekto ng mga kumpanya ni Villar.
Malinaw na ito ay “conflict of interest”, ani Joker, at labag sa sinumpaang tungkulin ng isang opisyal ng pamahalaan batay sa Saligang Batas. Binira pa niya ng paglabag sa mga alituntunin ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang taong naisahan siya at nasingitan sa pagiging speaker.
Napakabigat ng mga paratang ni Joker kay Manny. Subalit hindi pinansin ng marami dahil akala’y naghihinaing lang si Joker sa kinasapitan niyang pagkawala ng pangakong maging speaker. At tumahimik naman ang Joker. Bakit kaya?
Ituon naman natin ang ating pansin sa pagkakapatalsik kay Erap. Nag-umpisa ang lahat dahil nag-alburuto si Chavit, nang umpisahan ng Pagcor ang Bingo 2 Balls bilang panlaban sa jueteng. Hindi kasi mapigil ni Pangulong Erap ang kanyang bagong PNP Director General na si Panfilo Lacson na walang humpay sa pagpapa-raid sa mga operasyon ng jueteng,
kaya’t nakaisip sila ng kaibigan niyang si Atong Ang kung paano magkakaroon ng legal na pasugal.
Nagpasabog ng bomba pulitikal si Chavit. Mismo raw si Erap ay kumukolekta sa kanya sa kita sa jueteng. Inusig si Erap ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-umpisang mag-imbestiga. Nagkaroon na ng mga panawagang magbitiw si Erap. Nagbitiw na ang kanyang pangalawang pangulong si GMA sa kanyang puwesto bilang kalihim ng DSWD.
Ano pa’t mismong Speaker na kanyang pinili at pinapanalo, maski na nagtalusira siya sa pangako kay Joker, ang siyang agarang pinadala ang kaso ng impeachment sa Senado, sa isang dramatikong maniobra na agad namang sinang-ayunan ng higit sa 50 balimbing na kinatawan, kung sino pa ang mga pinasumpa ni Speaker Manny Villar bilang LAMMP! Nag-umpisa na ang walang kaduda-dudang pagbagsak ni Pangulong Erap.
Pinagtaksilan siya ng mismong taong kanyang ginawang Speaker.
0 comments:
Post a Comment