Monday, October 12, 2009

Tuloy na si Chiz

Nangako si Chiz Escudero nang makailang beses na hindi siya magdi-deklara para sa panguluhan hanggang hindi niya inaabot ang kanyang ika-apatnapung kaarawan. Ayon kasi sa Saligang Batas, maari lamang tumakbo ang isang Pilipino sa pagka-pangulo o bise kapag inabot na niya ang edad ng 40. At si Chiz, na ipinanganak noong Oktubre 10, 1969, ay naging 40 anyos noong Sabadong nagdaan.

Kinansela ang isang dapat sana’y pormal na deklarasyon sa Club Filipino kahapon ng gabi, dahil sa tila hindi nababagay sa panahon. Lubha ang pagkaka-salanta ng Northern at Central Luzon dala ng Bagyong Pepeng, at nangyari ito samantalang hilahod pa sa hirap ang mga biktima naman ng Bagyong Ondoy dalawang linggo pa lang ang nakakaraan. Kaya’t minabuting kanselahin ang pormal na pasinaya, at kahapon, ayon sa balita, ay nagtungo si Escudero sa Tarlac at Pangasinan upang mamigay ng mga relief goods at pagkain sa mga biktima ni Pepeng.

Subali’t wala mang pormal na deklarasyon, malinaw sa mga binitiwang interbyu kahapon na tuloy na si Chiz sa pagtakbo bilang isa sa mga kandidato ng oposisyon sa panguluhan ng bansa pitong buwan mula ngayon. At ipinakita naman niya ang kanyang kakayahang mag-isip nang mga angkop na solusyon sa mga suliranin ng bansa at hirap ng bayan. ‘Di tulad ng iba na nagkaroon nang magarang seremonya na wala namang platapormang binitiwan liban sa pangako ng maayos at malinis na pamamahala, si Chiz ay naglibot na lamang sa ilang mga istasyon ng radyo upang ilahad ang kanyang mga sadyang naiibang mga panukala ukol sa krisis ng sunud-sunod na kalamidad na dumating sa atin.

At tulad ng kadadaan lang na Synergeia forum sa AIM na televised live ng ANC, napansin ng marami na nagingibabaw ang batang Escudero sa kaalaman kontra sa kanyang mga katunggali na sina Manny Villar ng Nasyonalista at magpinsan-buong sina Noynoy Aquino ng Liberal at Gilbert Teodoro ng pangkat-GMA. Humarap sila sa isandaang mga lider ng mga local na pamahalaan, tulad nina Gobernador Jon-jon Mendoza at Loreto Ocampo ng Misamis Occidental, sina Mayor Ed Hagedorn ng Puerto Princesa, na nagnais matimbang ang tugon ng apat sa mga suliranin ng bansa. Malinaw sa sinumang nanood, anuman ang kinikilingan, na mas handa at mas nag-aaral ang batang Escudero. Umangat ang kanyang mga kategorikal at walang pasubaling mga deklarasyon, at hindi tulad ng iba na paliku-liko ang mga pinagsasabi. Medyo pumangalawa si Gilbert Teodoro, na marami ding kategorikal na pananalita, dangan nga lamang at sadyang hirap siya dahil pasan sa balikat ang bigat ng mga kapalpakan ng rehimeng Arroyo na kailangan niyang depensahan.

Mariing dineklara ni Escudero na tigilan na ang pork barrel, at imbes ay gawing line-item budgeting ang ating gastusin, para maging tunay na transparent ang mga proyektong paglalaanan ng salapi ng bayan. Mula 2005 nang pinangunahan niya ang impeachment kay GMA lalan ng iskandalong Garci, wala na siyang natanggap na pork barrel, nguni’t tumagal naman daw siya bilang congressman at senador. Si Ping Lacson nga, hindi tumatanggap ng pork barrel, nguni’t nakapagsisilbi rin sa bayan.

Sinabi niyang dapat dagdagan ang IRA para sa mga lokal na pamahalaan, na kinontra ng mga katunggali. Ang iba ay nais na lalong gawing makapangyarihan ang tanggapan ng pangulo, samantalang si Escudero ay nanindigang dapat ang palakasin ay mga lokal na namamahala, dahil sila mismo ang kaharap ng mamamayan at nakakaalam ng mga suliranin nila.

Malinaw at makabago rin ang kanyang approach sa problema ng kapayapaan sa Mindanao. Tigilan ang solo-solong pakikipag-negosyasyon, na may kaakibat pang mga dayuhang bansa. Mas dapat daw ay makipag-usap ng sinsero sa iba’t ibang tribu ng mga kapatid nating Muslim, dahil maari nga namang iba-iba ang kanilang hinaing. Hindi iisang Bangsa Moro, kundi pakikipag-negosyasyon sa mga Maguindanaw, Tausug, Maranaw, atbp.

Nguni’t lalong makikita ang kakaibang mga solusyon na isiniwalat ng batang Escudero sa mga interbyu niya kahapon patungkol sa kalamidad na dala ni Ondoy at Pepang. Malinaw sa kanyang mga solusyon na inilatag, na may “out-of-the-box” approaches si Chiz sa kanyang mga pananaw. Hindi lumang pulitika at hindi datihang mga solusyon. Dahil lubhang humaba tayo sa pitak na ito, itutuloy natin bukas ang mga kakaiba nguni’t kahanga-hangang mga pananaw ni Escudero patungkol sa pagkaka-salanta na ating dinaranas at taun-taong hinaharap.

0 comments: