Hindi ko na natanong si Bubby Dacer kung ano ang pinagka-ayusan nila ni Pangulong Erap. Bagama’t alam kong siya ay malapit kay dating Pangulong FVR, alam ko rin na ginagamit siya ni Pangulong Erap sa pakikipag-niig sa ibang mga kasapi ng media bilang kilalang PR man. Laking gulat ko na lang noong matapos ang ilang araw (palagay ko ay walang isang linggo ang nakararaan) ay mabalitaan na nga ang pagkaka-dukot kay Bubby sa may South Superhighway.
Sa ulat ni Norman Bordadora sa PDI noong Lunes, ika-01 ng Disyembre, ‘diumano’y sinita daw ni Mancao si Michael Ray Aquino, nang malaman niya na sinu-surveilance si Dacer, at ang sagot ni Aquino ay “OK na ‘yan sa Malacanang”.
Nguni’t mausisa si Mancao, at tinanong pa, “Cleared ba ito sa boss natin, si 71?” (code-name ito ni Lacson hanggang sa ngayon). Kung saan ang sagot daw ni Aquino ay “Sila na daw bahala sa kanya”.
Sino kaya “sila”? Sino kaya ang nag-“OK na sa Malacanang?” At ano ang ibig sabihin ng “Sila na daw ang bahala sa kanya (patungkol kay Lacson o 71)?” Iyan ang mga katanungang dapat ay sagutin ng mga kinauukulan, sina Dumlao, Mancao at lalo na si Aquino, na kasalukuyang nakakulong sa New York dahil naman sa pagkakapasa ng mga impormasyon hango sa “confidential files” ng pamahalaang Estados Unidos na diumano ay nailabas nang walang pahintulot ni Aragoncillo, isang Fil-Am na datihang nagtatrabaho sa FBI at White House.
Subali’t sa kanyang pangalawang affidavit na isinalaysay sa abogado noong Mayo 20, 2003, bago siya tumungo ng Estados Unidos, ang sinabi ni Glenn Dumlao ay inaresto siya ng mga miyembro ng PNP noong ika-apat ng Hunyo, 2001, at walong araw siyang pinilit na magsulat at paulit-ulit na baguhin ang kanyang salaysay upang maidiin sina Mancao, Aquino at Sen. Panfilo Lacson sa kung anu-anong iligal na Gawain, lalo na ang iugnay ang mga ito sa pagkakadukot at pagkakapaslang nina Dacer at Corbito.
Tahasang itinuro ni Dumlao si P/CSupt. Reynaldo Berroya, kasama sina P/C Insp. Rodrigo Bonifacio at P/C Supt. Carlos Joaquin, sa mga nagpilit na siya ay “tumuga” ayon sa kagustuhan nilang ipalabas. Maging si P/S Supt, Marcelo Garbo at P/Supt. George Gaddi daw ay inutusan siyang isama ang mga krimeng “drug-trafficking, kidnapping, at robbery/hold-up” sa mga ‘diumano’y “krimen” na kinasangkutan ni Lacson.
Nguni’t ayon sa sinumpaang salaysay ni Dumlao, “naglakas-loob siyang tumutol sa mga kasinungalingang ipinipilit sa kanya, bagama’t siya’y tinakot at sinaktan”. Sinabi pa raw niya kay Gaddi na “pareho naman tayong nagtrabaho sa PAOCTF, at ikaw mismo ang nakaka-alam na hindi totoo ‘yang mga pinaa-amin niyo sa akin”. At “minsan nga ay kaharap si P/S Supt. Rolando Anonuevo nang sabihin ko nang tahasan kay Berroya na huwag naman niyang idawit ang mga inosente sa nais niyang ibintang na hindi naman makatotohanan”.
Noon ayaw niya talagang magpagamit, dinala na raw si Dumlao sa ISAFP, sa tanggapan ni Col. Victor Corpus, na siya ay pinilit na muli, at sinabihang kung hindi makikisama sa kanilang naising “mapakulong si Lacson” at “patotohanan ang mga akusasyon ni Ador Mawanay na kasalukuyan noong nagpi-press conference sa katabing silid”, ay kaawa-awa siya.
Minsan pa raw ay humarap sa kanya si Mary Ong alias Rosebud, na dalawang beses siyang binisita sa PNP-IG Office, at hinikayat siyang idawit si Lacson sa droga at kidnapping gaya ng kanyang mga paratang sa media, at bibigyan raw siya nito ng 250,000 US dollars, kung saan ipinangalandakan daw ni Ong na ang pamaha;laan pa ng Estados Unidos ang siyang magbibigay ng ganoong salapi.
Dahil nga sa ayaw niyang magpagamit, siya’y patuloy na detenido, nguni’t nagluwag-luwag na noong 2003, hanggang sa maka-alis nga siya ng kampo, at inisip na lumisan na ng Pilipinas.
Noong Disyembre 17, 2002, muli na naman daw dinala si Dumlao sa tanggapan ni Corpus sa ISAFP, kung saan iniharap siya sa mga nagtipon doong mga opisyales at kilalang tao na sina Ronaldo Puno (dating DILG Secretary ni Erap, nguni’t nang mga panahong iyon ay hindi pa naibabalik sa pwesto ni GMA), NBI Director Reynaldo Wycoco (pumanaw na noong 2006), DOJ Kalihim Hernando Perez, PDEA Director Anselmo Avenido, Chief PNP Hermogenes Ebdane, Former Chief PNP Roberto Lastimoso, at isang Col. Davila ng ISAFP, at si Victor Corpus mismo.
Halos si Corpus daw ang nag-monopolyo ng miting, kung saan sinabihan siya sa harap ng mga nabanggit, “Sige, magdiretsahan tayo. Kung hindi ka tutulong sa amin, ibibigay ka naming kay Ping para patayin ka na. Ayaw namin ang katotohanan. Kung amin ka, dapat total support at i-pin down mo si Ping. Bibigyan ka namin ng magandang buhay at posisyon. Andito lahat ng makakatulong sa iyo. Pero kung hindi, magkaka-leche-leche na ang buhay mo. Nagkakaintindihan ba tayo…?”
At pinilit pa daw ni Corpus na “aminin mo na ang pagpatay kay Dacer at Corbito, kay Gemma Soronda at magtestigo ka sa Kuratong Balelelng para magkaintindihan tayo. Ituro mo na si Lacson ang nag-utos.” At inutusan si Col Davila, na dalhin si Dumlao sa kanyang opisina.
Sadyang dapat na malaman ang buong katotohanan ukol sa kasong ito, at sa pagpilit ng mga nabanggit na opisyal, at marami pa, na idawit si Lacson at idiin sina Mancao at Aquino sa salang pagpaslang kina Dacer at Corbito. Sa susunod na linggo ay tatalakayin pa natin ang kasong ito.
Wednesday, December 3, 2008
Kasong Dacer-Corbito, 2
Posted by Lito Banayo at 1:47 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment