Ito ang nagging pahayag ng nagkaisang Former Senior Government Officials (FSGO), noong Disyembre 12, 2008, patungkol sa isinusulong na pag-amyenda ng ating Saligang Batas sa ilalim ng pamahalaang Arroyo.
Ang position paper ay siyang itinalumpati ni Vicente Paterno, dating senador ng bansa, at nanilbihan sa sambayanan ng marangal at mahusay, bilang pinuno ng Board of Investments, Kalihim ng Public Works, Kalihim ng Trade and Industry, at miyembro ng Kapulungan ng mga Economic Advisers ng Pangulo.
Sa edad na otsenta, at maski naka-tungkod na, si Senador Paterno ay nag-martsa kasama ang iba pa sa amin sa FSGO, upang maki-isa sa pagpapakita ng damdamin ng sambayanan ukol sa muling pagsira sa mga balangkas ng demokrasya nitong kasalukuyang rehimen. Narito ang kanyang talumpati:
“Ang amin pong pangkat, FSGO, Former Senior Government Officials, ay walumpung dating mga nanungkulan bilang cabinet secretary at undersecretary, sa ilalim ng iba’t ibang presidente mula kay Diosdado Macapagal, Marcos, Aquino, Ramos, Estrada hanggang sa kasalukuyang Macapagal Arroyo.
“Gamit ang aming kaalaman sa pagpalakad ng gobyerno sa loob ng apatnapu’t limang taon, sa ilalim ng anim na presidente, aming siniyasat at sinuri ang nagawa ng rehimeng GMA. Hatol namin - ang rehimeng ito ang pinakamasama sa lahat ng umiral simula kay Diosdado Macapagal, at sa aming palagay mula pa kay Presidente Quezon.
“Sa panahon ni Marcos, ang corruption ay umiral sa loob ng kanyang pamilya, ilang piling militar at mga crony, pero hindi gasinong kumalat at nabulgar noon sa sambayanan. Sa panahon ni Arroyo kilala ng buong bayan at sa mundo na corruption ang malalang sakit, galing sa garapal na Malakanyang, hinawa ang ilang heneral at marami sa Kongreso, at pinalaganap ng kanyang pamumuno. Ngayon isa nang grabeng cancer --- kalat sa buong katawan ng gobyerno ni Arroyo.
“Ang rehimeng Arroyo kinukulang ang suporta sa public health. At ang FSGO ay lubhang nababahala sa kulang na budget sa edukasyon, sapagka’t ito lamang ang maka-kaahon sa kahirapan ng pangkaraniwang pamilya.
“Isa pang grabeng kasalanan ng rehimeng Arroyo – sinisira ang balangkas ng gobyerno. Pinasak ang napakaraming political appointee sa puwestong ayon sa batas dapat lamang okupahan ng CESO – Career Executive Service Officers – may sapat na kwalipikasyon, nakaraan sa itinakdang training, at nakapasa sa kailangang examination.
“Sa harap ng ganitong kakulangan at kasalanan ng kanyang pamamahala, sobrang kapal ng mukha ng mga nagmu-mungkahing pahabain ang termino niya. Huwag na nila igiit at ipilit ang chacha, bagkus sa galit at poot ng taong bayan ay pabilisin ang kanyang pag-alis sa kahit anumang paraan.
“Kasama ang FSGO sa nagmamahal sa katiwasayan at katahimikan. Hindi namin nais mapilit na umayon sa prosesong iba sa tinakda ng Konstitusyon. Mga alyados ni GMA --- iwanan na ninyo ang tangkang magpalit ng Saligang Batas sa paspasang paraan.
“Ulit-ulitin natin sa mga binging alyados niya – Ibasura ang Chacha. Tapos ka na Gloria.
Monday, December 15, 2008
“Tapos ka na, Gloria”
Posted by Lito Banayo at 11:52 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment