Nakatawag-pansin ang pagkakahuli kina Cesar Mancao at Glenn Dumlao, mga dating opisyal ng Philippine National Police sa Estados Unidos. Si Mancao ay naninirahan sa Florida, kasama ng kanyang pamilya, kung saan siya ay nakapagtayo ng isang maayos na real estate business. Si Dumlao naman diumano ay nahuli sa New York, batay sa isang extradition request ng pamahalaan ng Pilipinas.
Agad nag-umpisa ang mga haka-haka ukol sa karumal-dumal na krimen kung saan idinawit si Ping Lacson, dahil lamang sa ang mga hinuling opisyal ng kapulisan ay mga dati niyang tauhan sa PAOCTF, na siyang buma-bandera noon laban sa mga sindikatong kriminal.
Natatandaan kong kasagsagan ng kampanya ng 2001 nang mahukay ang mga labi nina Dacer at Corbito, at sama sa iba pang black propaganda, ay ginamit ito ng mga kampon ni GMA upang siraan si Lacson. Balisang-balisa ako noon dahil sa ako ang tumtayong campaign manager ni Lacson nung paglahok niya sa pulitika sa pagtakbo bilang senador matapos bumagsak ang panguluhan ni Estrada.
Nagkaroon pa nga ng mga hearing sa Senado nung panahong iyon, at doon ay hinarap ni Ping ang mga anak ni Dacer, kung saan tahasan at walang atubiling sinabi niya na wala siyang kinalaman sa nangyari sa kanilang ama at driver nito. Dahil nga malapit ako kay Lacson, tinanong ko siya kung ano ba ang resulta ng kanilang pag-imbestiga noong panahong iyon. At ang kanyang sagot ay nangyari nga ito noong katapusan na ng Nobyembre, 2000, kung kalian gulung-gulo na ang pamahalaang Estrada na nakasalang sa impeachment. “Tanda mo nga, Lito, na gabi-gabi ay pinatatawag tayo sa mga miting sa Malakanyang ukol sa krisis. Bagama’t naumpisahan ang imbestigasyon ukol sa pagkakadukot kina Dacer, natabunan naman ito ng pagsabog ng LRT at iba pang lugar noong Disyembre 30, na siyang puspusan naming tinarabaho. Pagkatapos nga ay bumagsak na ang pamahalaang Estrada noong Enero 19, 2001.”
Sinikap kong tanungin noon si Cesar Mancao nang magkita kami minsan sa Estados Unidos, taong 2006. Maayos na ang pamumuhay niya roon, bilang isang realtor. Kasama ko ang aking kumpare na kaibigan din ni Cesar at isang Fil-Am na pulis sa Miami na kababayan ni dating Pangulong FVR sa Asingan, Pangasinan, at malapit raw sa kanya.. Sinabi sa akin ni Cesar na tahasang wala siyang kinalaman sa nangyari, at kanya nga lang siya nasangkot ay dahil may mga tauhan sa ilalim niya na diumano’y nasangkot, ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad noong kapanahunan na ni GMA.
Kahapon ay may lumabas na report sa Philippine Daily Inquirer na sinulat ni Norman Bordadora, sa pahina 7 ng pahayagang naturingan. Ang report ni Norman ay batay sa dalawang affidavit na nakuha niya sa records ng kaso. Isa ay sulat-kamay daw ni Glenn Dumlao, na may petsang June 12, 2001, matapos na siya ay madakip.
Ang pangalawa naman ay affidavit na ginawa ni Dumlao noong Mayo 20, 2003, kung saan sinalaysay ni Dumlao na siya ay pinilit lamang na magsagawa ng “fabricated documents” tulad ng naturang salaysay na sulat-kamay, ng mga opisyal noon ng PNP, katulad raw ni Reynaldo Berroya.
Sinabi niya na pilit na pinadidiin sa kanya sina Lacson, Mancao at Aquino sa kasong Dacer-Corbito, bagama’t hindi raw totoo.
Ano ba talaga ang misteryong bumabalot sa pagkakapaslang kina Dacer at Corbito? Tanda ko pa na may ilang araw bago nangyari ang insidente ng pagkakadukot, naging panauhin ni Pangulong Estrada si Bubby Dacer sa Malakanyang. Sinamahan siya ni noo’y congressman ng Kalookan na si Baby Asistio, na malapit na malapit kay Erap. Kailan ko nga lamang nalaman na si Dacer at Asistio pala ay mag-balaeng magturingan dahil sa anak ng kapatid ni Asistio na si Nene Henson ang siyang napangasawa ng anak na babae ni Dacer.
Matapos makaharap si Erap, at paalis na sila ng Malakanyang, nilapitan ako ni Dacer, na kaibigan ko rin dahil isa siyang media practitioner, at inakbayan pa ako. Sabi niya, “Brother, ayos na kami ni Presidente mo.”
Tuesday, December 2, 2008
Kasong Dacer-Corbito
Posted by Lito Banayo at 1:46 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment