Tuesday, August 18, 2009

Kay daming tagapagasalita

Sabi ng mga tagapag-salita ni Manny Villar, sina Alan Peter Cayetano, Gilbert Remulla at Adel Tamano, hindi na raw dapat busisiin pa ni Jamby Madrigal ang mga ginawa ni Villar nung ito’y hindi pa senador. Kasi daw, ang kaso sa Ethics Committee ay para sa mga ginawa o hindi ginawa ng kapwa-senador lamang.

Kasi naman itong si Madrigal, ipinaliwanag sa mga senador kung paano binili ni Villar sa mababang halaga ang tatlong parsela ng lupa sa Las Pinas, pagkatapos isinanla sa sariling bangko sa mas mataas na halaga sa madaliang panahon, at pina-ilit ito. Pagkatapos, bilang kabayaran sa bilyones na pagkaka-utang sa Bangko Sentral ng naturang bangkong pag-aari ng mga Villar, e ibinigay ang mga lupain bilang dacion en pago. Pero teka! Ayon pa rin ay Madrigal, ang mga parsela ng lupa ay kasama sa naibenta sa DPWH na dinaanan ng C-5!

Wow! Ilang beses ginisa sa sariling mantika si Juan de la Cruz?

Kanya-lanyang siste talaga. Sistema sa pagpapayaman. At sistema sa pagpapalusot. Porke’t congressman pa lang si Villar nang nangyari ito, hindi na raw dapa’t inuukilkil pa ni Jamby, ani A-G-A (Alan, Gilbert, Adel) , mga taga-pagsalita ni Villar.

Bigatin talaga itong si Villar, tatlo-tatlo ang tagapagsalita --- isang kapwa senador, isang dating kinatawan ng Kabite, at isang nais maging senador.

Si Mar, sino ba ang tagapagsalita, si Korina? Si Chiz, meron bang tagapagasalita? Si Noli, meron din? Si Loren, meron na ba? Maski nga si Erap, nilayasan ni Adel Tamano at sumilong kay Villar.

E bakit ba hindi si Villar mismo ang siyang magsalita, at harapin ang mga paratang sa kanya sa Senado, at hindi nagkukubli sa isang damakmak na mga tagapag-salita?

* * *

Parehung-pareho sila ni Donya Gloria. May Cerge Remonde na Press Secretary, laging nagsasalita, maski na balu-baluktot.

May Ed Ermita, ang kanyang Executive Secretary, na nais ding magsalita palagi. Saan ka ba naman nakakaita ng Executive Secretary na may lingguhang press conference? Wala ba siyang tiwala kay Remonde? Minamata ba ng Batangueno ang Cebuano?

May Anthony Glolez pa, na taga-Bacolod. At may Lorelie Fajardo, na taga-Nueva Ecija.

Nagdagdag pa ng spokesman for economic affairs kuno, ang lumipas na aktibistang si Gary Olivar.

At dahil lamang sa pagkain sa mamahaling mga restawran sa new York at Washington, na nagkakahalaga ng halos dalawang milyong pisong tumataginting para sa dalawang hapunan lamang, aba’y may Romy Makalintal pa, at may Danny Suarez pa, na kinatawan ng isa sa pinakamahirap na distrito ng buong Katagalugan!

* * *

Kanya pala naman nagsisiksikan ang mga trapo sa Partidong Lakas-Lampi, o Palaka (wika ni Mar Roxas), na sumilong sa matayog at malapad na payong ni Manny Villar sa Lapiang Nasyonalista (kuno). Pati nga si Senadora Miriam, nais tumakbong muli bilang senador sa ilalim ng pundilyo ni Manny Villar. Kanya nga lang, mataas ang presyo – 200 milyung piso.

Kung sabagay, isang porsyento lang daw ang 200 milyon ng kinita ni Villar sa IPO ng kanyang Vista Land, ayon sa tagapagsalitang si Alan Cayetano. Kanya lang, kapag nakuha na si Miriam, e baka isang-tabi sina A, G at A? Kawawang Adel, na tila dalawang milyon pa lang ang napaunang bayad sa usaping 50 milyones, bago itakwil nito si Erap at sumilong kay Villar.

1 comments:

EQ said...

Congrat LITO!

http://mav-equalizer.blogspot.com/2009/08/top-10-pinoy-and-american-blogs.html