Monday, January 26, 2009

Kabulukan ng sistema

Masakit sabihin at mapait aminin na sobra-sobra ang kabulukan sa ating sistema pulitikal. Tila baga ang lahat ng mga institusyon ay nahawa na sa kabulukan ng talamak na korapsyon --- isang kanser na tila wala nang lunas.

Mantakin mong ang hudikatura, ang piskalya, at kapulisan ay nakikisama sa mga nagtutulak ng droga, at dini-dismiss ang mga kaso ng mga ito para sa malaking pabuya. Kailan lamang ay muling tumindi ang interes ng sambayanan dahil sa kaso ng tinaguriang Alabang Boys na nahuli ng PDEA noong isang taon nguni’t pilit na nais pakawalan ng mga piskal ng DOJ. Milyun-milyung piso ang siyang sinasabing halaga ng mga suhol, at maraming matatas na opisyal ang tila sangkot sa kabulukan.

Ang World Bank kamakailan ay nagpalabas ng isang “blacklist” kung saan tatlong kontratistang Pilipino ay nakalista. Diumano ay nagkukuntsabahan ang naturang mga kontratista para ma-korner ang malalaking proyektong pinupondohan ng mga pautang ng World Bank at iba pang mga institusyong pinansyal na dayuhan at multi-nasyonal. Sa pag-blacklist na ito, tumindi lalo ang “black-eye” ng Pilipinas dahil sa sobrang korapsyon. Sa mata ng mga dayuhang institusyon at mga mangangalakal, para bagang sobra na ang kabulukan ng ating sistema. Dahil dito, lalo lamang hihirap makakalap ng puhunan at investments para umarangkada naman kahit paano ang ating ekonomiya.

Ang masakit at lubhang kahiya-hiya ay kung bakit dayuhan pa ang siyang sumita sa kuntsabahan ng mga kontratista at mga ahensya ng pamahalaang sangkot, at hindi ang sistema ng katarungan natin, sa pamamagitan ng COA, Ombudsman, at iba pang mga ahensya. Ibig sabihin, natutulog sila sa pansitan, o sadyang nagtutulug-tulugan. Bakit? Dahil hindi nila maaring galawin ang mga ma-impluwensya at makapangyarihan? O dahil sa suhulan? Malamang, pagsamahin mo na ang dalawang mga dahilang ito.

Ano ang epekto ng ganitong mga wasak na institusyon at kabulukan ng sistema sa masang Pilipino? Simple lang. Dahil sa korapsyon, ang salaping galing sa buwis na dapat ay gugulin para sa mga batayang serbisyo tulad ng kalusugan, edukasyon, maging kasiguruhan at katahimikan ng lipunan ay salat na salat. At mahihirap na tanging pag-asa ay serbisyo publiko ang siyang kaawaawa. Kinabukasan ng kanilang mga anak ang siyang napapariwara.

Ang tanong --- mababago ba ang sistemang bulok sa balangkas ng kasalukuyang mga institusyon, katulad ng halalan, kung saan nagkakaroon ng “paghusga” ang taong-bayan, at maaring mabago ang pangunahing namumuno? Paano naman ito mangyayari kung salapi rin ang siyang pinaiiral para mahalal? Salaping pambili ng mamahaling air time sa radyo at telebisyon. Salaping ipinamumudmod sa mga kandidatong lokal na siya namang gagamitin hindi lamang sa pangangampanya, nguni’t mas masama, sa pamimili ng boto. At kung kulang pa ang pamimili ng boto para masalaula ang halalan, nariyan pa din ang pandaraya, kung saan limpak-limpak na salapi na naman ang gugugulin ng buktot na pulitkang tiyak na babawi sa bulok na sistema. At ito ang tinatawag nating demokrasya?

Ewan ko nga ba --- asa pa tayo?

0 comments: