Noong Sabado ng tanghali hanggang sa hapon ay dumaan ako at aking mga kaibigan sa lungsod ng Vigan. Nauna rito, kami ay nagtungo sa lungsod ng Laoag, at naglibot sa San Nicolas, Burgos, Pasuquin, Paoay, Batac, Bangui, at napakagandang Pagudpud sa dulo ng Luzon. Doon ay nananghali kami sa Saud Beach Resort na pag-aari ng mag-asawang Reynolan at Maja Sales. Si “Teteng” ay makailang beses na alkalde ng Pagudpud, bago tumakbo, nanalo, at nadaya sa pagiging congressman ng unang distrito ng Ilocos Norte, sa kamay ng isang beteranong trapo. Si Maja ay kasalukuyang vice-mayor ng Pagudpud.
Tinawag na “Boracay of the North” ang Pagudpud, at sadya namang napakaganda ng white-sand beach, lalo na sa harapan ng Saud Resort. Nguni’t, hindi tulad ng Boracay, wala kang maipintas sa linis ng beach na ito. Sa apat na oras na pamamalagi naming sa Saud, ka-kwentuhan ang mag-asawang Sales, wala ni isang pirasong plastic na nakita kang lulutang-lutang sa dagat, o isa mang maruming bagay sa playa. At walang nag-iingayang mga tugtugin, mga karaoke, at mga nagsisipagtinda ng kung anu-ano. Ang Pagudpud ay “pahingahan ng iyong kaluluwa”, na kung ang hanap mo ay matanggal ang iyong “stress” sa pang-araw-araw na buhay, makipag-bonding sa iyong pamilya, at mare-charge ang mga nanghihinang baterya ng iyong katawan, ito ang lugar na dapat mong puntahan. At ang mga Sales ay tunay na “conservationist” ang pananaw, at naninindigang panatilihing natural at maayos ang kanilang napakagandang regalo mula sa Panginoon, ang makatanggal-hiningang Pagudpud.
Sumunod na araw ay bumiyahe kami ng isa’t kalahating oras patungong Vigan, and dating sentro ng buong Hilaga, na tinaguriang “Ciudad Fernandina” ng mga kolonyalistang Kastila, bilang parangal sa kanilang haring si Fernando ng Kastilya, habang ang Ilocos ay tinawag nilang “Nueva Segovia”. Muli, ang Vigan ay bayang nakapagpapa-alaala sa atin ng ating matulaing kasaysayan, tulad ng Intramuros na kailangang ayusin pa. At ang pagpapanatili ng lumang Vigan ay napunta sa mag-asawang Medina, sina Ferdie at Eva Marie, na matatalik kong kaibigan noon pa mang sila ay parehong nag-aaral sa Pamantasan ng Sto. Tomas, bilang mga arkitekto. Dahil sa kanilang pinag-aralan, at pagpupunyaging manumbalik ang pamana ng lahi na kanilang pinamumunuan, buhay na buhay ang Ciudad Fernandina sa lungsod ng Vigan. Si Eva Marie ay anak ng yumaong Gobernador Evaristo Singson, nakatatandang kapatid ni Chavit na kilala nating lahat. Si Ferdie, na kaklase niya sa UST, ay mula sa angkan ng mga Medina ng Pateros, nguni’t ngayon ay Ilokanong-Ilokano na sa salita, maging sa pagmamahal sa Vigan.
May balanse ang komersalisasyon at pagpapanatili ng mga ala-ala ng kasaysayan sa Vigan. Maraming mga “restrictions” sa design at arkitektura ng anumang negosyo sa loob ng lumang Vigan, ang Ciudad Fernandina, at maging sa pag-aaruga ng mga produkto ng mga taga-Vigan, ang “burnay” o mga gamit na hango sa putik, ang “abel Iloko” na telang gawa sa makalumang pamamaraan, maging sa pagpapanatili ng kanilang mga tradisyunal na pagkain, tulad ng paborito kong “sinanglaw”, at kilalang longanisa at bagnet (iba-iba ang bersyon ng mga ganitong pagkain sa dalawang lalawigan ng Ilokos, at halos lahat ng bersyon ay natikman ko na).
Sa loob ng lumang siyudad, makikita ang kahalagahan ng “conservationist” policies at regulasyon na ipinatutupad ng mag-asawang Medina, mula sa pagpapanatili ng mga mansyong higit daang-taon na ang tanda, at ang pakikibagay dito ng mga kalsada, road signs, at transportasyon. Medyo lungkot ako dahil may McDonalds at Jollibee, nguni’t wika nga ni dating Mayor Ferdie, hindi naman mapigilan ang “modernisasyon” kaya’t siniguro na lang nila na angkop sa makalumang disenyo ang arkitektura ng mga ito. Dumaan kami sa Max’s na katapat ng paborito kong bilihan ng mga “antiques’, at kitang-kita sa gusaling ipinagawa nito kung paano maaring pagsamahin ang makalumang anyo sa makabagong mga pangangailangan ng isang restawran.
Salamat naman at may mga punong-bayan tayo tulad ng mag-asawang Medina ng Vigan at mag-asawang Sales ng Pagudpud, na may pagmamahal sa kasaysayan at sa kalikasan, at may pagpapahalaga sa mga ito, kasama ang maayos na pananaw sa kanilang mga tungkulin, hindi lamang sa kasalukuyan, kundi maging sa pinagdaanan ng kanilang mga bayan, at sa tamang hinaharap ng mga ito.
Tuesday, January 20, 2009
Pagudpud at Vigan
Posted by Lito Banayo at 11:31 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment