Sa nagdaang dalawang buwan ay dalawang beses akong umakyat sa tinaguriang “summer capital” ng bansa, ang lungsod ng Baguio. Ang unang pagkakataon ay daglian at saglit. Nguni’t nitong nagdaang ilang araw, ako’y nagliwaliw, kasama ang ilang barkada, sa Pagudpud, Burgos, Paoay, Batac, at Laoag City sa Ilocos Norte, kung saan kami ay nanirahan sa naisa-ayos at magandang Fort Ilocandia sa tabing dagat, at pagkatapos ay sa Vigan, na sa loob ng higit labindalawang taon ng pamamahala nina Mayor Eva Marie at Ferdie Medina, ay naging isang kaiga-igayang tourism at cultural destination, habang ang herencia nito sa kasaysayan ay naitataguyod ng maayos. At pagkatapos ay dalawang gabi sa Baguio, upang masarapan naman sa diumano’y napakalamig na klima na tatalunin ang nagdaang mga taon.
Maliit pa akong bata ay sanay na sanay akong umakyat sa Baguio, at sadyang malapit sa aking puso ito. Noong ako’y Grade One pa lamang, naniningil ang aming pamilya sa mga pautang sa mga negosyante doon sa negosyo ng aking lolo, kaya’t buwan-buwan ay umaakyat kami doon hanggang sa magtapos ako ng Grade Two. Noong ako naman ay nasa-High School, taunang may kumperensya at training kami sa Student Catholic Action sa St. Louis University mula Disyembre 26 hanggang Disyembre 30. At dahil doon ay naging ugali ko na, maging ng aking maybahay at mga anak, ang pumunta sa Baguio sa kasagsagan ng tag-lamig doon.
Sa nagdaang mga taon ay nakita ko ang pagkakasira ng Baguio. Noong maliit akong bata, langhap na langhap mo ang mabangong halimuyak ng mga pine trees sa tuwing paakyat ka na ng Kennon Road. Ngayon, ke magdaan ka sa Kennon o Marcos o Naguilian, usok ang iyong masisinghot. Sa Camp John Hay ka na lamang makaka-amoy ng bango ng pine trees, nguni’t paglabas mo doon, papalapit sa dambuhalang kapangitan ng SM mall na dati ay napakagandang Pines Hotel, wasak na ang mga magagandang alaala mo ng Baguio ng aking kabataan.
Lubhang nalugmok sa walang habas na komersalisasyon ang Baguio. Pinabayaan ng mga opisyal, lokal man o mga ahensya nasyonal, na mapariwara ang dating angking sarap ng Baguio. Maging ang Session Road na dati-rati’y kaiga-igayang pasyalan ay naging pangit, masikip, at bulok na. Nagkaroon ng dalawang Baguio --- ang maayus-ayos pang lugar, tulad ng Camp John Hay hanggang Baguio Country Club, at ang bulok na bulok nang downtown, kasama na ang napariwarang Burnham Park.
Noon ako ay nahirang na general manager ng PTA, natuklasan kong ang Burnham ay tinanggal mula sa pag-aruga ng National Parks Development Committee ng Kagawaran ng Turismo at napunta na sa local government unit ayon sa kautusan ni Pangulong Ramos. Dahil dito, nais kong malaman kung may plano ba ang city government na isa-ayos ang makasaysayang public park na ito bago namin tulungan sa pondo, nguni’t ang aking nakita ay mga planong pulos konkreto --- semento dito, semento doon. Matatandaang nagpatayo pa nga ng pine tree na semento sa junction ng Session Road at Leonard Wood, na sadyang nakakasuya. Sa totoo lang, ayaw ko noong tulungan sila dahil nga sa aking pananaw, lalo lamang mapapariwara ang Baguio na noon pa man ay tadtad na sa semento. Dumaan kami sa napaka-trapik na palibot ng Burnham nitong linggong nagdaan, at natuklasan kong imbes na magagandang “period lamps” sa palibot ng lagoon, ay mayroon ng mga plastic lamps na gawang Tsina, kagaya ng pagkapangit-pangit na pinaglalagay sa Kamaynilaan. Sayang.
Ang isa pang sakit ng Baguio ay ang walang humpay na pagdami ng tao rito, hindi lamang dala ng panganganak ng mga dating residente, kundi ang pagdami ng mga “migrants” galing sa mabababang lugar. At hindi ito naisa-ayos o na-plano ng mabuti ng pamahalaan, kaya’t nagsisiksikan at pinagpuputol na walang awa ang mga naggagandahang Benguet pine trees. Talagang nakakaiyak at nakakainis.
Sa aking konting pananaw, mahirap nang baguhin pa ito, at ang magagawa na lamang ay panatilihing maayos ang iilang natitirang magaganda pang lugar, tulad ng John Hay at palibot ng Leonard Wood hanggang South Drive, at kung maari pa sana ay ayusin naman ang Mines View Park na naging pugad ng mga vendors at sirang-sira na. At kung maari pang mabago ang pagkakasira ng Burnham Park, para naman ang masang Pilipino ay may mapuntahang maganda pang lugar sa Baguio, dahil ang John Hay at Country Club ay sa mga nakaririwasa lamang.
Bakit nga ba tayong mga Pilipino, tila walang pagpapahalaga sa mga kagandahang taglay ng ating kalikasan, at wala ring pagpapahalaga sa kasaysayan? Kay lungkot. Nakapanghihinayang ang Baguio.
Monday, January 19, 2009
Nakapanghihinayang ang Baguio
Posted by Lito Banayo at 9:57 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comments:
Totoo yan kaibigan, nakapanghihinayang ang baguio. Huling punta ko kasama pamilya ko yung dalawang anak sabi nila daddy kala ko ba magand dito e parang palengke lang tsaka yung park bakit puro semento at daming vendors, sa mines view park kala ko magugustuhan nila di din pala sobra dami tao pati vendors occupied na yung daan pati horse kinulayan ung hair pati yung aso ginawang business na. Hay nakakahinayang sana maibalik yung lumang baguio·
Post a Comment