Dahil sa desisyon ng Korte Suprema, kung saan binigyan ng pagkilala ang karapatan ng iba pang mga party-list na lapiang lumahok sa halalan ng 2007, madaragdagan na naman ang Kamara de Representantes ng dalawampu’t siyam na mga miyembro. Ito’y nangyari habang pinapanukala sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang pagdagdag pa ng miyembro sa mababang kapulungan, ng limapu hanggang sa isang daang bagong mga distrito.
Ang dahilan sa panukala na magdagdag ng kinatawan ay ang pagdami, o paglobo ng populasyon. Wika kasi ng Saligang Batas, dapat ay bawa’t probinsiya ay magkaroon ng tig-isang congressman, o kasing-dami ng kailangan para sa bawa’t 250,000 populasyon. Ang problema, mula noong 1987 kung kalian umiral ang kasalukuyang Saligang Batas, dumami na tayo ng dumami. Ang pangalawang distrito halimbawa ng Lungsod ng Quezon ay may higit sa isang milyong populasyon na, pero iisa ang distrito. Ang Cavite ay may 2.4 milyong populasyon na, nguni’t nananatiling tatlo ang distrito.
Sa ganang Korte Suprema naman, dapat daw ay 55 ang party-list representation, upang tugunan ang tagubilin ng Saligang Batas na 20% ng mababang kapulungan ay naka-reserba para sa mga mararalita at kapus-palad na sektor. At dahil sa higit 230 na ang kasalukuyang miyembro ng Kamara, e di tinaasan, at kinilala sa ganitong pamamaraan maski ang mga partido na wala pang dalawang porsyento ang nakalap na boto noong halalan ng 2007. Hindi rin mawala ang ispekulasyon na ayaw lamang ng Korteng makakalap si Louie Villafuerte at Mikey Arroyo ng inaasam-asam na 197 na boto para maidulog sa kanila ang usapin ng Cha-Cha sa pamamagitan ng constituent assembly ng iisang Kamara.
Ngayon nga naman ay may dagdag na bagong 29 na congressman, e hindi pa nila nakakalap ang 197 na sumusuporta sa cha-cha. Mas magiging mahirap sana. Ang kahinaan ng argumentong ito ay sa 29 na nanalong mga party-list na kinatawan, masasabing tatlo lang ang sertipikadong lalaban sa cha-cha, at siguro’y may apat o lima pang medyo independyente ang paninindigan. Nguni’t ang karamihan sa mga bagong party-list na kinatawan, at partido nilang hindi mo ma-ispelling kung ano ang layon o pakay, ay mga “batang club” ng Malakanyang. Sa madaling salita, nadagdagan pa ang mga kampon ng pro-chacha.
Huwag na muna nating tunghayan ang epekto sa sinusulong na cha-cha. Imbes, ano naman kayang kabutihan ang idudulot sa bayan ng karagdagang mga mambubutas, este, mambabatas? Dagdag gastos, dagdag yabang, dagdag abuso, at dagdag pork barrel.
Sa pork barrel pa lamang, ang kasalukuyang ginugugol sa 236 na mambabatas ay 16.5 bilyones taun-taon. Sa loob ng tatlong taong panunungkulan ng mga ito, umaabot na sa 50 bilyon, pork barrel pa lamang. E ngayong aabot na sila sa 265, e di dagdag 2 bilyon sa isang taon? At kung isusulong ang panukalang dagdagan ang mga distrito dahil sa paglobo ng populasyon, ng 50 pa, e di dagdag na naman, sa pork barrel pa lamang, ng 3.5 bilyon? Suma total, 22 bilyones sa pork barrel taun-taon, o 66 bilyon sa tatlong taon. Diyos ko po!
At para ano? Para magbutas ng silya sa Kamara? Para magpanukala ng mga batas na walang saysay? Para maging tuta, at magpakatuta sa Malakanyang, sinuman ang pangulo? Para magkanda-bingi na tayo sa mga wang-wang ng kanilang mga escort at back-up na sasakyan, kumpleto de-bodyguard na pulis o militar?
Ewan ko, pero parang mabuti pa i-abolish na muna ang mababang kapulungan. Tutal, mabababang uri rin naman ang kanilang asal.
Monday, April 27, 2009
Dagdag na mga walang silbi
Posted by Lito Banayo at 6:21 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment