Monday, April 20, 2009

Sadyang walang balak lumisan

Malinaw ang mga senyales na talagang walang balak lisanin ng mga Arroyo ang kanilang mahigpit na paghawak sa kapangyarihan. Hanggang sa ngayon ay hindi mamatay-matay ang usaping Cha-Cha sa Kamara. Bagama’t pabago-bago ang mga taktika, at maraming pampa-disimulong mga pagkilos, lumilinaw na ang sadyang nais ay magkaroon ng desisyon ang Korte Suprema na a-pabor sa “constituent assembly” maski hindi sumali ang Senado, basta’t makuha ang sapat na bilang ng mga mambabatas sa mababang kapulungan.

Kung pagsasamahin ang miyembro ng Kamara at ng Senado, ang tatlong ikapat nito ay bumibilang ng 196. Sa ngayon ay tinatayang mayroon na silang 178 na lagda. Labing-walo na lang ang kailangan. Karamihan sa mga mambabatas ay payag sa “Cha-Cha” basta’t hindi ngayon gagawin, kundi pagkatapos ng halalan ng 2010. Marami kasi ang natatakot na magagalit ang sambayanan kung hindi matutuloy ang kinasabikan nang halalan ng 2010. Maging ang simbahan at mga iba’t ibang sector ay pumapayag sa pag-amyenda ng Saligang Batas, basta’t pagkatapos mairaos ang halalan.

Mukhang na-kanal silang lahat sa isang patibong. Pagka’t mukhang ang maitim na balakin ay ituloy ang halalan para sa panguluhan at lahat pa ng ibang mga posisyon na naka-takda sa Mayo ng susunod na taon. Nguni’t ang “papapanaluhin” na pangulo ay papayag na magkaroon ng cha-cha, gamit ang constituent assembly ng bagong mga halal na mambabatas, na siya namang magbabago ng porma ng pamahalaan, kung hindi sa 2010, ay sa loob ng 2011. Sa madaling salita, kung babasbasan ngayong taon ng Korte Suprema ang constituent assembly basta’t may 196 na lagda o boto, itutuloy ito pagkatapos ng halalan ng 2010. At ang Korte naman ay binubuo ng labing-tatlong maka-Gloria, at dalawa na lamang ang matitirang “independyente” sa Oktubre ng taong ito. Kaya’t inaasahang papabor ang Korte sa constituent assembly na isinusulong ni Rep. Louie Villafuerte at Mikey Arroyo.

Magiging “ceremonial” president ang mahahalal sa 2010, habang pipili ang bagong mga mambabatas ng siyang magiging “prime minister”. Sa eksenang ito, tatakbo, at tiyak na mananalo, si Ginang Arroyo bilang mambabatas ng ikalawang-distrito ng Pampanga. Uupo bilang mambabatas, at dahil siya naman ang pumondo sa karamihan ng mga mambabatas, at handang magbuhos na muli ng salapi, sino pa nga ba sa palagay ninyo ang magiging “prime minister”.

Sa ganitong eksena, sino naman ang papayag na maging “ceremonial” na pangulo? Nakalagak sa palasyo, pabiyahe-biyahe lamang, at tanging pagpapasinaya ng mga proyekto ang gagawin? Hulaan ninyo.

Samantala, walang magbibigay ng kontribusyon sa mga kandidato sa panguluhan ng 2010, dahil wala naman silang magiging kapangyarihan kapag malinaw na papalitan ang Saligang Batas at porma ng gobyerno isang taon matapos ang halalan? Kaya’t tanging ang kandidatong mapipisil ni Ginang Arroyo ang siyang may pondo, at dadalhin ng mga buwaya sa Kongreso sa kani-kanilang mga tiket?

Ang galing at mala-henyo ang nag-isip ng plano at mga taktikang ito. At tanging isang gising na sambayanan lamang ang siyang makapipigil sa tagumpay ng ganitong kasamaan.

Kaya lang, magigising pa ba ang sambayanan?

0 comments: