Minsan ay kinausap at hinikayat ng isang kaibigan kong pulitiko ang isang kapwa-kaibigan, upang sumakay na sa “byaheng Malakanyang” ni Manuel Villar. Prangka naman ang kapwa-kaibigan namin. “Hindi ako bilib sa utak niya, sa kakayahan niya”, wika nito. ‘Ni hindi nag-protesta ang kaibigan naming pulitiko. Sambit niya sa kapwa kaibigan --- “si Cynthia (Aguilar, ang ma-lupang maybahay ni Manny na kasalukuyang kinatawan ng Las Pinas) na ang bahala mag-puno noon. Iyon…magaling ang ulo”.
Pero pambihira talaga ang suwerte nitong si Manny Villar. Mula sa isang hindi naman naghihikahos, kundi masasabing “middle-class”, “small-business, na pamilya, napasok siya sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan nakilala si Cynthia Aguilar, mula sa angkan na napakaraming mga lupa sa Las Pinas. Noong panahong iyon ay mga asinan at talahiban pa ang mga ito, nguni’t sa malaon at madali, dahil sa pag-lobo ng populasyon, lungsod na lungsod na ito, at saksakan na ng mahal ang lupa rito.
Mula sa negosyong bato’t buhangin (gravel and sand), pumasok ang mag-asawang Villar sa real estate, at doon ay naka-jackpot. Dahil hawak naman ng pamilya ng Aguilar ang pulitika ng Las Pinas, naging congressman si Manny Villar mula 1992. Bumili sila ng bangko, pinalaki, pero bumagsak ang kanilang bangko. Maging ang real estate business ay nanganib dala ng Asian recession ng 1997. Kaya lang, naging Speaker na si Villar, suportado ni Erap noong 1998. Dalawang taon pagkatapos na gawin siyang speaker ni Erap, sumama siya sa dating katunggali sa pagka-Speaker (na tinabla ni Erap) na si Joker Arroyo, at ibinagsak nila si Erap. Parang magic, nahango sa pagkalaki-laking kautangan ang negosyo ng mga Aguilar-Villar. Swerte kaya, o dunong?
Ito ang tinanong ko sa kaibigang hinihikayat ng kapwa namin kaibigang pulitiko na suportahan na si Villar. Binibiro mo, “bangkarote na halos noong 1998, e hindi lang nakabawi, kundi lalo pang yumaman”, sabi ko sa kanya. “Hindi yan nakakamangha --- alam mo naman kung paano ginamit ang kanyang pagiging Speaker, tapos Senate President, para ma-ayos ang kanyang mga problemang pinansyal. Hindi iyan dunong, o galing, kundi pag-abuso sa kapangyarihan”, sagot sa akin ng kaibigang mataas ang pinagdalubhasaan.
Noong Lunes ng hapon, matapos magtalumpati si Senador Ping Lacson upang sagutin ang mga akusasyon nina Nene Pimentel at Alan Cayetano na hindi siya parehas sa paghawak at pagpapatakbo ng Ethics Committee na siyang naatasang mag-imbistiga sa akusasyon ni Jamby Madrigal patungkol sa “conflict of interest” o paggamit ng pwesto o kapangyarihan at impluwensya para sa pansariling interes, tumindig si Manny Villar. Sa tagal ko nang nagmamasid sa Kongreso, tila ngayon ko lang narinig na mag-privilege speech itong si Villar.
At nanggagalaiti sa galit na sinabing hindi siya natatakot na harapin ang isyung inaakusa sa kanya ni Madrigal, ukol sa mahiwagang pagkakalihis ng C-5 Extension, mula sa dating daraanang lupa ni Bro. Mike Velarde ng El Shaddai, na bayad na ng gobyerno sa halagang 1.2 bilyung piso, at ngayon ay dumaan sa mga lupain ng mga korporasyon ni Villar. Bukod sa pagtaas ng halaga ng mga lupang dinaanan, wika nga ni Madrigal, e mataas pa ang pagkaka-bayad ng lupang binili ng gobyerno sa mga Villar. “Handa akong sagutin ito”, ani Villar, nguni’t kinukwestyon niya ang pagiging-biased diumano ng Ethics Committee, na pinamumunuan ni Lacson, at may mga miyembrong sina Dick Gordon, Mar Roxas, Loren Legarda --- na kapwa raw niyang nais ding maging presidente.
Bagama’t “non sequitur” ang ganitong argumento, wika nga ng mga abogado sa salitang Latin --- ibig sabihin, “hindi nangangahulugang tama”, madaling ibenta ang ganitong palpak na argumento sa taong bayan na hindi nakakaintindi ng batas o proseso ng batas.
Pero handa raw siyang sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya, “hindi sa Ethics Committee, kundi dito mismo, sa bulwagang ito”. Makailang beses niyang inulit-ulit ang mga katagang iyon.
Isang buong linggong pinag-piyestahan si Lacson ng mga kakampi ni Villar sa media --- mga editor, mga kolumnista, mga komentarista. Bugbog-sarado, wika nga, dahil lahat halos ay ka-kampi ni Villar. “Inaapi si Villar…hindi parehas lumaban si Ping…kinukuyog ng mayoriya si Villar…pinuputikan si Villar kasi nangunguna sa labanan sa pagka-pangulo…” ito ang mga bukambibig at laman ng mga tabloid. Maging mga istoryang tama at patas na isinusulat ng mga Senate reporter ay binabago sa desk ng mga pahayagan, para lamang pabanguhin si Villar at sirain si Lacson.
Kaya siguro nitong nagdaang Lunes, tumayo si Lacson sa bulwagan ng Senado, at hiniling sa isang mosyon na yaman din lang na walang kumpiyansa si Villar na bibigyan niya ito ng “patas na laban” sa Ethics Committee na kanyang pinamumunuan, e buong Senado na lamang ang siyang mag-imbistiga, sa pamumuno ni Senate President Enrile (na hindi naman “presidentiable”). Tutal, wika nga ni Lacson, mismong sa mga bibig ni Villar namutawi noong nagdaang Lunes, na “handa siyang harapin ang isyu, hindi sa Ethics Committee, kundi dito mismo sa bulwagang ito”. At sinang-ayunan si Lacson ng sampu sa kanyang mga kapwa-senador, at walang kumontra. Nag-abstain ang limang ka-alyado ni Villar.
Ilang buwan ding nanahimik si Villar sa mga akusasyon sa kanya ni Madrigal. Ngayon ay kailangan na niyang harapin ang isyu --- sa harap ng lahat ng mga senador. Ito rin naman ang kanyang hiniling noong Lunes nang nagdaang lingo.
“Hoisted in his own petard”, wika sa Ingles. Para i-translate sa angkop na pananalita, “nilaga sa sariling laway” si Senador Manuel Villar.
Tuesday, April 28, 2009
Nilaga sa sariling laway
Posted by Lito Banayo at 9:30 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment