Kamakailan ay dinambong ng mga pirata sa Gulf of Aden sa gilid ng Somalia ang isang barko ng Maersk Lines. Imbes na sakupin ang barko, nagprisinta ang kapitang Amerikano na siya na lamang ang dakpin, at ginawa siyang hostage sa isang saradong lifeboat, ng mga pirata. Mismong si Pangulong Obama ay nabahala, at nangyari ito habang siya’y bumibisita sa Europa.
Agad kumilos ang mga Kano, at noong dis-oras ng gabi ng Linggong nagdaan, kumilos ang kanilang pwersa ng “special forces”. Walang kamalay-malay ang mga pirata ng sila’y salakayin at mapatay ang tatlo, habang nabihag ang ika-apat na bantay ng kapitan ng barko. Nasagip ng buhay ang kapitan, at agad ay nailikas ito. Ma-drama, parang sine, nguni’t ligtas ang buhay, at naturuan ng leksyon ang mga pirata.
Samantala, higit sa isang daan pang mga “seamen” ang naka-hostage sa iba’t ibang parte ng mahabang baybayin ng Somalia, na siyang pugad ng mga pirata. Pitumpo sa mga ito ay Pinoy. Hindi ako magtataka kung ni hindi pa alam ng ating pamahalaan ang kabuuan ng kung sinu-sino ang mga Pinoy na naka-hostage at magpasa-hanggang ngayon ay hindi makalaya.
Nakaiiinggit ang ginawa ng Kano. Maaring sabihing dahil ito sa mayaman at makapangyarihan sila, nguni’t hindi pa rin ito dahilan upang mapatawad ang tila kawalang-pansin, at kawalang-lakas ng ating bansa na protektahan ang sariling mga mamamayan na nagkaka-problema sa ibang bansa. Kailan nga lamang ay nagpamalas pa ng pag-asikaso ang kapwa-Kano, maski convicted rapist ang siyang nakasalalay – si Corporal Lance Smith. Una’y hindi pumayag na mabilanggo si Smith sa piitang Pinoy, at sa US Embassy ito kinupkop. Ngayong nagdesisyon ang ating Korte Suprema na labag ang ganito sa Konstitusyon, hindi pa rin sila pumapayag na mapiit si Smith sa ating kulungan, at nakipag-kuntsabahan pa sa pamilya ng diumano’y biktima, at sa tulong ng sarili nating pamahalaan, upang ma-areglo ang kaso. Hindi magtatagal at makalalaya na si Smith, at uuwi sa Estados Unidos, na walang magagawa ang ating mahinang pamahalaan. Nakaka-inggit ang pag-asikaso nila sa kanilang mga mamamayan. Samantalang tayo …. Haaay!
Nangangamatay ang ating mga kauri sa ibang bansa, kung saan labag man sa kalooban ay nagsisilikas dahil sa kawalan ng hanapbuhay at pag-asa sa sariling bayan. At pagdating doon, bahala na sila sa kanilang sarili. Sa dami nila, at sa lawak ng sandaigdigan kung saan bawa’t bansa ay may Pinoy na nagtatrabaho, hindi kayanin ng pamahalaan natin na sila ay bigyan ng maayos na proteksyon. Kapag sumabog ang gulo, kapag nagkaroon ng sakuna, kapag nagka-problema sa batas ng bansang kinalalagyan, o ano pa mang suliranin, bahala na lang ang Panginoong Diyos sa kanilang kasasapitan.
Ang lalaong masakit, kapag nakalaya ang mga na-hostage na mga Pinoy, sa interbyu ay sasabihing magbabalik pa rin sila sa kanilang pakikipagsapalaran sa ibang bansa, bagama’t lulong sa panganib, dahil mas mabuti pa raw ito kaysa mamatay ng dilat sila ng mga kaanak sa gutom at kawalang pag-asa sa sariling bansa.
Kaawa-awa talaga ang bansang mahirap, na ang dugo’t pawis ng sambayanan ay winawaldas ng mga buwayang nagpapasasa sa kanilang hirap, at hindi kanilang pangkalahatang interes ang siyang ina-asikaso. Walang biyayang tinatanggap sa pamahalaan, imbes ay puro pagmamalabis at pang-aabuso. Wala na bang katapusan ang ganitong mapait na katotohanan?
Tuesday, April 14, 2009
Nakakainggit talaga
Posted by Lito Banayo at 12:36 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment