Wednesday, May 20, 2009

Hinaing ni Mahistrado Puno

Sa pagsusulong ng kanyang “Moral Force”, isang kilusang ninanais na manumbalik ang mga adhikain at kaugaliang naaayon sa tama, batay sa atas ng konsensiya at ng mga kaugaliang panlipunan na hinubog ng panahon at kasaysayan ng ating lahi, nagsalita kamakailan sa Lungsod ng Dabaw si Punong Mahistrado Reynato Puno ng Kataas-taasang Hukuman.

“Kung ating susuriin ang kayamanan ng bansa, makikitang ito ay kontrolado ng iilang tao…at ang pamahalaan ay hawak sa kamay nitong mga iilang mayayamang mga tao”, pananaw ni Puno. Dagdag pa niya, “Sa ganitong kalagayan, kailanman ay hindi susulong ang demokrasya. Iilang mayayaman ang makapangyarihan samantalang kay dami ng naghihikahos”.

“Ang ganitong kawalan ng katarungan maging sa paghahatian ng ating pambansang kabuhayan ay dala na rin ng kakulangan ng wastong asal, kahinaan ng ugali, at lalaong nagpapalala sa kahirapan at kawalan ng katahimikang panlipunan sa ating bansa”, paliwanag ng punong mahistrado. (Isinalin natin ang winikang Ingles sa Pilipino).

Tama ang pananaw ni Mahistrado Puno. Hindi naman kaila sa mga Pilipino ang ganitong katotohanan. Maski nga si Romulo Neri, na minsang hinawakan ang NEDA bilang kalihim, ay nagsabing an gating ekonomiya ay hawak sa leeg ng iilan, na yumayabong dahil sa ang mga ito ay nagsasamantala sa mga patakaran ng pamahalaan at sa impluwensya sa namumuno ng pamahalaan. Anu-ano ang mga industriyang hawak ng iilang makapangyarihan, na kanilang nakuha at patuloy na pinangingibabawan dala ng impluwensya?

Kuryente, na may tatlong bahagi: ang pag-generate, ang pag-transmit, at ang pagdala sa mga gumagamit (generation, transmission, distribution). Sa power generation, na isinasa-pribado ng pamahalaan, sinu-sino liban sa Napocor, ang siyang nangingibabaw: Aboitiz, Lopez. Sa power transmission, ang nanalo sa diumano’y patas na bidding (patas nga kaya?) noong nagdaang taon ay isang grupong may kasaling korporasyong Tsino, at ang kaibigan ng mag-asawang Arroyo na si G. Ricky Razon. Sa power distribution, ang Meralco, na ngayon ay pinaghatian ng San Miguel ni Danding Cojuangco at Ramon Ang, at ng korporasyong Indones-Pilipino sa pamumuno naman ni Manuel V. Pangilinan, matapos na ibenta ng pamahalaan at ng mga Lopez ang kanilang aring mga sosyo dito.

Telecommunications, kasama ang telepono, cellphone, internet, atbp --- Smart/PLDT/Piltel ng korporasyong Indones-Pilipino ni Manny Pangilinan; Globe ng mga Ayala, kasali ang Singtel ng Singapore; Sun ng mga Gokongwei; at Bayantel ng mga Lopez.

Eroplano: PAL ni Lucio Tan; Cebu-Pacific ni Gokongwei; Air Philippines ni Lucio Tan; Zest-Air ni Alfredo Yao, na diumano’y may kasosyong makakapangyarihan.

Sasakyng pandagat: WG and A ng mga Aboitiz; Montenegro Shipping ng mga balae ni Pangulong Arroyo; Negros Navigation na dating sa mga Ledesma na ngayon ay tila naibenta na.

Distribusyon ng tubig: Maynilad, na dating sa mga Lopez, nguni’t ngayon ay naibenta sa isang grupong pinangungunahan ng mga Consunji; Manila Water ng mga Ayala, at iba’t ibang patubig na kontrolado, sa kani-kanilang lalawigan o rehiyon, ng mga makapangyarihang pulitiko o malalapit dito.

Pagpapatakbo ng mga pantalan o pier: Ricky Razon. Maliit na operator din si Reghis Romero na kilala dahil sa Smoky Mountain project. Sa maliliit na pantalan sa mga lalawigan, hawak ng mga pulitiko o malalapit sa kanila.

Real Estate at Bahayan: Ayala; mga korporasyon ni Sen. Manuel Villar; Megaworld ni Andrew Tan; Robinsons ni Gokongwei; Henry Sy; Filinvest ni Andrew Gotianun; mga Concepcion, Consunji; George Ty ng Metrobank.

Shopping malls, na halos ay kinitil na ang maliliit na negosyanteng nagtitingi: SM ni Henry Sy; Robinsons ni Gokongwei; mga Gaisano sa Bisayas at Mindanao.

Ang tanong: Hindi ba’t kabahagi ng paglaki, at patuloy na pagiging dambuhala, ng mga “oligarkiyang” ito ang lakas at impluwensiya sa mga namumuno sa pamahalaan? Hindi ba’t kaakibat ng mga ito ang mga dinasiya naman sa pulitika, na ginawa na ring malaking negosyo ang pulitika, at hindi serbisyo publiko?

Tama si Puno. Hindi iiral ang tunay na demokrasya sa ganitong sistema.

0 comments: