Monday, May 11, 2009

Sino ba ang “oposisyon”?

Dahil papalapit na ang halalan, na maari pang maunsyami dahil sa iba’t ibang balakin ng kasalukuyang rehimen para mapalawig ang kapangyarihan nila, nakatuon ang interes ng marami sa mga naglipanang “survey”. At dahil din mamera ang lapiang pulitikal sa ating napakagulong sistema, hindi na mahalaga ang mga lapian sa pagpili ng karapat-dapat na maging kandidato sa panguluhan, maging sa mga kandidato para senador. Ang lahat ay isinasalalay na lamang sa mga “survey”.

Batay sa mga “survey” na ito, lamang si VP Noli de Castro sa sunud-sunod na mga kandidato ng “oposisyon”, kuno --- Loren, Villar, Chiz, Lacson, Roxas at Erap. Kaya’t ang simpleng panawagan ng mga nais patalsikin ang impluwensya ni Gloria ay --- dapat magkaisa ang oposisyon. Kasi nga naman, kung magkakaisa at sadyang isa lamang sa anim na nangunguna sa hanay ng tinaguriang “oposisyon”, aba e tiyak ang panalo.

Ang problema sa ganitong simpleng “arithmetic” ay kung paano mapag-iisa ang hanay ng anim na nangungunang kandidato, pito pa kung idaragdag si Jojo Binay. Matatandaang noong 2004 ay hiniling ni Ping Lacson na magkaroon ng kumbensyon o maayos na pamamaraan ng pagpili, sa pagitan nila ni FPJ na biglang sumulpot sa eksena political. Nguni’t hindi siya pinagbigyan at basta na lamang sinagasaan, kaya’t nagpatuloy ang senador. Kung nagkaroon ng proseso ng pagpili, wala namang kaduda-duda na si FPJ pa rin ang magwawagi, nguni’t nais lang ng ilan na apihin at kutyain si Lacson, na hindi nila kasundo, dahil ayaw magpagamit, at “walang pakikisama”.

Ganyan na naman ang problema ngayon ng “oposisyon”. Paanong magkakaroon ng maayos at katanggap-tanggap na proseso ng pilian? Malimit na sinasabi ni dating pangulong Erap na kung hindi magkakaisa ang “oposisyon”, e mapipilitan siyang mismo ang tumakbo. Sayang nga sana, dahil maari sanang mag-“broker” ang dating pangulo sa pagkakaisa. Nguni’t dahil sa siya mismo ay interesadong maging pangulo, hindi siya tumatayong “honest broker”.

Sa umpisa’t umpisa, dapat ay magkaroon ng depinisyon kung sino ba ang “oposisyon”. Kung isasalalay sa lapian, mahirap na maging batayan ang mga ito sa pag-define ng “oposisyon”. Ang partido Nasyonalista ay ka-alyado ng administrasyon sa Kamara, liban sa tatlong mambabatas na nakisapi kay Ronny Zamora na siyang minority floorleader. Ang partido Liberal ay gayundin. Dahil sa mga pabuyang tulad ng “pork barrel”, ang karamihan ay namamangka sa dalawang ilog. Ganundin ang NPC, na talagang kapit na kapit sa administrasyon, at ang mga lider o may-ari ng lapian ay kasosyo pa ng mga Arroyo diumano sa negosyo. Nguni’t sina Loren at Chiz ay “NPC”, pero “oposisyon”.

Tanging sina Erap, Lacson at Binay ang maituturing na sadyang oposisyon kay GMA. Sapul sa mula ay nilalabanan nila ang pagmamalabis ng kasalukuyang rehimen, at kailanma’y hindi sila naki-apid sa pamahalaang ito. Bilang mambabatas, o alkalde, o nakakulong, hindi sila sumuporta sa rehimeng Arroyo.

Bago magdadakdak ang maraming mga media, at diumano’y political analyst ukol sa pagkakaisa ng “oposisyon”, gaya nga ng palaging itinuturo sa anumang aralin, dapat ay magkaroon muna ng “definition of terms”.

Define “opposition” sa larangan ng kasalukuyan nating sistema at kasalukuyang takbo ng pulitika. Matapos magkaroon ng totohanang depinisyon, saka tayo gumawa ng wastong proseso. Sa susunod na mga pitak, tatalakayin natin ang “oposisyon” at ang prosesong wasto sa pagpili.

0 comments: