Noong Lunes, matapos ang halos apat na oras na pagdinig at pagdi-debate, nagpasya ang mga senador, bilang Committee of the Whole na siyang umangkin sa hurisdiksyon ng Senate Committee on Ethics, ayon na rin sa panukala ng taga-pangulo nitong si Senador Panfilo M. Lacson, na tapusin na ang mga alituntunin o regla ng kanilang pag-iimbestiga.
Ang pinakamainit na pinag-debatehan ay ang isyu ng hurisdiksyon. Sa malinaw at maikli, ang nais ni Sen. Alan Peter Cayetano, ay i-limita ang hurisdiksyon ng Senado o Committee of the Whole, sa mga nagawa ng isang senador mula lamang sa kanyang huling pagkakahalal. Sa madaling salita, ang pwede lamang imbestigahan, ayon kay Cayetano, ay ang mga nagawa ni Sen. Manuel Villar Jr. mula noong muli niyang pagkakahalal noong 2007. Ano man ang kanyang pagkakasala, kung mayroon man, noong una niyang termino bilang senador, ay hindi raw dapat imbestigahan.
Ang pananaw naman ng mayoriya, na siyang napagdesisyunan sa pamamagitan ng botohan noong Lunes, ay anumang pagkakasala, kung mayroon man, o akusasyon na dapat imbestigahan, ay sakop ang mga ginawa ng nasasakdal mula nang siya ay maging senador ng bansa. Si Manuel Villar Jr. ay nahalal na senador noong 2001, at dapat daw siyang ma-imbestigahan kapag ang akusasyon laban sa kanya ay nangyari mula nang siya’y maupo bilang senador.
Ang ganitong pananaw ay batay sa katotohanang ang Senado ay isang “continuing body”, hindi tulad ng mabababng kapulungan na tuwing tatlong taon ay nababakante lahat ng mga pwesto. Ang paghalal sa labindalawang senador kada tatlong taon ay hindi nagpapatigil sa Senado bilang kapulungan, at mayroon pa ring labindalawang miyembro na nagpapatuloy ng Senado habang inihahalal naman ang kalahati pa. Liban dito, administratibo lang ba ang pagkakasala, kung mayroon man, o tahasang paglabag sa Saligang Batas, o di kaya’y sa anti-graft law, na criminal at hindi administratibo?
Ang argumento kasi ni Cayetano ay kung ano man ang pagkakamali o paglabag sa batas na nagawa ni Villar noong una niyang termino mula 2001 hanggang 2007, ay napawalang-saysay na ng pagkakapanalo niyang muli noong 2007. Sa madaling salita, dahil inihalal siyang muli ng bayan, nahusgahan na siya at napawalang-sala. Ang problema sa argumentong ito ni Cayetano, liban sa isyu ng “continuing body”, ay ito --- alam ba ng sambayanan ang pagkakasala ni Villar, kung mayroon man, bago siya inihalal na muli noong 2007? Nang madiskubre ang double insertion ay Septyembre ng 2008. Nang sabihin ni Budget Secretary Rolando Andaya Jr. na “congressional insertion” ang pangalawang 200 milyon ay 2008 na rin. Nang aminin ni dating Finance Committee Chairman at ngayon ay Senate President Juan Ponce Enrile, batay sa mga records, na si Manny Villar ang siyang humingi ng karagdagang 200 milyon ay sa isang hearing ng Senado noong 2008 na rin. At nang madiskubre at ilahad ni Senadora Jamby Madrigal ang mga dokumentong naglalaman ng pakikialam ni Sen. Villar sa paglilipat ng lokasyon ng C-5, maging sa pamimili ng lupaing daraanan ng inilipat na kalsada, ay Septyembre ng 2008.
Sa madaling salita, paano malalaman ng bayan, at magiging base sa kanilang paghatol, ang isyu ng C-5 noong 2007, e hindi pa ito nadidiskubre at nailalahad? Bulaan ang pinangangalandakan ngayon ng mga kaalyado ni Villar sa Senado, na pati raw mga nagawa ng isang senador noong siya’y teen-ager pa e maaring busisiin ayon sa alituntuning ipinasa noong Lunes. Ang sakop ay malinaw --- mula nang maging senador, at hindi kung ano pa man ang nagawa nito bago siya naging senador.
Dahil dito, maaring lumusot si Senador Villars a Commoitte of the Whole para sa kanyang mga nagawa noong 1995, habang siya ay miyembro pa ng mababang kapulungan, o maski pa noong 1998, nang siya ay basbasang Speaker ni Pangulong Estrada. Halimbawa, ang mga paratang ni Senador Joker Arroyo mismo, sa harap ng Kamara mismo, sa isang privilege speech noong Agosto 1998, kung saan pinaratangan niya si Speaker Villar ng mas grabe pang mga akusasyon kaysa sa mga akusasyon ngayon ni Senadora Jamby Madrigal --- ang mga ito ay maaring hindi saklaw ng Senado ngayon, dahil congressman pa siya, at hindi senador noong panhong iyon. Nguni’t walang ginawa ang Kamara na pinamumunuan ni Villar, mismo. At hindi naman pumalag si Arroyo, na ngayon ay masugid na alalay pa ni Villar. Lusot? Oo, sa Ethics, o sa Committee of the Whole na siyang sumakop sa Ethics Committee. Pero hindi sa Ombudsman, at hindi sa ibang komite o investigating bodies, ng ehekutibo o ng lehislatura.
Sa konting pananaw ng pitak na ito, lalo lamang magtataka ang sambayanan kung bakit ayaw na lang harapin ni Villar ang mga paratang sa kanya ni Madrigal. Kung totoong wala siyang sala, e di pabulaanan na lamang niya ang mga akusasyon, at hindi itong tago nang tago sa saya ng mga kapwa senador at sa pagsisinungaling ng mga isyu, at pagbabaluktot ng mga patakaran.
Wednesday, May 13, 2009
Isyu ng hurisdiksyon
Posted by Lito Banayo at 9:51 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment