Monday, May 18, 2009

Pintakasi o tupada?

Ayaw sumali sa pintakasi ni Manuel Villar. Kay yaman pa naman niya, at bilyun-bilyon ang kayang isugal para sa pagkandidato, e ayaw lumarga sa pintakasi, nais ay makipaglaro sa tupada.

Kung sadyang magaling ang iyong panabong, at ang kanyang mga sipa at tadyak ay umaalagwa sa ere, aba’y dapat kang humarap sa pintakasi. Andun ang pintakasi sa Senado, kung saan matalim ang mga tari na hinasa laban sa iyo ni Jamby Madrigal. Bakit ayaw ni Villar humarap sa ka-liga niya?

Bakit nagsasasayaw ng kung anu-anong mga patutsada at mga ribote sa harap lamang ng tupada? Tupada ng media? Doon ka mag-esplika, wika nga, sa mga kabaro mong senador, at hindi sa media. Hindi iyung parang naglalako ng listahan ng jueteng ang mga bata mo, na makikipagkindatan sa mga kahina-hinalang media kung paano isusulat ang kanilang mga istorya. At paano ring sisiguruhin na hindi gagalawin ng mga nasa tanggapan ng mga patnugot ang istoryang ayon sa “script”. At kung sakali man na may reporter na iskirol at balansyado ang isinulat, ay aanguluhan ng “tama”, aayusin ng mga nasa tanggapan ng mga patnugot? Halatang-halata naman e.

Binibiro mong mayroon pang malakas na broadsheet, na diumano’y binabasa ng nakararami, kung saan ang buong istorya ukol sa C-5 at Taga ay wala ni anumang kuwento noong nangyari sa opisyal na hearing, liban lang sa walk-out ng dalawang alalay ni Villar? Buong istorya ay batay lamang sa winika ni Villar sa press conference. Ala, e. Halatang-halatang sadya. Maski na siguro ang butihing ginang na nag-umpisa ng broadsheet na ito na pinagpipitaganang taga-lathala na ngayon ay yumao na, e hindi mapakali sa kinahihimbingan.

Ang nagagawa nga naman ng salapi. Lalo na kung galing lamang sa mga gawaing wika nga ni Jamby Madrigal, ay “hindi kaiga-igaya” at “nakahihindik”.

Biro mo nga naman, kung ating paniniwalaan ang sambit ng abogado ni Jamby, na may mga dokumentong iwinawagayway --- Una, may kalsadang nabayaran na ng pamahalaan kay Bro. Mike Velarde ng El Shaddai, pinabayaan at ibinuro, bagama’t 1,8 bilyon na ang nailalagak ni Juan de la Cruz; upang, Ikalawa, ilipat ang kalsadang C-5 sa isang lugar na halos isang kilometro lang ang layo, at mas mahaba ang landasin, upang tumahak sa mga ari-arian ng mga korporasyong pag-aari ng mga Villar. Pangatlo, ang pagkakabayad ay iba-iba, depende sa kung sino ang binabayaran. Kapag timawa ka, isa hanggang apat na libo ang kabayaran sa bawa’t metro kwadrado, pero kung kumpanya ni Villar, aba’y 13, 300 kada metro. Wow na wow!

Pang-apat, at ito’y talagang kahindik-hindik, e nakasanla at nailit na raw ng Bangko Sentral ang mga lupaing nasabi, na naisalya pa sa DPWH! Nakasulat raw sa likod ng titulo ng mga lupain ang “annotation” na ang mga lupang ito ay may “encumbrance”. Paano namang napahintulutan ang ganito?

At ika-lima, nangyari ang mga ito sa panahong senador na ang Manuel Villar, at bilang tagapangulo ng Finance Committee, ay siyang nagpapa-apruba sa kapulungan ng badyet, kung saan nag-singit at nagdagdag ng mga kaukulang salapi para mabayaran ng DPWH ang mga lupain naturan, at maupmpisahan ang construction kung saan makikinabang ang mga lupaing nadaanan.

Nguni’t “paninira lang ito”, wika ni Villar. Hindi iyan iisang kalsadang inilipat, kundi sadyang dalawa”. Kaya raw “pupusta (siya) na guilty siya sa Senado, dahil puno ito ng mga presidentiables”. At ang kanyang solusyon?

E di sa media humarap, doom magsalita at hindi sa tunay na korte --- ang kanyang mga kasamahan sa Senado.. Sa wikang Ingles, apela sa “court of public opinion”. Kanya lang, katotohanan ang hanap ng “court of public opinion”. At kung hindi ka haharap sa pintakasi, sa malaon at madali, mabibisto ng taong-bayan, na pang-tupada ka lang pala.

0 comments: