Tuesday, May 26, 2009

Ini-insulto tayo ni Joker

Akala yata ni Senador Joker Arroyo ay magogoyo niya ang sambayanan. Akalain mong idepensa ang hindi pagkilala ng kaibigan niyang si Sen. Manny Villar sa mga kasamahan sa Senado na nag-iimbestiga ng “conflict of interest” at paglabag sa Saligang Batas patungkol sa pagpapapagaw at paglilihis ng C-5 road extension?

At ang depensa ay nakahihindik --- para daw Military Commission No. 2, na siyang lumitis kay Ninoy Aquino noong panahon ng martial law ang Senate Committee of the Whole. Akalain mo, igagaya pa at ihahalintulad si Manny Villar kay Ninoy Aquino? Senyor Joker, senador, hindi po pinaratangan si Ninoy ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Samantalang si Manny Villar, kung masusuri ang ebidensya, ay pwedeng sampahan ng ganyang kaso. At kayo na mismo, Senador Joker, noong kayo ay kinatawan pa lamang ng Makati sa mababang kapulungan, noong hindi pa nagogoyo ang taong ihalal kayo bilang senador, dahil napapaniwala ninyong “uubusin n’yo ang corrupt” at “pag bad ka, lagot ka!”, ay tumindig sa Kamara at inakusahan si noon ay Speaker Manuel Villar nang mga gawaing mas grabe pa kaysa sa mga akusasyon ngayon ni Senadora Jamby Madrigal.

Sa aking kaalaman, hindi naman ninyo pinursigi ang mga grabe ninyong akusasyon laban kay Speaker Villar. Bakit kaya? Dahil ba, batay sa inyong pagdadahilan ngayong dinidepensahan ninyo si Villar, e hindi pa siya “presidentiable” noon? Kapag pala naging “presidentiable” ang isang senador gaya ni Villar, e “exempted” na siya sa pagbusisi ng kanyang nakaraang mga ginawa, lalo na at patungkol sa interes ng sambayanan, o sa pondo ng sambayanan? Ganun po ba? Aba’y di dapat pala mag-deklara na rin si Jocjoc Bolante na tatakbo siyang pangulo.

Siyasatin nga nating mabuti ang mga nagdaang pangyayari. Una, nagsampa ng kaso si Madrigal laban kay Villar noong huling bahagi ng nagdaang taon. Walang kinilos ang Committee on Ethics na noon ay pinamumunuan ni Sen. Pia Cayetano. Nang malipat ang komiteng ito kay Sen. Ping Lacson matapos mapalitan si Villar bilang Senate President ni Sen. Juan Ponce Enrile, inanyayahan ni Lacson ang mga taga-minoriya (Villar, dalawang Cayetano, Joker, Kiko Pangilinan at Nene Pimentel) na mag-nombra ng kanilang miyembro. Ayaw nila.

Naglathala ng mga alituntunin ang Ethics Committee, na kung susuriin ay wala namang gaanong pagkakaiba sa mga alituntunin noong nagdaang mga Kongreso. Hindi man lang binasa ng minoriya. Nang umpisahan ang pag-iimbistiga, sa pamamagitan ng pag-determina ng form and substance, biglang umangal sina Pimentel, Joker at Alan Cayetano. Tumindig pa sa Senado si Manny Villar, at nag-deklarang hindi niya kailanman kikilalanin ang Committee on Ethics na pinamumunuan ni Lacson, pero handa raw niyang sagutin ang mga paratang sa kanya “sa harap ng lahat ng mga senador”, sa buong kapulungan ng Senado.

Pinaunlakan siya ni Lacson, at ito mismo ang nagmungkahi sa Senado na ilipat sa Komite ng Kalahatan ang kaso ni Villar, para lamang hindi nito masabing “kinokopong” siya sa Committee on Ethics. Nag-marakulyo na naman si Pimentel, Joker at Cayetano. Kinuwestyon ang mga alituntuning na-aprubahan na. Gayunpaman, dininig sila ni Senate President Enrile at ng komite. Ipinasa ang tatlo o apat sa kanilang mga nais na pagbabago. Nguni’t malinaw na ang nais lamang ay hindi matuloy ang pag-iimbestiga kay Villar, dahil pabalik-balik na lamang sa mga paratang na hindi patas ang paglilitis.

Ayaw pa ring humarap ni Villar. Bago nagkaroon ng hearing ukol sa kung katanggap-tanggap ang ebidensya ni Madrigal, nagpa-field trip pa sa media, kung saan inilihis sila sa kwestyonableng lansangan, at binigyan sila ng press kit kung saan inilahad ang kanyang mga “ebidensya” laban sa akusasyon ni Madrigal. Ipinasa sa akin ang “press kit” na naka power-point format. Tanong ko lang --- may depensa naman pala siya, e bakit hindi ilahad sa kapwa niya mga senador, samantalang siya na mismo, malinaw na malinaw, ang nagsabing “handa siyang sagutin ang mga paratang sa harap ng kapwa senador”? Nguni’t kasabay nang pagputok ng isyung Hayden-Katrina, nag-press conference na naman si Villar at sinabing siguradong siya ay “guilty” sa harap ng mga kasamahan. May kunwa’y “interbyu” pa na scripted, ni Boy Abunda at Villar na ipinaririnig sa radio (para na rin siyang si ‘Tol, natandaan pa ninyo?). Katakut-takot na gastos, samantalang libre naman siyang sabihin ang kanyang panig sa Senadong kinabibilangan niya. At ngayon naman, nagtungo sa Korte Suprema, sa pamamagitan ng mga abogado niyang sina Pimentel at Cayetano, at pilit na pinatitigil ang imbestigasyon.

Punung-puno na tuloy si Enrile, na nauubos na ang pasensya sa mga walang basehang paratang nitong dalawang nag-aabugado kay Villar. Tuloy ay nagiging malinaw na “mukhang guilty nga” itong si Villar, gaya nang sabi ni Cayetano noon patungkol kay GMA at asawang Mike Arroyo. Dahil kung hindi, gaya nga ng sabi ni Sen. Pres. Enrile, harapin niya ang kaso niya.

Kung sabagay, sadya yatang pailalim ang alam na laban ni Manny Villar. Hindi ba’t sa pamamagitan pa ng pagdarasal nang bigla niyang i-impeach si Erap, at ipinalitis sa Senado? At hindi ba’t ang nagturo sa kanya ng pamamaraang ito ay walang iba kundi si Joker Arroyo? At ngayon ay ini-insulto pa ni Joker ang alaala ni Ninoy, na iginagaya niya rito si Manny Villar?

0 comments: