Monday, July 13, 2009

Ano ba ang nangyayari?

Noong 1984, sa New Manila, ay nagkaroon ng assassination attempt sa buhay ng naging pangalawang pangulo, senador, at embahador nating si Emmanuel Pelaez. Habang siya’y dinadala sa emergency room ng St. Luke’s Hospital, nakita niya ang hepe ng pulis ng Quezon City na si Gen. Tomas Karingal na sumugod sa ospital, at naitanong ni Pelaez, “General, what is happening to our country?” (Ano ba ang nangyayari sa ating bansa, Heneral?)

Naalaala ko ang pangyayaring ito matapos tunghayan ang walang tigil na kaguluhang nangyayari sa ating bansa ngayon. Siguro ang nagdaang isang dekada ang siya nang pinakamagulo sa ating kasaysayan, liban na lang siguro sa ikalawang giyerang pandaigdigan na hindi pa ako isinisilang nang mangyari.

Mula noong 2000, umpisa sa pagpapa-impeach kay Pangulong Joseph Estrada, nagkaroon ng sunud-sunod at synchronized na pagbubomba sa Metro Manila, sa LRT, sa airport, na marami ang namatay at nasaktan. Wala pang isang buwan ang nagdaan, bagsak sa kapangyarihan ang inihalal na pangulo ng bansa. Pumalit si Gloria, sa pamamaraang hanggang sa ngayon ay pinagdududahan pa kung legal at naaayon sa Saligang Batas. Katakut-takot na anomalya ang nagsulputan, umpisa sa sovereign guarantee sa IMPSA na ilang araw pa lamang nakauupo ay na-fastbreak na. Hindi ko na iisa-isahin ang mga anomalya at iskandalo ng graft and corruption na naging katangi-tangi sa rehimeng Arroyo. Alalalahanin na lang natin na tayo ngayon ang kinikilalang isa sa pinaka-corrupt na bansa sa buong daigdig, at kung hindi nangunguna, ay pumapangalawa sa buong Asya.

Ilang beses na sinampahan ng impeachment cases si Donya Gloria sa Kamara, na ang pinakamatindi ay noong 2005, matapos mabunyag ang pandaraya sa halalan noong 2004, sa pamamagitan ng konspirasiya ni Donya at ni Virgilio “Garci” Garcillano. Ang lalong kasuklam-suklam ay kung paano ito nilabanan ni Donya Gloria sa pamamagitan ng pag-ubos sa kaban ng bayan bilang panuhol sa mga kinatawan upang mapigilan lamang ang impeachment sa Kamara. At paulit-uli itong nangyari, taon-taon.

Ngayon ay wala nang isang taon at ayon sa Saligang Batas ay dapat nang magpaalam si Donya Gloria, na naging pangulo ng bansa ng matagal na siyam na taon, segunda lang kay Marcos, bagama’t hindi naman nanalo noong halalan ng 2004 sa patas na laban. At lalong masaklap, dahil hindi siya ma-alis sa pwesto, lalong nag-ibayo ang kanyang lakas, at tila ay hawak na hawak niya ang militar at kapulisan, at ngayon ay kung anu-anong balakin ang nais na ipatupad upang hindi na siya bumaba pa sa pwesto.

Nariyan ang Con-Ass, nariyan ang pagpalit sa Saligang Batas upang manatili siya sa pwesto bilang Prime Minister sa isang sistemang parliamentaryo, at ngayon ay marami pa ang nangangamba na may lalong maitim na balaking magpataw, tulad ni Marcos, ng martial law. Matatandaang noong bago ibagsak ang batas militar, ganito rin ang mga senaryong nangyayari sa Kalakhang Maynila.

At marami na namang nangyayaring mga senyas sa paligid. Bomba sa Kalakhang Maynila na tila wala naming intensyong pumatay kundi manakot lamang, at pambubomba sa Mindanao ng hindi masawatang mga terosista at sesesyunista na lalong nag-ibayo ang lakas sa pamunuan ni Donya Gloria. Napakagulo.

Kaya nga naalaala ko ang mga katagang sinambit ni Pelaez --- “What is happening to our country?” Tila nauulit ang mga eksena.

0 comments: