Monday, July 20, 2009

Mga tanong ni Obama

Gaya ng alam na ninyo, tutungo si Donya Gloria sa Washington D.C. sa katapusan ng buwang kasalukuyan, batay sa “imbitasyon” ni Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos.

Matagal nang inaasam-asam ni Donya ang pagkakataong makaharap si Obama. Ilang beses na siyang nagtungo sa Estados Unidos sa pag-asang makakadaupang-palad niya ang bagong halal na pangulo ng pinakamakapangyarihang bansa sa mundo.

Sabik na sabik ang Malakanyang sa meeting na ito, na kanila pang itinanghal at ipinagmamayabang. Si Donya diumano ang unang lider ng Southeat Asia na haharap nang personal kay Obama. Dapat lang naman ano? Kasi tayo lang naman ang bansang nasakop ng mga Kano dito sa Asya. Tayo lang ang pumayag sa Parity Rights, kung saan tinarato ang mga negosyanteng Kano na parang mga katutubong Pinoy hanggang sa itigil ng pagtatapos ng Laurel-Langley Agreement noong dekada 70. At tayo lamang ang pumayag na magkaroon ng 99 na base militar ng mga Kano sa bansa natin, na buti na lang at pilit na pinabawasan ni Pangulong Elpidio Quirino, hanggang sa ang matira ay Subic, Clark, Camp John Hay, Wallace sa Poro Point, at Mactan, liban pa sa American Cemetery sa Libingan ng mga Bayani. Unti-unting nabawasan pa ang mga ito noong panahon nina Marcos at Cory Aquino. At tayo lang naman ang naniniwalang may espesyal na relasyon sa atin ang mga Kano. Kanya’t kung sino man ang umuupong pangulo, dapat lang naman na siya ang unang harapin ng pangulo ng mga Kano.

Ang kaibigan kong creative director na si Dennis Garcia, na malimit mag e-mail ng kanyang mga kathang-isip, ay nagpadala tuloy ng sa kanyang palagay ay mga “tanong” ni Obama kay Donya Gloria, kapag nagkita sila sa White House. Nakatatawa ang mga “tanong ni Obama”, at siyempre, ito’y pawang kathang-isip lamang:

1. Tuloy ba ang eleksyon?
2. Bakit hindi mo kasama si Mike?
3. Ano itong nababalitaang may balak ka daw mag- martial law?
4. Nasaan yung ibinilin ni Michelle na Lapid’s Chicharon?
5. May “talent fee” ba ako sa Empatso Ad? (yung nag-dinner kuno si Ate Glue at isang look-alike ni Obama, kung natatandaan pa ninyo)
6. Sino’ng mas matangkad sa inyo ni Charice (Pempengco – sino nga kaya)?
7. Kailan ang kasal ni Edu at Pinky?
8. May dala ka bang Hayden videos?
9. Which was fixed, the left or the right?
10. Si Ruffa at Lloyd na nga ba?

Hala sige, mag-aliw na lang tayo.

Basta’t ang alam ko, sasabihin daw ni Obama kay Donya, pag-umpisa na ang meeting sa White House ay ganito: “Hello”.

At susunod: “Dahil hindi na ulit tayo magkikita bago matapos ang iyong termino, ay sasamantalahin ko na ang pagkakataong sabihing Goodbye na rin. Siguruhin mong wala ka na sa Hunyo 30, 2010. Muli, paalam na”.

0 comments: