Tuesday, July 7, 2009

Kakabakaba sa Crame

Walang tigil ang mga ispekulasyong naglalabasan mula sa Kampo Crame, headquarters ng Philippine National Police. Balasahan na naman ba?

Tumindi ang mga hakahaka, alinsabay ng mga kakabakabang mga opisyales dito, dahil sa kakaibang pagkaka-talaga ng officer-in-charge ng Department of Interior and Local Governments (DILG) habang nasa Amerika si Kalihim Ronaldo Puno. Ang kalihim ng DILG ay nag-bakasyon ng dalawang linggo, mula noong Hunyo 28 nang siya’y lumipad tungong San Francisco sa California.

Malimit namang magbakasyon itong si Puno, lalo na sa Amerika, kung saan naninirahan ang kanyang pamilya sa Virginia. Nguni’t ang nakapagtataka sa mga taga-Crame ay kung bakit ang Malakanyang ang siyang nag-anunsyo na panandalian nitong kapalit sa pwesto, at hindi si Puno ang siyang nagtalaga ng kahalili mula sa hanay ng kay raming undersecretaries o “Usecs” sa DILG. Ito naman ang normal na gawi sa lahat ng ahensya ng pamahalaan. Imbes, matapos nakalipad na si Puno, at kababalik pa lamang ni Donya Gloria mula sa dalawang linggong pagliliwaliw sa Hapon, Colombia, Brazil at Hongkong, ay inanunsyo na ang hahalili bilang OIC ay isang miyembro din ng gabinete, si Hermogenes Ebdane ng DPWH. Grabe!

Hindi naman sa minamaliit natin ang kakayahan ni Ebdane, at siya naman ay dating hepe ng PNP, pero sa dami ng suliranin at sa laki ng badyet ng DPWH, paano niya hahatiin ang kanyang oras at atensyon sa dalawang naglalakihang kawanihan? Ano bang napakalaking suliranin meron ang DILG na hindi ito maaring ipagkatiwala sa isang undersecretary, lalo na ang mga matatanda na doon?

Ang lalong masakit para sa mga tauhan ni Puno ay kung bakit nagsinungaling pa ang Malakanyang, sa pamamagitan ni Executive Secretary Eduardo Ermita, at sinabing nagpunta raw si Puno sa Amrika para magpagamot, o dili kaya’y magpa-check-up dahil sa karamdaman. E alam naman ng lahat na kaya nagtungo doon si Puno ay dahil ikakasal ang kanyang bunsong anak na babae. Nangyari nga ang kasal sa magandang Napa Valley sa California noong Sabado, ika-4 ng Hulyo, at tinatayang babalik si Puno sa Biyernes ng linggong kasalukuyan.

Bakit kailangang mag-imbento ng kwento? Bakit pinalalabas na may sakit si Puno? Kumakandidato pa naman ito bilang pangalawang pangulo ng bansa sa ilalim ng bandila ng pinagsanib na lapian ng mga kawatan, ang Lakas-Kampi. Kaaway na ba ng Malaknyang si Puno at iniintriga ng ganito?

Samantala, ang naging epekto sa Crame ay mga hakahaka na hindi na babalik si Puno sa DILG, o di kaya’y papatapos na ang panunungkulan nito. At patatalsikin na rin daw ang kanyang hinirang na PNP Chief na si Jesus Versoza. Bata raw ni Puno si Versoza, at hindi deretsong bata ni Donya o kanyang esposo. Sino ang malamang na ihirang kapalit ni Versoza? Tinatayang malapit nang itanghal si Boysie Rosales, hepe ng NCRPO, na noong Mayo lamang na-promote sa pwesto. Si Rosales ay “ka-iskwela” ni Donya sa Class of 1978 ng Philippine Military Academy, samantalang si Versoza ay taga-Class of 1976, na siya ring klase ng kasalukuyang hepe ng Amed Forces na si Victor Ibrado.

Bakit biglang nagkaganito? Abangan ang susunod na kabanata.

0 comments: