Wednesday, July 8, 2009

Kakabakaba, 2

Nagsimulang maging importante si Ronnie Puno kay Donya Gloria noong 2003, nang pormal na siyang sumama sa kampo ng Donya, sa pamamagitan ng esposo nitong si Mike Arroyo, na kasabayan sa Ateneo ni Puno. Naging mahalaga ang payo nito sa pag-plano para sa 2004 na halalan. Bagama’t nangako si Donya Gloria sa sambayanan na hindi na siya tatakbo sa 2004, ito ay pa-epek lamang, pagka’t hindi pa natutuyo ang laway matapos bigkasin ang pangako sa harap ng rebulto ni Jose Rizal sa Baguio ay pinaplano na ang kanyang pagsabak sa halalan.

Si Puno rin ang siyang nag “map-out” ng stratehiya ni Donya, at kung saan palalakihin ang lamang (sa mga lalawigan ng Pampanga, Cebu, Iloilo at Bohol, o PCIB) para mapantayan ang inaasahang lamang ni FPJ sa NCR at sa Katagalugan. Palibhasa’y malakas si Donya rito, medyo kapani-paniwala kung lampasuhin niya sino man sa oposisyon sa PCIB. At ganun na nga ang nangyari, lamang ay kinapos ang Donya, at kung manalo man ay magiging manipis ang lamang kay FPJ. Maging sa lalawigan ng Kabite, kung saan nanalo si Ping Lacson at pumangalawa si FPJ, nagkaroon ng tangka ang kampo ni Donya Gloria na bawasan ang mga boto ni Ping at idagdag ito kay Donya. Tutal naman daw ay talo si Ping sa buong bansa, ano ba naman kung bawasan ang lamang niya sa sariling lalawigan at idagdag kay Donya?

Ang provincial director ng PNP noon ay si Roberto Rosales, na ngayon ay NCRPO Chief, dahil sa utos ng Donya. Nguni’t napag-alaman ni Lacson ang maitim na balak, at agad ay kinausap sina Gob. Ayong Maliksi na huwag palampasin ang balaking dayain pa si FPJ.

Dahil kinapos sa nais na lamang na isang milyon pataas, pasok na ang operasyon ni Garci sa Mindanao. Pasok na rin ang paggamit sa mga heneral ng AFP at PNP, upang siguruhin na magtagumpay ang mga maniobra at pandaraya ni Garci.

Na-premyuhan naman si Puno matapos ang 2004 na halalan. Bagama’t naihalal na congressman sa Antipolo, agarang binitiwan ito ni Puno nang siya ay mahirang na DILG secretary. At isa siyang makapangyarihang kalihim. Na-kontrol niya ang mga promosyon sa PNP, at mga “bata” niya ang siyang nai-appoint. Naalagaan niya si Jesus Versoza, hanggang nga sa ito ang maging hepe ng PNP. Alam at tanggap ng lahat sa Kampo Crame na si Versoza ay bata ni Ronnie Puno.

Samantala, napalakas ng husto ni Puno ang Kampi bilang sariling lapian ni Donya Gloria, at hindi para umaasa sa imprastruktura ng Lakas na buti na lamang ay sinalo si Donya nung panahon ng Hello Garci krisis. At ngayon ay nais niyang maging kandidato para bise-presidente ng pinagsanib na Lakas at Kampi.

Kanya lang, may ibang naisin ang Donya. Ayaw nang bumaba sa pwesto, at ibig amyendahin ang Konstitusyon para manatili sa kapangyarihan. Nguni’t sa pananaw ni Ronnie Puno ay huli na ang ganitong maniobra. Sabik na sabik na ang taong-bayan sa halalan, upang mapalitan na ang kasalukuyang rehimen. At hinimok nito ang kanyang Donya na paghandaan na lang ang halalan, at palakasin ang tsansang maipanalo ang kanilang manok.

Noong bago lumisan para ipakasal ang bunsong anak na babae sa Amerika, nagkausap sila ng kanyang Donya, kung saan mariing itinagubiling dapat matuloy ang Con-Ass pagbukas ng Kongreso sa Hulyo 27. Nguni’t tahasang sinabi ni Puno na hindi na kakayanin.

Tila hindi ito katanggap-tanggap sa Donya niya, at nitong huling linggo nga, imbes na hiranging officer-in-charge ang isang Usec sa DILG habang wala si Puno, ay ang ipinalit na bigla ay si Hermogenes Ebdane, na kasalukuyan ng nasa DPWH. Malinaw ang mesahe --- galit si Donya kay Puno. Hindi naman mangangahas si Ermita na insultuhin si Puno ng ganito kung hindi alam ng Donya.

Ano ang mangyayari sa darating na mga araw at linggo? Magbitiw kayang tuluyan si Ronnie Puno? Matatandaang nung pag-initan siya ng mga malalapit kay FVR matapos na pangasiwaan diumano ang Sulo Hotel operations na ayon kay Miriam Defensor Santiago ay siyang nagpapanalo kay FVR, hindi siya sinalo ng kanyang presidente. Madaling nagbitiw sa pwesto si Ronnie.

Nung hirangin siyang una’y undersecretary ng DILG habang mismong si Pangulong Erap ang humawak ng posisyon ng kalihim, at pagkatapos ay hinirang na siyang DILG Secretary, maraming mga hindi kanais-nais na kontrobersiyang inakusa sa kanya, lalo na ni Senadora Miriam. At napilitang magbitiw si Ronnie bilang kalihim ng DILG. At napilitan rin siyang bitiwan ni Erap.

Nguni’t ngayon, sa ika-apat na pangulong kanyang pinagsilbihan, mula kay Marcos, FVR, at Erap, tila nilalaglag na siya. Tanggapin niya kaya ang insulto, at magtikum-bibig pagbalik niya? O gaya ng dati, kay FVR at Erap, ay lisanin ang pwestong makapangyarihan?

Samantala, sa Crame, ispekulasyong hahalili na kay Versoza ang manok ni Donya na si Boysie Rosales. Hihingi kaya si Puno ng ibang papel, o tatanggapin na lang ang gawi ng kanyang ika-apat na amo? O tuluyan nang bibitiw? At kung ipalit na nga si Rosales ng Class of 78, malapit na rin kaya ang ispekulasyon naman sa katapat na kampo, ang Aguinaldo, na hahalili na rin si Delfin Bangit, otrong ka-iskwela ni Donya, kay Victor Ibrado na kaklase ni Versoza sa PMA?

Pagulo ng pagulo ang katayuan ng hukbo at kapulisan habang pumapalapit ang katapusan ng panunungkulan ni Donya Gloria na ayaw namang bumitiw sa hiram na kapangyarihan.

0 comments: