Nais kong ipaalam sa ating mga taga-subaybay ang salaysay sa akin ng isang pamangkin ni dating Pangulong Cory Aquino na malapit kong kaibigan.
Noong isang linggo, nagkaroon ng misa mismo sa loob ng silid ni Tita Cory sa Makati Medical Center kung saan nakaratay sa karamdaman ang dating pangulo ng higit isang buwan na. Nagtanong ang pari kung nais ba ni Cory humiling sa Panginoon ng isang milagro para sa kanyang taglay na karamdaman. Matamang sinagot ni Tita Cory, bagama’t hirap magsalita ng ganito. “NO. I pray for a miracle for our country”. Sa madaling salita, sa kanyang pagdarasal, hindi sariling kapakanan ang inihihiling ni Tita Cory ng lunas. Ang ipinagdarasal niya ay mag-milagro ang Panginoon para sa ating bansa.
Mangiyak-ngiyak ang aking kaibigan nang kinuwento niya ang pangyayaring iyon sa silid ni Tita Cory. Sadya namang hindi mo mapipigil ang luha kapag ganoon ang eksena. Maging si Kris Aquino nga ay hirap na hirap magpakatatag maski nasa harap ng telebisyon kapag napag-uusapan ang kanyang ina. Kanya nga nagpaalam na muna sa kanyang mga taga-panood, dahil mahirap naman talaga ang magkunwaring okey na okey ang lahat, na siyang inaasahan ng kanyang propesyon bilang entertainer, samantalang sa likod ng isipan ay naroon ang naghihirap na ina.
Ang lalong kinahihirap at kinabibigat-damdamin ng mga kaanak ni Pangulong Aquino ay ang kaalamang malaking hirap pisikal ang dinaranas nito. Tumanggi na siyang magpa-chemotherapy. Inia-aasa na lamang niya sa Panginoon ang kanyang kasasapitan. Kung baga, tanggap na niya na anumang oras ay maari na siyang kunin sa kabilang buhay. Ipinapasa-Diyos na niya ang sarili.
Nguni’t “conscious” ang dating Pangulo, at buhay na buhay ang isipan bagama’t nananakit at nanghihina ang katawan. Liban sa sakit na dinaranas, na pasumpung-sumpong ang biglang pagsakit ng katawan, siguro’y malungkot siya dahil na nga sa kinasapitan ng ating bayan. Siguro’y nanghihinayang na bagama’t ipinaglaban at itinaguyod niya ang demokrasya noong kapanahunan niya, ay tila hindi nito nasagot ang mga kahirapan ng bansa, lalo na ang kahirapan ng masang Pilipino. Kaya nga’t hiling na niya sa Maykapal ay milagro para sa bansa.
Tanda ko pa ang isa sa kanyang mga mahahalagang SONA, kung saan nagpahayag siya ng hinanakit sa mga “noble houses of finance”, ibig sabihin, ang mga bangkong dayuhan na pinagkautangan ng kay laki ng naunang si Ferdinand Marcos. “Democracy does not pay dividends”, aniya sa nagsanib na kamara ng Kongreso.
Marami ang nag-akala na dahil sa “milagro ng Edsa”, o people power, kung saan mapayapang napatalsik ang diktadurya at naibalik ang demokrasya, ay “maaawa” ang mga naglalakihang bangko at institusyong pinansyal, at patatawarin ang ilan sa ating mga utang.
Marami rin ang nag-akalang sa pagkakaalis ng diktadurya ay sisigla na ang kabuhayan ng bansa at sambayanan sa ilalim ng demokrasya.
Nguni’t hindi nagkaganoon. At hindi tanging demokrasya at kalayaan lamang ang sagot sa kahirapan at pagdarahop ng nakararami.
Kaya’t ating ipagdasal si Tita Cory, na nawa’y huwag siyang maghirap nang sobra. Bagama’t marami pa rin ang mga suliraning hinaharap ng bayan, nanumbalik ang demokrasya at kalayaan dahil sa pagkakamatay ni Ninoy, ang dakilang asawa ni Cory, at dahil din sa katatagan sa pakikibaka ni Cory Aquino. Isama natin sa tuwing magdarasal tayo ang mataimtim na dalangin para kay Tita Cory.
Tuesday, July 21, 2009
Ipagdasal natin si Tita Cory
Posted by Lito Banayo at 10:59 AM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment