Lumiham ang isang sumusubaybay mula pa sa Canada. Ang liham ni Remy G. ang siya nating itatampok sa pitak na ito.
“Napansin (ba ninyo) sa larawan (sa pahayagan) ang pagdalaw ng Sultan ng Brunei na si Haji Hassanal Bolkiah, (kung saan habang nasa Malakanyang) ay … pag-palis ng dahon na nalaglag sa balikat ng sultan, na tila hindi naman napansin mismo ng Sultan? Kahit ano pa ang dumapo sa balikat ng Sultan, aba’y bilang isang kapwa Presidente wala dapat na pakialam si (Pangulong) Arroyo. Marami namang alalay ang sultan na kitang-kita sa larawan.
“Hindi dapat ganito ang pag-saludar ng isang “dignitary” sa kapwa “dignitary”. Sa tingin ko sa larawan, mukhang ‘di na lamang pinansin ng sultan, na may dignidad.
“Ipagpaumanhin ninyo kung masabi ko na ito’y paraan ng pag-flirt o pambabastos sa sultan…Hindi yata alam ni Gloria ang malaking kaibahan ng kultura ng Muslim kung saan ang mga babae ay ayaw matignan, lalo salingin o hawakan, kaya tinatakpan ang ulo at buong katawan, samantalang ito namang presidenteng naturingan ng Pilipinas ay may papalis-palis pa ng balikat ng isang lalaki, sa harap ng marami? Hindi na ba siya nahiya sa mga babaeng nasa likod ng Sultan? Pinabababa niya ang kababaihang Kristiyano …akala niya yata si Bush…kaya’t kung tawagin siya ay Gloria na lang?”
May mga masakit pang komentaryo sa liham na akin na lang tinanggal, nguni’t may punto si Ginang Remy G. Ako man ay napamasid sa ginawang iyon ni Donya Gloria, at napataas ang aking kilay. Ang namumuno ng isang bansang soberanyo ay dapat palaging umaasal na may dignidad. Hindi tama ang maging impormal, lalo na at nasa harap ng ibang tao, at nakuhanan pa nga ng larawan. Sasabihin na naman ng mga maka-Gloria na sobra akong bumatikos, nguni’t totoo ito, sa usapin man ng protocol o sa punto ng karangalan ng isang bansa.
Ngayon nga ay nasa Davos, Switzerland, upang makihalubilo sa mga mayayamang ehekutibo sa World Economic Forum, na wari mo’y may ipagmamalaki ang isang bansang naghihikahos tulad natin. E mismo ngang si Barack Obama, na pangulo na ng pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig, hindi nagpunta roon, dahil hindi maganda ang magiging senyales sa bansa niyang milyun-milyon ang nawawalan ng trabaho?
Samantalang itong si Donya Gloria, aba’y palalabasin pa na tayo ay hindi gaanong apektado ng krisis, katulad ng mga bansang mayayaman, salamat diumano sa kanyang galing bilang ekonomista at lider ng bansang hilahod sa gutom ang kalahati ng mamamayan, at lugmok sa talamak na korapsyon? Sino naman ang kanyang lolokohin doon, e hindi naman mga mangmang na hindi naiintindihan ang tunay na lagay ng kanyang bansa?
Tiyak na pagbalik ay palalabasin na namang nagpakita ng interes ang mga mayayamang dayuhan na kanyang hinikayat na maglagak ng puhunan sa ating ekonomiya. Sa totoo lang, kung meron pa silang yaman, hindi nila dito ilalagak ang puhunang iyon. Pero, magmamalaki pa rin si Donya Gloria.
Wala naman siyang naloloko kundi sarili niya. Maski nga mga kabinete niya, pinagtatawanan na siguro ang kanyang mga kilos na “trying hard”, pilit na pilit, kanya nga lamang at hindi siya ma-diretso. Sadyang kapos sa pag-respeto sa sarili. Walang dignidad. Ang problema, sa bansa ang latay. Dignidad natin ang siyang napagkakanulo.
Monday, February 2, 2009
Dignidad
Posted by Lito Banayo at 10:29 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment