Monday, February 9, 2009

Pagsasanib

Nakatutuwa ito. Nag-iisip na raw ng angkop na pangalang bago para sa ipinagsasanib na mga partidong Lakas at Kampi.

Wika ni Jose Solis na kinatawan ng Sorsogon, ang bagong pangalan daw ay dapat na maiparating sa taong bayan ang magkaparehong layunin at adhikain ng pinagsamang mga lapian, at alinsabay na rin, dapat na madaling maalaala ng sambayanan. “Memorable and catchy for instant recall”, wika ng kalalawigan ni Senador Chiz Escudero.

Nagbiro pa si Solis habang kausap ang mga mamamahayag sa lingguhang Usapang Daungan sa Lungsod ng Quezon kamakailan at nagbanggit ng mga katawa-tawang kombinasyon ng pangalan tulad ng Lampi, Lakak, Kaspi at Kalas. Pwede rin daw Lakas ng Kampi, kanya lamang parang Kampi ang malakas kaysa sa Lakas. E hindi papayag ang Lakas doon, pare-pareho pa namang nagpapataasan ng yabang sila.

Kung ang nais ay pag-isahin sila ng mga “adhikain at layunin”, mayroon akong rekomendasyon. Tutal, makailang beses na tinaguriang “party of thieves” ni Rep. Teddyboy Locsin ng Makati ang Lakas, noon pa mang siya’y tagapaglathala ng isang pahayagang ngayo’y kasaysayan na, at hindi ko naman naaalaaalang umangal ang mga taga-Lakas. At alam rin naman nating walang kahabas-habas na pinagmamalaki ng mga taga-Kampi at Lakas ang kanilang adiksyon sa baboy sa pamamagitan ng pork barrel. Ang mga miyembro rin ng mga partidong ito ang siyang nangunguna sa pag-salag sa anumang akusasyon laban sa mga kontratistang na-blacklist ng World Bank, at halos ay balutin ng bandila ng bayan ang mga naakusahan ng sabwatan sa public bidding. Ang mga ito rin ang tagapagtanggol ng Unang Pamilya sa anumang akusasyon ng korapsyon, at siya ring agaran kung ibasura ang anumang impeachment complaints laban kay Donya Gloria na kanilang amo.

Kaya hindi dapat na ang pagsanib-pwersa ay batay sa pagsasaayos lamang ng mga kasalukuyang pangalan ng mga partidong Lakas at Kampi. Kasi nga, magiging katatawa-tawa, at pilit na pilit. Ayun na nga --- Kalas, Lampi, Lakak. Walang ibig sabihin. Sagdagan mo ng isang “L” yung Lakak, laklak na. “N” naman sa Lampi, e lampin na. Hindi bagay, matatanda na sila. Kapag “Kalas” naman, e parang iiwanan na nila si Donya Gloria.

Pwede siguro ang Kampilak, o kakampi ng pilak, kanya lang, hindi naman pilak kundi ginto ang hilig ng mga miyembro ng mga partidong ito. Hindi ba’t sabi nga ng isang testigo sa mga hearing patungkol sa fertilizer scam, e ayaw pumayag sa 30% ng isang congressman, at humihirit na dapat ay 40% ang komisyon niya sa pondong inilaan sa kanyang distrito ni Jocjoc? Oo nga naman, peke lang din naman ang produkto, e ‘di dapat hahataw si congressman, ano? (Saksakan talaga ng ganid.)

Kung gagamitin natin ang “party of thieves” bilang batayan, e di may patutunguhan na ang ating paghahanap ng nakaaayong bagong pangalan. Simple lang iyan --- Kapag sila’y “nagkaisa” na, e dapat ipangalandakan iyong pagsasanib-pwersa. Layunin at adhikain --- e di, “kawat”. Ano pa nga ba ang mga layunin at adhikain ng mga ito kundi tuloy ang ligaya, ‘di ba Teddyboy?
Kaya’t dapat ay wala nang patumpik-tumpik, lantaran na. Call a spade a spade, wika nga sa Ingles. “Nagkaisang Kawatan”, o “Nakaw”!

Madaling tandaan, maikli pa. Bagay na bagay sa mga adhikain at layunin, ‘di ba Congressman Solis? May Tagalog na, may Bisaya pa!

Paano kung sumanib din ang Nacionalista, o di kaya, ang NPC? No problem. Angkop na angkop pa rin. E di sabihin ninyo, “kanya nga “N”, ‘yun ang sa inyo, sa amin naman yung “K”, tama? Paano rin ‘yung Partido Sosyalista o ano nga bang pangalan noon, ‘yung kay Norberto Gonzales? Ahh, hayaan mo na ang mga saling-pusa.

O, kapag siya ninyong ginamit, huwag kalilimutan ang aking “royalty fees”. Paghahatian namin ni kaibigang Teddyboy Locsin, dahil ayaw ko namang mang-agaw ng kredito. Orihinal na ideya ni Locsin ang siyang basehan natin. Huwag kayong mag-alala, hindi namin ibubulsa ang royalty fees. Ido-donate namin sa kampanya ni Jobama para kay Teddyboy, at kay Bayani naman sa ganang akin.

Joke, joke, joke! Huwag mapipikon. Tandaan, sa pulitika o ano pa man, --- ang pikon … talo.

0 comments: