Tuesday, February 24, 2009

Halalang bulok

Kung sadyang hindi guguluhin ng cha-cha o ano pa mang masamang balakin ng mga nasa kapangyarihan na walang intensyong bumitiw, dapat ay magkaroon tayo ng halalang pipili sa lider na uugit ng pamahalaan ng bayan mulo Hunyo 30, 2010 hanggang Hunyo 30, 2016.

Napakahalaga ng halalang naka-iskedyul sa Mayo ng susunod na taon. Nababalot ang buong daigdig ng krisis pangkabuhayan. Marami ang nawawalan ng trabaho, dito sa atin at maging sa sektor ng mga OFW na hindi naman tinatrato bilang bayani. Marami rin ang nagugutom, sa mga bulubundukin, at lalo na sa kalunsuran. Higit sa lahat, nawawalan na ng pag-asa ang sambayanan na wala nang ginawa kundi magtiis sa hirap sa nagdaang mga taon ng mali at lisyang pamamalakad.

Kaya nga ba’t kay daming sabik sa 2010, kung kailan mawawala na ang kasalukuyang rehimen, ayon sa kasalukuyang Saligang Batas, at makapipili na ang taong bayan ng susunod na pagkakatiwalaan. Kanya rin ang daming nababahala sa isinalang na panukalang amyendahan ang Saligang Batas, na kunwa’y para sa mga amyendang pang-ekonomiya, nguni’t malamang ay para magpalawig ng termino ang mga namumuno ngayon. Nguni’t ilang beses na nating tinalakay ang balaking ito.

Ang isa pang pinangangambahan ng inyong lingkod ay ang tila mala-pagong na pag-usad ng mga preparasyon para sa halalan ng 2010. Pagka’t ang buod ng tunay at demokratikong pamahalaan ay ang malaya at malinis na halalan, ilang beses na tayong naunsyami ng pandaraya sa ating halalang bulok. Pinakamatindi na ngang kontrobersiya ng halalan ay ang nangyaring pandaraya noong 2004, kung saan ipinuroklama ng Kongreso ang mandin ay huwad na pangulo. Hanggang ngayon ay pinaparusahan tayong lahat ng kabulukan ng ating sistema ng halalan.

Bagama’t naggigirihan na ang mga kakandidato sa 2010, parang wala pang malinaw ukol sa sistemang gagamitin para ma-computerize ang halalan. Unang-una, hindi pa pinapasa ng Kongreso ang supplemental budget para sa malaking gastusin ng computerization. Dito pa nga lang ay kitang-kita na natin ang pagka-doble kara ng rehimeng Arroyo. Mano bang isinali na ang budget ng computerization sa General Appropriations Bill na kamakailan ay pumasa na bilang batas, at hinihintay na lamang ang lagda ni Arroyo. Hindi nila ginawa ito, kaya’t ngayon ay panukala pa sa mababang kapulungan ang salaping gugugulin.

Pangalawa, wala pang malinaw ukol sa gagamiting sistema ang Comelec. Basta’t humihingi nga 11 bilyung piso, pero maraming nangangamba na madaling dayain ang sistemang kanilang napipisil. Samantala, may sistema namang bukod sa may “paper trail” ay gagamit lamang ng mga personal computers o PC, na matapos magamit sa halalan, ay maari namang ipamudmod sa mga iskwelahang pampubliko. At ang kailangan ay 4 na bilyon lamang.

Dapat na pagtuunan ng pansin at interes ng mga mamamayan, lalo na ng media, ang ginagawang preparasyon ng hindi mapagkakatiwalaang Comelec. Ilang beses na tayong dinaya ng mga Garcillano at Bedol, na hanggang ngayon ay pinagtatawanan pa ang sambayanan, kasama ng kanilang amo na si Abalos. Nakatatakot na kung hindi maipuslit ang cha-cha sa Kongreso at Korte Suprema, ay mandaraya na naman ang kasalukuyang rehimen, upang siguruhin ang panalo ng tuta na kanilang mamanukin.

1 comments:

Philippine Senatorial Candidate 2010 said...

Well, I'm just hope for a clean and safe election this 2010. And who ever wins as the race for presidency, I wish he/she can change our country from its current state. Anyway, I've been looking for topics as interesting as this. Looking forward to your next post.

-pia-