Wednesday, February 4, 2009

Nakakahiya

Napag-alaman natin na ang state visit ni Hajji Hassanal Bolkiah, Sultan ng Brunei, na naging paksa natin kahapon, ay mula Enero 28 hanggang 31. Nguni’t matapos magbigay ng isang state dinner sa Malakanyang, umalis na si Donya Gloria noong gabi ng a-30 ng Enero, patungong Davos, Switzerland.

Susog sa ating pitak ukol sa kawalan ng “dignidad” ng naturingang pangulo ng kaawa-awang bansa, nakakahiya ang ginawa ni Donya Gloria sa Sultan ng Brunei. Kapag nag-imbita ka ng isang foreign dignitary, lalo na ang pinuno ng isang kalapit-bansa na kapwa-miyembro ng ASEAN, aba’y hindi mo dapat iwanan. Bigyan mo ng mainit na salubong, at hintayin mong maka-alis sa iyong bayan. Tiyak na hindi makakalimutan ng Brunei ang ginawang pambabastos na ito ng ating nakakahiyang pinuno.

Pagdating sa Davos, sa ikahuling araw ng kumperensya kung saan nakaalis na ang mga ibang pinuno ng bansa, nanumbat at nagmalaki pa itong ating Donya Gloria. Akalain mong sumbatan ang bagong pangulo ng Estados Unidos, si Barack Obama, na hindi nagpunta sa kumperensyang iyon ng mga mananalig sa globalisasyon? Ang wika ni Donya Gloria, na tila nais lamang umeksena sa Davos, “What we want is for America to do something, because the last thing we want is for America to do nothing. You may be vague on what should be done, but the worst thing is for America not to do anything”.

Hello? Hindi na nga magkanda-ugaga ang America at ang bagong pangulo sa kung anu-anong bail-out at economic stimuli, at may nakahain pang panukala ngayon sa Senado nila, pagkatapos susumbatan nitong si Donya Gloria na wala silang ginagawa? At para niya sabihing maski na “ vague” ang programa ni Obama, e, teka muna, sino ba siya para kwestyunin ang gagawin nila?

Akala mo ay mayamang bansa ang kanyang pinamumunuan. Hindi bale kung pangulo siya ng Tsina, o Britanya, o maski Hapon at Rusya. Pero tayo, na ultimong helicopter para sa ating hukbong sandatahan ay hindi makabili, liban na lamang kapag helicopter na gamit ng Donya para sa pagikot-ikot sa mga lalawigan, at umaasa pa rin sa mga segunda manong bigay ng Amerika?

At hindi pa nagkasya sa panunumbat, na tiyak pinagtaasan ng kilay ng mga iilang naiwan sa kumperensya (dahil karamihan sa mga mabibigat na delegado ay nagsisipag-skiing na sa Alpina). Nagmalaki pa! Hindi na raw natin kailangan ang salapi, dahil napakarami natin, salamat sa kanyang mga “fiscal at financial reforms”.

Hello again? Para namang hindi alam ng mga nandoon na batbat tayo sa utang. May katas siya ng E-VAT ngayon, na panandaliang lunas mula sa dugo at pawis ng mamamyang Pilipino, pero lubog na lubog tayo sa utang, at iyung mga nasa Davos ang siyang nagsipagpautang. Sino ang niloko niya?

At, alam din ng mga naroon sa Davos na ang kanyang bansa ay tinaguriang isa sa pinaka-corrupt sa buong daigdig, at kung hindi ikalawa, ay nangunguna sa pagiging pinaka-corrupt sa Asya!

Pinagmamalaki niya na may 300 bilyong economic stimulus fund siya upang isalba ang ating ekonomiya laban sa epekto ng krisis. Pero nasaan iyon? Hindi ka naman makakahugot ng ganoon kalaking salapi sa kasalukuyang badyet. At bawal sa batas ang humugot siya mula sa pension funds ng SSS at GSIS, dahil hindi naman ito salapi ng gobyerno. Inaasahan niya rin ang pribadong sector, na tiyak namang hindi makatutulong dahil mismong sila ay nagkaka-problema. Kaya, ampaw ang kanyang economic stimulus package na pinangangalandakan.

At pagkatapos, nag-anunsyo ang Malakanyang, sa pamamagitan ng bagong PMS Chief na si Hermogenes Esperon, na tutungo pa ang Donya sa Washington D.C. upang makipag-prayer breakfast batay sa imbitasyon ng isang congressman na Kano. Mula sa Davos, tumungo si Donya sa Milan sa Italya, at dalawang araw pa sa Europa bago lumipad patungong Bahrain. Mula doon, tatawirin ang dalawang malalaking karagatan para makipag-almusal sa Amerika. Para ano? Gusto sigurong maki-picture-picture kay Pangulong Obama.

Talagang nakakahiya!

3 comments:

Philippine Vendors Association said...

Eh ang nakakahiya pa niyan, sa kabila ng pagkukumahog ni Goyang na pumikture kay Obama, ay nabigo siya. Siguro wish niyang ma-impatso si Obama para may chance siyang abutan ng Motilium.

Ang mga hipokrito naman sa Malakanyang ay todo tanggi at hindi raw kahihiyan yaon sa Pangulo. Ginamit pa ni Remonde ang Dios sa pabsabing "pantay-pantay ang tao sa mata ng Dios." Eh kung gayon lang pala naman eh, di sana sa Baclaran na lang naki-pag breakfast prayer si Goyang kasama ang mahihirap. Hipokrito talaga.

Anonymous said...

MARCOS'ES BATTLECRY AGAINST DADONG MACAPAGAL WAS NAKAKAHIYA! DI BA ? ANG ANAK BA E NAGMAMANA nfG NAKAKAHIYA?

Anonymous said...

when marcos run against dadong makapagal for president the battle cry in plaza miranda was nakakahiya me pinagmanahan po kaya?