Sa imbestigasyon ng Institutional Integrity Division (INT) ng World Bank, may testimonya ang isang mangangalakal na Hapones, si Tomatu Suzuka, ukol sa kanyang mga eksperyensya sa Pilipinas, kung saan nagtangka siyang mangontrata ng mga proyekto. Minsan daw ay nakaharap niya si Ginoong Mike Arroyo at isang yumao nang senador. Hindi raw kasi siya makapasok-pasok sa DPWH, at sinabihan nga raw siya na kailangan kasing makipag-ugnayan siya sa mga malalakas at ma-impluwensyang tao. Nguni’t nasobrahan daw siya sa pakikipag-usap niyang iyon, at sa testimonya ay nasabing “they had a very rough approach” patungkol sa laki ng hinihinging pabuya. Ito naman ay isinalin ni Senador Ping Lacson sa wikang Tagalog, matapos makatanggap ng kopya ng report, at sinabi niyang “garapal”.
Kung dumaloy man sa isipan ni G. Suzuka o sinuman sa mahigit tatlumpung tao na ininterbyu sa imbestigasyon ng World Bank, ay tiyak na hindi na iti maglalakas-loob matapos mapanood ang nangyari sa Senado noong Huwebes na nagdaan, sa hearing na ipinatawag ni Senyora Miriam Defensor-Santiago.
Sa mula’t mula pa ay nagpakita na ng kakaibang interes itong si Santiago na siya ang humawak ng imbestigasyon. Marami ang nagsabing dapat daw ay Blue Ribbon Committee ang humawak ng imbestigasyon, nguni’t dahil sa ang World Bank ay matataguriang isang economic organization”, pinilit ni Senyora Miriam na sa kanya mapapunta ang isyu. Nakisama naman at pinagbigyan siya ng mga kapwa-senador matapos na mag-aasta pa sa plenaryo ng Senado.
Nguni’t noong Huwebes ay sa umpisa pa lamang ay makikita na ang patutunguhan ng hearing. Papel ni Senyora Miriam ay huwes o mahistrado at hindi senador. Rules of court lang daw ang kanyang gagamitin sa pagtanggap ng mga ebidensya, at binale-wala ang imbestigasyon bilang isang tulong sa lehislasyon at hindi isang criminal o civil proceeding.
Higit isang oras ang ginugol sa pagtanong ukol sa kalusugan ni G. Mike Arroyo, samantalang hindi naman ito isyu, at tinanggap na nga ng mga kapwa-senador, at nadesisyunan na niya mismo, na hindi pipiliting papuntahin ang esposo ni Donya Gloria sa Senado. Pagkatapos naman ay narinig natin ang pagmamagaling ng inutil na si Merceditas Gutierrez, ang muchacha ng mga Arroyo sa kanyang paghawak ng tanggapan ng Ombudsman, naturingan pa namang isang independyenteng ahensya na sadyang dapat ay umiimbestiga sa mga kurakutan sa pamahalaan.
Natanggap nga daw niya ang siyam na pahinang report ng WB isang taon na ang nakalilipas, nguni’t hindi naman daw siya makakilos dahil saw ala namang nakasaad na mga testimonya sa summary na ipinadala sa kanya, at may nakasaad pa raw na “confidential”. E anong klaseng imbestigador siya, kung hindi man lamang niya kinapulong ang World Bank para humingi ng mas malawakan at kumpletong report, kasama ang mga salaysay ng testigo? Malinaw na inupuan niya lamang ang WB report imbes na magsaliksik, gaya ng siya niyang responsibilidad.
E bakit si Lacson, nakakuha ng kopya ng report, matapos na sumabog na nga itong pagkaka-blacklist sa tatlong kontratistang Pinoy at limang kontratistang banyaga? Ano ang ginawa ni Merceditas sa loob ng pagkatagal-tagal na panahon? E di --- wala. At bakit nga naman siya magsasaliksik, e kung may Makita pa siyang masama, samantalang tila malinaw na malinaw ang tagubilin sa kanya ng mag-asawang nag-appoint sa kanya, na dapat ay para siyang ‘yung unggoy sa alamt, na “see no evil, hear no evil, speak no evil”? Hirap na nga ang ale dahil batbat ng “evil” ang pamahalaang pinagsisilbihan niya. Puno na siguro ng muta ang kanyang mga mata, tutuli ang tenga, at panis na laway ang bibig, dahil nga sa dami ng binabale-wala at pinagtatakpang mga krimen laban sa sambayanan.
Moro-morong hindi mabebenta ang ginawa sa Senado ni Senyora Miriam noong Huwebes. At siya namang tinawag ng mga bobo sa Malakanyang na “statesmanship” daw. Ngayon ay World Bank pa ang siyang maysala, Sila pa ang siyang uusigin, nitong pamahalaang walang kasing-korap sa ating kasaysayan.
Talagang garapalan. Wala talagang pag-asang magkaroon ng pagbabago kapag ipinaubaya ang bayan sa mga trapo at mandurugas na nagkukuntsabahan.
Tuesday, February 17, 2009
Napakagarapal
Posted by Lito Banayo at 2:59 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment