Wednesday, February 25, 2009

Edsa 3 ?

Sa anibersaryo ng Edsa 1, na biglang na-alaala ni Donya Gloria, at nagpatanghal ng isang programa sa Tomb of the Unknown Soldier sa Kampo Bonifacio, imbes na sa mismong lugar kung saan nangyari ang makasaysayang rebolusyon, sinabi ng namumuno sa bansang kaawa-awa:

“Pinuri ng daigdig ang Edsa 1. Pinagbigyan ang Edsa 2. Nguni’t tiyak na ikukondena ang isang Edsa 3, at mahuhusgahan tayo ng buong daigdig na bansang lugmok sa gulo at kawalan ng istabilidad”. (Dagliang salin mula sa salitang ingles).

Alam ba ni Donya Gloria ang kanyang pinagsasasabi? Itinanghal at hinangaan sa buong daigdig ang nangyaring pag-aklas ng sambayanan, sa pangunguna ng mga kawal na sumunod sa pagkalas ni Juan Ponce Enrile at Fidel V. Ramos laban sa kanilang amo na si Ferdinand Marcos. Dahil dito ay napatalsik si Marcos at humalili si Cory, ang pangulong lantarang dinaya noong “snap elections” ilang linggo bago mag-Edsa 1.

Totoong hindi naisa-diwa ang kahalagahan ng Edsa 1. Nagsipagbalikan ang mga pulitikong sakim, at nagpasasa sila noong dalawang dekadang singkad mula ng hangaan tayo ng buong daigdig. Kaya’t ngayon ay balik tayo sa pagkakapariwara. Ipinagkanulo ang sambayanan ng mga pulitikong nagpasasa matapos mapatalsik ang diktadurya ni Marcos.

Dahil sa mga isyu ng korapsyon, ang ilang sektor ay nag-alsang muli laban sa halal na pangulo noong Edsa-2. Iniwanan si Pangulong Estrada ng kanyang hinirang na hepe ng hukbong sandatahan, si Angelo Reyes, matapos na magkagulo sa impeachment trial sa Senado na inumpisahan ng kanyang piniling Speaker, si Manuel Villar. Nagtagumpay ang mga sector na ito nang lisanin na nga ni Reyes at kanyang mga heneral ang kanilang commander-in-chief, at iniluklok si Bise-Presidente GMA bilang pangulo.

Matapos ang ilang buwan, ipinakulong ng rehimeng Arroyo si Erap, sa paraang nakapagpasiklab ng damdamin ng masang Pilipino na hindi naman sadyang narinig sa Edsa 2. Nguni’t si Donya Gloria ay mas matibay ang dibdib kaysa kay Ka Erap. Samantalang ang huli ay hindi nakipaglaban, at linisan ang Malakanyang, ang Donya ay inutusan ang hukbong kitilin ang buhay ng masang sumugod sa Malakanyang.

Hayaan na muna nating kasaysayan ang maghusga sa dalawang lider na ito, si Ka Erap at si Donya Gloria.

Anhin mo pa, sumunod ang walong taon at higit isang buwang rehimen na sa madaling salita ay batbat sa pangungurakot, sa masamang pamamahala, at sa lantarang pagsisinungaling at pagkubli ng katotohanan. At pandaraya ng kalaban sa halalan ng 2004, kaya’t nabanasagang ilehitimong lider si Donya Gloria.

Ngayon, sa naiiwang isang taon at limang buwan ng kanyang pamamalagi sa Malakanyang, buong pagmamalaking binigkas ni Gloria ang ganitong pananalita --- na hindi patatawarin ng sandaigdigan ang isang muling pag-alsa, kung saan siya ang puntiryang patalsikin.

Sa totoo lang, wala nang pakialam ang daigdig at ibanng bansa sa mangyayari o hindi mangyayari sa Pilipinas. Dahil lubha tayong napariwara, wala nang pakialam sila sa atin. Una, wala naman silang simpatiya kay Gloria. Biyahe ng biyahe maski na pinahahalataan na ng mga ibang lider ng kawalan ng respeto at pagkakasuklam. At pangalawa, nasa krisis ang lahat halos ng bansa, para intindihin pa ang mangyayari sa isang maliit na bansang lugmok sa korapsyon.

Sa aking konting pananaw, matutuwa pa ang mga lider ng ibang bansa, lalo na ang Asean, kung mapapatalsik si Donya Gloria. Napakagulo kasi ng pamamahala niya, at maging sila ay nababahala ng ilang taon na.

Tunghayan natin ang mga pananalita ni Juan Ponce Enrile, pangulo ng Senado, na nagpasimuno ng pag-aklas na tinaguriang Edsa 1. Sa panayam noong Linggo, kung saan siya’y tinanong kung possible ba ang isa pang Edsa, at kung siya’y sasama sakali, ang sagot ni JPE:

“Naniniwala ako na Diyos ang siyang makapagsasabi. Siya ang direktor ng mga gawain ng sambayanan. Kung nanaisin ng Panginoong Diyos, maaring magkaroong muli ng Edsa---ngayon, bukas, o maging isang dekada mula ngayon. Laging nangyayari ang ganito sa kasaysayan ng daigdig.”

At walang magagawa ang ibang bansa kung siyang nanaisin ng sambayanan, at nanaisin ng Panginoon, ano man ang sabihin ng ilehitimong namumuno.

1 comments:

Anonymous said...

Sumasang-ayon po ako sa inyong opinyon, bago pa makialam ang ibang bansa sa kalagayang pampulitika at pang-ekonomiya ng Pilipinas, uunahin muna nila ang kanilang sarili. Sa dinadanas nating Global Economic Crisis, ika nga ng ilan sa eksperto sa Estados Unidos, maaring humantong ang kalagayang ito sa "economic protectionism" kung saan maaring maapektuhan ang mga foreign investmments sa bansa.

I would describe Donya Gloria's government as the "ultimate circus of hypocrisy and tyrants".