Nagkaroon pa ng tatlong one-on-one na miting sina FPJ at Ping noong buwan ng Marso at Abril. Nguni’t walang pag-usad ang pakikipagkasundo liban lang sa kamustahan. Gaya ng naisulat ko kahapon, parehong ayaw manguna.
Nguni’t isa sa mga miting na ito ay dapat malaman ng taong-bayan. Ito’y inisyatibo ng isang mayamang negosyanteng sumusuporta kay FPJ, nguni’t kaibigan din naman ni Ping. Pareho silang mabutinting sa sasakyan, at malimit magkita sa talyer maski noong martial law pa. Tinawagan nito ang isang mataas na executive sa Makati na kaibigang matalik ni Ping, at nagkasundo sila na anyayahan ang dalawang kandidato sa bahay ng executive.
Nagkamali nang pag-basa sa ugali ni Ping ang negosyante, pagka’t sinabi niya sa executive na paaatrasin nila si Ping, kapalit ng: Una, pagbalik ng mga nagastos na ni Ping sa kanyang pangangampanya (ibig sabihin may kabayaran ang pag-withdraw); pangalawa, pag-usapan na raw ang mga pwesto sa pamahalaan na nais ni Ping at ng kanyang mga ka-alyado; at pangatlo, magbibitaw sila ng pangako na si Ping ang siyang ie-endorso ni Pangulong FPJ bilang kandidato niya sa 2010.
Hindi naging maganda ang pagtanggap ni Ping sa panukala, dahil parang nasaring ang kanyang “self-respect”. Sinabi niya ito sa kaibigang executive, at dahilan doon ay hindi na nagpakita sa miting ang mayamang negosyante. Sa one-on-one na pulong ni FPJ at Ping, binanggit ni Ping ang ukol sa alok ng negosyanteng nasa likod ni FPJ. “Huwag namang tinatanggalan ako ng self-respect. Hindi dapat na parang transaksyunal ang usapan”, wika nito kay FPJ, na agad namang dumistansya at sinabing, “Hindi ko alam iyan”.
Samantala, payabang ng mga taga-taguyod ni FPJ na mananalo ang kanilang kandidato maski pa tumuloy si Lacson. Sobra daw ang lakas ni FPJ sa masa.
Nagkaroon ng “breakthrough” ang patuloy na pagtangkang pag-isahin ang dalawang kandidato nang lumabas ang huling survey noong dalawang linggo bago sa araw ng halalan. Dikit na dikit na si GMA at FPJ, samantalang si Ping ay lumamang ng malaki-laki kay Roco at Eddie Villanueva. Ninerbiyos ang mga supporter ng bawa’t kandidato. Nagtawag ng mabilisang miting ng hating-gabi sa bahay ni Mayor JV Ejercito sa San Juan. Dalawang linggo at tatlong araw na lang ay Araw ng Halalan na.
Naunang dumating si Ping, kasama si Ronnie Zamora, Butz Aquino at ako. Maya-maya ay dumating si Mayor Jojo Binay, at sinabing nasa airport na si FPJ, kasama ni Tito Sotto, at tutungo na rin sa miting.
Bago dumating sa bahay ni Mayor Ejercito si FPJ, nagpulong kami nina Mayor Binay, Ronnie Zamora, Butz Aquino at Ping. May inilatag na “formula” si Zamora upang pagkasunduin ang dalawa. Payag si Ping. Ayos naman ito kay Binay, at imumungkahi kay FPJ pagdating.
Noong dumating na si FPJ, minabuti namin ni Butz na lumabas sa silid, at hayaang si Ping at Ronnie, FPJ at Jojo ang siyang mag-usap. Nasa hapag kainan kami ni Mayor JV, Tito, at Butz, na matamang hinintay kung ano ang mangyayari sa loob ng kulay berdeng music room ni JV at kanyang ina. Matapos ang siguro’y kalahating oras ay lumabas ang apat, at pumayag pala si FPJ sa “formula” na maaga pang napagkasunduan ni Ping at Jojo. Sa usapin ng vice-president, sinabi ni Ping na ipagpatuloy na lang ni Loren ang kandidatura, dahil malaki na raw ang pagod nito sa pagkandidato. Kung baga, sakaling si FPJ ang siyang mapili batay sa “formula” ni Zamora, e di silang dalawa pa rin ang kandidato ng oposisyon. At kung si Ping naman ang itanghal na kandidato ayon sa “formula”, e si Loren ang siya pa ring bise-presidente. Susuportahan na lang nila sinuman ang mapagkasunduang pangulo. Walang pinag-usapang pera, o posisyon --- walang anumang transaksyon. Malinaw ang usapang “under wraps” ang pinag-usapan, at walang maglalabas kaninuman, lalo na sa media.
Sa madaling salita, kung natuloy ang “formula”, magiging Ping-Loren o di kaya’y FPJ-Loren pa rin. Hindi magiging FPJ-Ping o Ping-FPJ. Kaya’t yung mga nagsasabing kung pumayag si Ping na mag-bise kay FPJ, disin sana’y humalili siya sa yumaong “pangulo” ay hindi nalalamn ang kanilang pinagsasasabi.
Kinabukasan ay nagsipagkilos na si Mayor Jojo at Congressman Ronny upang umpisahan ang “formula” sa pakikipagka-isa. Nung gabing iyon ay may konsyerto si Andrea Boccelli sa Araneta Coliseum, at kay daming nagsipagtanong sa akin kung kamusta na ang usapan ng dalawa. Tikom-bibig ako.
Ano pa’t kinabukasan ay lumabas sa nag-iisang pahayagan ang pagpulong sa bahay ni Mayor JV. Malinaw na sinabotahe ang pagpapatuloy ng kasunduan. At alam naming hindi galing sa amin ang pagbubunyag. Batay sa sumulat ng “scoop”, may duda kami kung sino sa kampo ni FPJ ang naglabas.
Bakit malinaw na sinabotahe ang disin sana’y pakikipagkasundo ni FPJ at Ping? Ang ating teoriya ay ilalabas natin sa isang aklat na isusulat sa darating pang panahon.
Wednesday, June 17, 2009
FPJ at Ping, balik-tanaw
Posted by Lito Banayo at 4:17 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment