Noon ay lagging bukang bibig ni Senador at matapos ay Pangalawang Pangulong Erap Estrada, na siya raw ay “hindi pulitiko; siya ay public servant”. Mariin niyang sinasabing paninilbihan sa mahihirap ang kanyang hangad, at hindi ang makipag-kompromiso sa mga nais ng mga pulitiko. Kanya nga raw ang ngalan ng kanyang lapian sy Partido ng Masang Pilipino, at hindi siya nakikilahok sa mga naglalakihang lapian, tulad ng LDP, NPC, o maging Lakas.
Nguni’t taliwas sa inaasahan, naging “praktikal” at “tradisyunal” din si Pangulong Erap matapos maluklok sa Malakanyang. Bagama’t hindi naman niya pinabayaan ang mga masa sa kanyang mga adhikain, malimit rin siyang nakipag-transaksyon sa mga naghaharing uri sa lipunan, lalo na sa malalaking negosyante.
Si Ping Lacson ay tunay na kakaiba. Ilang beses siyang kinausap ng kampo ni GMA, mga sadyang malalapit dito, at sa dalawang pagkakataon, isang mahabang usapan at isang maikli lamang, mismong ni GMA. “reconciliation, pagkakaisa, magtulungan”, ito ang mga sambit ng rehimen kay Ping. Nguni’t palaging ang sagot ni Ping ay iisa: “Handa akong tumulong at makipagkaisa basta’t alang-alang sa interes ng sambayanan, basta’t itigil na ang mga katiwalian”.
Subali’t wala namang habas ang pangungurakot sa pamahalaang Arroyo. Kaya’t hindi makipagkasundo si Ping, at patuloy na nilalabanan ang mag-asawang Arroyo at kanilang mga alipores na nasasangkot sa katiwalian. Jose Pidal. Pic Marcelo at kaso ng prangkisa sa telecoms. Hello Garci. ZTE-NBN project. Talamak na jueteng sa buong Luzon, na kinasasangkutan ng mga kapamilya ni GMA. At marami pang iba. Walang sinumang senador na walang humpay na nakikipaglaban sa katiwalian sa pamahalaan.
At upang ipakita na siya ay walang personal o pansariling interes, at hindi mabahiran ng korapsyon bilang senador, katangi-tangi si Lacson na umayaw sa 200 milyong piso kada taon na “pork barrel” na tinatanggap ng bawa’t senador.
Nguni’t kung ano ang lakas ni Ping bilang katunggali ng kurakot, ito rin ang siyang “kahinaan” niya sa mga pulitkong tradisyunal. Maging sa mga malalaking negosyante na sa pagbibigay ng pinansyal na tulong, ay may pagnanais na maka-tabla, o di kaya’y makakuha ng higit pa, sa pamamagitan ng mga pabor o proteksyon sakaling mayroon silang hindi legal na gawain.
At dahil hindi nakikipag-kompromiso si Lacson, at hindi “transaksyunal” basta’t ang isinasatabi ay batas, at ang interes ng sambayanan ang siyang naaagrabyado o naaabuso, ayaw siyang “batain” ng mga ito.
Ito ang tila malungkot na realidad ng pulitika sa Pilipinas ngayon. Una, dahil sa walang malalakas na institusyon tulad ng partido pulitikal. Ang pagpili ng mga kandidato ay dinadaan sa “surveys”, batay sa popularidad at hindi sa kakayahan. Batay sa “damdamin” ng mamamayan na madali namang maimpluwensyahan ng daan-daang milyung piso na ginugugol sa mga advertisements na hindi
makatotohanan kundi kathang-isip lamang. At dahil mahalaga ang advertisements upang umangat sa surveys, nagiging lalong mahalaga ang salapi upang makapagbayad ng milyun-milyong gastusin sa advertisements, maging sa pagikut-ikot sa bansa bagama’t hindi pa panahon ng kampanya.
Sumuko si Ping sa realidad na iyan ng pera-perang pamumulitika. Subali’t ayon na rin sa kanya, ipagpapatuloy niya ang laban sa katiwalian, at itataguyod ang adhikain ng malinis at maayos na pamahalaan, sa pamamagitan ng paghahanap ng isang lider na magiging marangal, may kakayahan, at malinis ang hangarin.
Wednesday, June 10, 2009
Kakaibang “pulitiko”
Posted by Lito Banayo at 4:10 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment