Tuesday, June 16, 2009

Si FPJ at si Ping: balik-tanaw

Matagal-tagal ko nang nais isulat ang tungkol sa mga one-on-one na mga miting na naganap sa pagitan ng ngayon ay sumakabilang-buhay nang si FPJ at si Ping Lacson, na parehong tumakbo sa panguluhan ng 2004. Ngayong umatras na si Ping ng kanyang kandidatura sa panguluhan ng 2010, siguro’y panahon nang ihayag ito sa sambayanan sa pamamagitan ng pitak na ito.

Noong kalagitnaaan ng Nobyembre, 2003, napagsabihan ako ni Senador Ping Lacson na magpupulong sila ng noon ay hindi pa lumalantad na kandidatong si FPJ. Nasa Amerika ako noon, at hindi ko mapalitan ang petsa ng biyahe ko. Natuloy ang miting, at matapos ang dalawang araw ay nakabalik na ako sa Pinas. Doon ay sinabi ni FPJ na siya’y may balak ngang tumakbo sa panguluhan, nguni’t nais sana niyang magkaroon ng proseso nang pagpili. Minungkahi ni Ping ang kumbensyon. Nagkasundo silang mag-uusap na muli ukol sa pamamaraan ng pagpili, pero may proseso, wika ni FPJ.

Nguni’t minaniobra ng mga kasamahan sa hanay ng oposisyon na hindi magkaroon ng proseso ng pilian. Matapos mag-press conference si FPJ sa Manila Hotel nung sumunod na linggo kng saan isinaad ang kanyang hangaring lumahok sa pulitika, nagkaroon kami ng “unification” meeting sa Shangrila Hotel sa Makati. Wala ang mga kandidato pero nandoon ang mga lider ng oposisyon, maging mga malalapit kay Pangulong Erap. Matapos ang mahaba at mainit na diskusyon, iminungkahi ko na “ikulong” na lang ang dalawa, si FPJ at si Ping, sa isang silid, at lahat kami ay nasa labas. “Hayaan natin silang mag-desisyon, at huwag nating pakialaman”. Kapag lumabas sila doon ay tiyak na may desisyon na. Tumanggi si Sen. Tito Sotto at maging si noon ay Alkalde Jinggoy Estrada. Mangha ako kung bakit ayaw nilang mapag-isa ang dalawang kandidato.

Dahil hindi nga magkaroon ng pagkakasundo, nagpatuloy ang dalawa, sina FPJ at Ping. Itinakwil si Ping ng kanyang lapiang LDP, sa pamumuno ni Sen. Edgardo Angara. Nagpunta kami nina Ping sa Tanay, sa “kulungan” ni Pangulong Estrada, nguni’t tumanggi si Ping na umatras kung walang maayos na proseso. “Masyado naman akong minamaliit”, nabigkas niya kay Erap. “Kung talaga namang siya ang mapipili, susuporta naman ako, pero daanin natin sa wastong proseso, at hindi yung para ka na lang sinabihang – tsupi”, tanda kong sinabi ni Lacson.

Hanggang sa magsimula ang kampanya – Pebrero 10, 2004, wala pa ring kasunduan. Samantala, pinili ng mga kasamahan niya si Senadora Loren Legarda na siyang maging katambal ni FPJ. Minabuti naming huwag nang magkaroon ng kandidato para sa bise-presidente si Ping. Iisa an gaming kandidato sa pagka-senador, si Rep. Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya. Noong Enero ay nagpulong muli si Ping at FPJ, kung saan ihinahabilin ni Ping si Padilla na angkinin na niyang “common candidate”. Sa ganoong paraan, magkakaroon ng 11 na kandidato ang kampo ni FPJ at isa sa 12 ay kay Ping. Pumayag si FPJ sa pulungang iyon, na sinaksihan ni Rep. Butz Aquino ng Makati. “Done!”, kagyat na sagot ni FPJ.

Ngunit pumalag ang mga ka-alyado ni FPJ, particular sina Senador Angara at Sotto. Walang nagawa si FPJ. Hitsa-pwera pa rin si Padilla. Minasama ito ni Ping at namin sa kanyang kampo. Bakit nagsalita na siya, e binabawi ng kanyang mga kasamahan, samantalang siya ang kandidato at siya ang magiging pangulo?

Nung nag-umpisa na ang kampanya, nagkaroon na naman ng isang one-on-one miting buwan ng Pebrero. Sabi agad ni FPJ kay Ping, “tumuloy na lang tayo at tignan kung paano ang takbo ng kanya-kantang kampanya”. Walang pinag-usapang “mag-bise ka na lang sa akin”, o anupaman. Tingin naming ay nahihiya si FPJ nab aka nga naman akalain ni Ping ay mini-menos agad ang kanyang tsansa e kauumpisa pa lamang ng kampanya. Binabanggit ko ito dahil sa palaging sinasabi ng marami na sana raw ay tinanggap na lamang ni Ping na maging bise siya ni FPJ.

Hindi ito personal na ini-alok ni FPJ. Media lang ang nagpalawig ng ganitong haka-haka, at sa sapul simula, ang mga nakapalibot kay FPJ na mga tradisyunal na pulitiko ay away na si Ping ang maging bise-presidente ni FPJ.

Iba marahil ang nangyari kung mismong si FPJ ang siyang nag-alok kay Ping. Hindi naman sila ang mga kandidato, nguni’t naging mapag-imbot ang mga nakapaligid kay FPJ. Gayunpaman, hindi tumigil ang dalawa sa pagmimiting ng one-on-one. Ang problema, parehong mahiyain, parehong, kung baga sa psychology, ay “introvert” si FPJ at si Ping. Hindi mangunguna, hindi mangangahas.

0 comments: