Noong Linggo, ika-31 ng Mayo, bisperas ng kanyang ika-61 kaarawan, tinawagan ako ni Senador Ping Lacson. Nagdesisyon na raw siyang itigil ang kanyang paghangad na maging ika-labinlimang pangulo ng bansa sa halalan ng 2010.
Sa totoo lang, hindi ako gaanong nabigla. Pinag-usapan na namin ang mga suliranin ng kanyang pagtakbo noong dakong Semana Santa ng taong ito. Mahirap mangalap ng pondo, at kay gastos naman nang pagpapa-abot ng mensahe sa sambayanan. Kung anu-ano pang kasinungalingan ang ibinibintang sa kanya ng mga alipores ni Donya Gloria at iba pa niyang mga katunggali sa pulitika. Kapag naglibot ka naman sa bansa, walang bungang bibig ang marami kundi “proyekto at tulong” , na tila baga’y hindi plataporma o adhikain ang mahalaga, kundi paghingi ng material na tulong.
Noong nagdaang Martes ay sinabi ko sa kanyang medyo asiwa ako sa “timing” dahil paparating na si Cezar Mancao na diumano’y titestigo sa pagbubukas ng Dacer-Corbito case kung saan idadawit daw si Lacson. Nguni’t sinabi ni Ping na “bahala sila sa gagawin nila, haharapin ko iyan at malinis ang konsensiya ko. Kung iisipin natin ang kung anu-anong balakid, wala tayong desisyong magagawa.”
Mayroong ANC Leadership Forum na gaganapin sa Biyernes, ika-05 ng Hunyo sa UP School of Economics. Naisip naming doon na isiwalat ang kanyang desisyon, dahil mahalagang mabigkas ang buong mensahe niya sa bayan. Kaya’t noong Biyernes ng hapon, ilang oras bago magsimula ang talakayan ng ilang mga pumupustura sa pagka-pangulo sa 2010, sinabi naming kay Ricky Carandang ng ANC ang desisyon, sabay bigay ng mensahe. Iminungkahi naman niyang ite-tape na lang nila si Senador Lacson para sa alas-siyeteng forum.
Daglian naman kaming nagtawag ng mga kasamahan sa “core team” ng kanyang mga pre-campaign workers, para naman masabi sa kanila ni Ping bago nila marinig sa telebisyon. Halos isang oras na lamang bago mag-umpisa ang ANC Leadership Forum nang ma-tape ang pasiya ni Lacson. At tinampok nga nila sa pag-umpisa ng Forum kung saan kabilang rin sina Erap, Loren, Binay at Bayani.
Sa isang banda ay malungkot kami, nguni’t sa isa namang banda ay parang nabunutan ng tinik sa lalamunan. Nagkaroon ng pagkakataong ganito noong 2004, kung kailan lima ang naglalaban para sa panguluhan --- si GMA, FPJ, Raul Roco, Eddie Villanueva, at si Ping. Malinaw sa mga survey na ang labanan ay sa pagitan na nina GMA at FPJ. Nguni’t dahil sa adhikaing ipinaglalaban, at dahil sa masamang pagkaka-trato kay Ping ng mga nasa likod ni FPJ, naging palaban kami hanggang sa dulo. Nanindigan kami, at dahil doon ay tumanggap ng katakut-takot na batikos si Ping matapos ngang matalo si FPJ ni GMA. Anim na buwan matapos ang halalan, biglang yumao si FPJ. Anim na buwan matapos ang kanyang pagkakahimlay, pumutok ang Hello Garci na siya palang dahilan ng kanyang pagkatalo noong halalan.
Sinisi na muli ng mga kapwa-taga-oposisyon si Ping kung bakit hindi pa niya pinagbigyan si FPJ noong 2004. Disin sana raw ay hindi nakayang dayain ni GMA si FPJ. Tumanggap si Ping ng 3.5 milyong boto, kontra sa 11 milyon ni GMA at 10 milyon ni FPJ. Si Roco ay 1.6 milyon, si Villanueva ay 1.2 milyon. Marami pang nagsabing kung umatras si Ping noon, at “pumayag” na mag-bise kay FPJ, e di sana raw ay siya na ang pangulo, dahil nga sa yumao si FPJ noong Disyembre ng 2004.
Hindi naman masagot ng katotohanan ni Ping, alang-alang na rin sa alaala ng yumaong FPJ, kung ano talaga ang nangyari sa mga one-on-one na pagpulong nila ni FPJ, mga pagpulong na ang layunin ay magkaisa sila.
Ngayong hindi na niya hinahanagad ang mag-pangulo sa darating na halalan, siguro’y panahon nang ilahad sa bayan ang tunay na mga pangyayari. Sa ganang akin, dahil kasama ako ni Ping sa yugtong iyon ng kanyang buhay, at ako ang unang nakaaalam sa kanyang kampo ng mga pinag-usapan nila, panahon na rin upang ilahad ang mga detalye sa bayan. Abangan…
Tuesday, June 9, 2009
Pag-atras ni Ping
Posted by Lito Banayo at 4:03 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment