Noong Lunes, minadali ng Komite ng Constitutional Amendments sa Kamara de Representantes na aprubahan ang resolusyon patungkol sa HR 1109, na ang pangunahing kumatha ay si Rep. Luis Villafuerte ng Camarines Sur. Matatandaang higit isang linggo pa lamang nang ideklara ng akda na hindi na niya itutuloy ang pag-awtor sa resolusyon nagmumungkahing magkaroon ng Constituent Assembly maski na hindi sumali rito ang Senado. Ang pakay ni Villafuerte ay magkaroon ng isang “justiciable issue”, at hingin sa Korte Suprema na ideklara kung angkop sa Saligang Batas ang panukalang maaring ma-amyendahan ang Saligang Batas na ito sa pamamagitan ng boto ng tatlong ika-apat ng kabuuan ng mga miyembro ng pinagsamang Kamara at Senado.
At kapag ito’y napunta sa Korte Suprema, ang pag-asa nina Villafuerte at iba pang ka-alyado ni Donya Gloria, ay makuha ang sapat na boto mula sa Korte kung saan ang higit na nakararaming miyembro ay hinirang ni Donya Gloria. Samantala, maya’t mayan kung magpunta si Donya sa kanyang distrito sa Pampanga, para magpamudmod ng mga proyekto at tulong. Sapagka’t patapos na raw ang kanyang panguluhan, nais naman niyang mabiyayahan ang kanyang mga kababayan ng “pamana”. Mientras tanto, maari ding maagang pangangampanya ito para maging “miyembro ng parliyamento” (MP) sa maaring itanghal na pagbabago ng porma ng ating pamahalaan.
Sinasabi na nga ba! Hindi pa rin patay ang buktot na planong cha-cha. Talagang ayaw mawala sa kapangyarihan. Bagama’t sinabi ni Donya Gloria sa harap ng nagsamang mga kawatan sa Lakas-Kampi-CMD, na tinaguriang “Pa-La-Ka” ng ating senador at kapwa-manunulat sa pahayagang ito na si Mar Roxas, na “wala nang duda --- tuloy ang halalan sa 2010”, hindi nga naman niya tinukoy kung anong uri ng halalan ang pinag-uusapan. Hahalal din naman ang taong-bayan kung mag-cha-cha. At hahalal pa rin sila ng mga kinatawan na ngayon ay tatawaging MP, na siya namang pipili ng punong ministro (Prime Minister), na siyang tunay na mamumuno sa pagpapalakad ng pamahalaan.
At sakaling hindi nila mabili ang kaukulang dami ng mga mambabatas (ang bulungan ay tig-20 milyon daw ang bayad sa bawa’t boboto sa HR 1109), hindi pa rin diyan natatapos ang kwento. Kasi, sakaling hindi maipasa ang cha-cha sa pamamagitan ng constituent assembly ngayong linggong ito, pagbalik ng mga mambabatas sa Kongreso sa Hulyo 27, asahang iaanunsyo naman ang bagong panukala --- alin sa dalawa: na ang mahahalal na mambabatas sa 2010 ay awtomatikong magiging miyembro ng Constituent Assembly, o di kaya’y tumawag ng isang Constitutional Convention na ang mga miyembro ay ihahalal alinsabay sa halalan ng 2010.
At sino naman ang mananaig sa Con-Con na ipatatawag? E di sila-sila rin --- ang mga miyembro ngayon ng Kamara at maski Senado na tapos na sa termino, tatakbong delegado sa Con-Con, habang ipamamana ang kanilang upuan sa Kongreso sa kanilang mga anak, asawa, kapatid, maging kabit. O di kaya, baligtad --- anak, asawa, kapatid o kabit ang siyang patakbuhing delegado para sa mga mambabatas na hindi pa tapos ang tatlong termino.
Sinuman ang luku-lukong magpapatuloy tumakbong pangulo sa ganitong sistema, makakatamasa ng ilang buwan, sabihin na nating isang taong singkad, bilang “tunay” na pangulo, at pagkatapos --- tabi d’yan, balik na si Donya Gloria bilang Punong Ministro. Galing-galing, ‘di ba?
Sinasabi na nga ba!
Walang kapagapag-asa ang tunay na mga reporma sa sistemang bulok at sa ilalim ng mga namumunong bulok. Ang kamalasan ni Juan de la Cruz, palagi na lamang mga maling tao ang inihahalal nila. Kasi, gamit ay puso, at hindi utak. Nadadala ng emosyon; salat sa wastong impormasyon. Sinumang makapagparaos ng kanilang gutom, o di kaya’y makatulong maidaos sila sa karamdaman o sa pagpapalibing ng kaanak, tiyak na gagantihan ng boto. Kesehodang ang itinutulong sa kanila ay nakaw sa kaban ng bayan, o galing sa mga transaksyon sa pamahalaan gamit ang kapangyarihan at impluwensya. Saksakan ng babaw.
* * *
Bistadong-bistadong “guilty” itong si Manny Villar. Kahapon, matapos ilahad ni Jamby Madrigal ang kanyang mga ebidensyang pagpapatunay na may mga nagawang kasalanan sa bayan si Villar, agad-agad na pinasinungalingan ni Villa rang mga ebidensya. “Kuryente na naman”, wika ni Villar, sabay “mukhasim”.
Inilaiham nga ni G. Socrates Punay sa atin: “Kung naisanla ang lupa ng Adelfa Properties sa Capitol Bank na pag-aari rin ni Villar, e hindi ba bawal ito sa alituntunin ng Bangko Sentral, ang tawag na DOSRI loans (pautang sa mga kumpanyang pag-aari ng mga nagmamay-ari ng bangko)”.
E bakit nga hindi humarap sa Senado si Villar, at pasinungalingan ang mga bintang ni Madrigal, at imbes ay ngawa siya ng ngawa sa media (bayad man o hindi)! Tutal, wika niya noong isang linggo, sigurado siyang hindi makakauha ng sapat na numero o bilang ng senador sa buong kapulungan para siya’y mahusgahan.
E anong kinatatakot mo, kung gayon? Wika nga ng kanyang taga-bunganga na si Alan Peter Cayetano, noong masugid pa itong oposisyunista sa Kamara, patungkol naman kay GMA at FG --- “mukhang guilty!”
Thursday, June 4, 2009
Sinasabi na nga ba
Posted by Lito Banayo at 10:26 AM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment