Tuesday, June 23, 2009

Panukala ni Norberto

Sa ating pitak sa Pahayagang Malaya kahapon, inilista natin ang mga maaring gawin ni Donya Gloria upang palawigin ang kanyang kapangyarihan. Sa maikling pananalita, ang mga ito ay sumusunod:

Con-Ass, na kapag itinuloy ng mga alipores niya sa mababang kapulungan matapos ang kanyang SONA sa Hunyo 27, 2009, ay maaring maisampa sa Korte Suprema. Sa kanilang pagtaya, dahil “hawak” niya ang marami dito, lulusot ang tiwaling interpretasyon ng mga taga kamara. Nguni’t wala nang oras para ito maituloy bago maghalalansa 2010. Kaya pagkatapos na ng halalan aamyendahan ang Saligang Batas.

Problema, papayag ba ang mahahalal na pangulo sa 2010? Maski pa sabihin nating “bata” ni Donya ang manalo, kapag may bagong hari, may bagong gawi, may bagong ugali. Ngayon, kung ang habol lang naman ni Gloria ay huwag siyang makasuhan lalan ng kanyang pagkarami-raming kasalanan sa bayan, e baka tumawad ito ng “permanent” o habang-buhay na immunity sa lahat ng nanungkulang pangulo. Kaya lang, papayag ba ang “public opinion”? Lalabanan ba naman ng bagong pangulo ang public opinion na ito?

Di kaya, tutal e malabo naman ang sistema ng halalang ipa-iiral ng Comelec sa Mayo 10, 2010, e magkakaroon ng “failure of elections”. Maga-alburuto ang mga tao, sampu ng mga kandidatong hindi maipu-proklama dahil na nga sa “failure of elections”. Ang siste, sino ang uupong “Acting President” matapos ang Hunyo 30, 2010, kung kailan tapos na ang termino ni Donya, ni Noli, maging ang pangulo ng Senado at speaker ng Kamara? Walang malinaw sa Saligang Batas na nasa “line of succession” ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema, na hindi naman halal ng bayan. Masama pa nito, isa ring “Acting Chief Justice” ang nakaupo matapos ang halalan, dahil magre-retiro si CJ Puno sa Mayo, 2010.

Kanya, maaring sa panahong ito ay pumasok ang “emergency” rule, dahil sadyang may emergency, may kaguluhan. At maaring ito ang gawing paraan upang mapalawig ang kapangyarihan ni Donya lampas-lampas sa kasumpa-sumpa niyang terminong “legal”.

Pero, hintay muna. Ano naman itong ilang beses nang pinagsasasabi ni Norberto Gonzales, ang National Security Adviser ni Donya Gloria, na dapat daw ay magkaroon ng isang “transition government” na pamumunuan ng isang konseho, na pamumunuan naman ni Donya Gloria? Miyembro daw dapat ay mga retiradong heneral, mga kaparian, mga negosyante, atbp., para daw gumawa ng mga mahahalagang reporma bago pa mag-halalan sa 2010. Bale ba, ngayon na raw!

Sa madaling salita, lantarang ipina-panukala ni Norberto na buwagin ang kasalukuyang pamahalaan, iwaksi ang kasalukuyang Saligang Batas, at magtatag ng isang pamahalaang “rebolusyonaryo”, na pamumunuan pa mandin ni Donya?

Nguni’t hindi naman siya pinipigilan ng palasyo. Sa normal na pamunuan, matagal na siyang sinibak. Ang panukala niya ang siyang lantarang pagpapatotoo sa mga kinatatakutan ng mamamayang Pilipino, na sadyang ayaw ni Donya Gloriang kailanman ay bumaba sa pwesto. Ayaw isuko ang kapangyarihang hiram.

1 comments:

Anonymous said...

tuta ni lacson the killer