Kamakailan ay nabalitang may balak na magdagdag ng isang daang mga kinatawan sa Kamara de Representantes. Diyos na mahabagin naman!
Kasi raw, marami na ang mga Pinoy, kaya dapat ay dagdagan ang mga kinatawan nilang mambabatas. Siyamnapung milyong higit na tayo, at sa loob lang ng ilang taon, lalampasan na natin ang 100 milyon. Kasi nga, ayaw nating matutong isa-ayos ang patakaran sa populasyon, at nang hindi lubhang mabigatan ang ekonomiya sa paglobo ng populasyon.
Ano ba ang ginagawa ng karamihan sa mga mambabatas ngayon (236 na ang bilang nila) liban sa magbutas ng upuan, at asikasuhin ang kanilang mga “projects” na sinusuportahan ng pork barrel at iba pang alokasyon mula sa mga ahensya ng pamahalaan? Vamos a ver, kuentahin natin ang pork barrel na lamang. Sa tig-pitumpung milyong pork barrel, ang alokasyon para sa Kamara ay umaabot na ng 16.52 bilyung piso taun-taon. Iyan yung hating kapatid. Kung dadagdagan ng 100 miyembro pa, mag-aalokasyon na naman ng 7 bilyong dagdag. So, 23.52 bilyones, para sa hating kapatid pa lamang. Liban pa diyan yung mga masigasig na mga beteranong mambabatas, na kayang-kayang sindakin ang mga namumuno ng ahensya para sa karagdagang mga proyekto --- DPWH, DA, DAR, DOH, DECS, DOTC, atbp.
Napansin na ba ninyong sa mga debatehan sa Kongreso, iilan lang ang nagsasalita? Karamihan pa nga ay mga taga-oposisyon, at para sa administrasyon, pare-parehong mga mukha --- si Villafuerte, si Puentebella, si Lagman, at ilan pang mabibilang mo sa daliri ng dalawang kamay. Ang karamihan, napapanis ang laway sa katahimikan.
Kung ako ang tatanungin, kapag panahon na upang amyendahan ang ating Saligang Batas, mabuti pang magkaroon ng iisang kamara, at gawin na natin itong Senado. Kanya nga lamang, imbes na inihahalal ang senador ng buong bansa, gawin natin itong batay sa rehiyon. Mayroon tayong labing-anim na rehiyon. Bigyan natin ng tigatlong senador ang bawat rehiyon, kaya’t ang bilang ng mambabatas ay magiging 48. Tapos, gayahin natin ang sistema ng Amerika kung saan ang bise-presidente ang awtomatikong tagapangulo ng Senadong ito. Tatlo bawa’t rehiyon, malaki man o maliit ang populasyon. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng pantay na pagkakataon ang mga mahihirap na rehiyon, tulad ng CAR, ARMM, Caraga, Rehiyon 8, at iba pa na magkaroon ng sapat na pondo at atensyon. (Sa kasalukuyan, wala ni isang senador ang nanggaling sa hanay ng mga kaawa-awang rehiyon na mga ito.) Sa Amerika nga, bawa’t estado ay dalawa ang senador sa Kapitolyo sa Washington DC, ke maliit na Rhode Island o Misissippi o malaking California o Texas. Pantay-pantay, at di naaayon sa populasyon.
Huwag nating alalahanin na mawawalan ng proyekto ang maliliit na lalawigan, sapagka’t ang ehekutibo naman ang siyang nagpapanukala ng badyet. E di isaayos ang alokasyon ng pondo ayon sa sadyang pangangailangan ng mga serbisyo at pangkabuhayan ng bawa’t lalawigan. Hindi naman tiyak na papayagan ng 47 senador kung suswapangin ng isang kapwa senador ang pondo para lamang sa kanyang lalawigan, at gugutumin ang mga karatig lalawigan. Kapag ganoon rin, tiyak na pagkakaisahan siyang talunin ng mga botante ng ibang lalawigan sa susunod na halalan.
Menos gastos na, mas maganda pa malamang ang mga batas na gagawin at magiging malalim ang talakayan nila. Magkakahiyaan kasi kung tatanga-tanga ang senador ng iisang Batasan, at magkakabistuhan dahil 48 lamang ang suma total ng mga mambabatas ng bansa. At sa lebel ng rehiyon, hindi naman siguro makalulusot ang mga walang sinabi at walang “k” na mga kandidato para senador. ‘Di ba’t mas maganda itong panukala nating ito?
Monday, March 16, 2009
Dagdag trapo na naman?
Posted by Lito Banayo at 5:08 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comments:
sounds good pero malabong mangyari kasi lahat ng politiko sa pilipinas ayaw ng pagbabago na makaka apekto sa kayamanan at fame nila.
Post a Comment