Monday, March 2, 2009

Pinapatalsik si Aling Mercy

Kahapon ay dumulog sina dating Pangulo ng Senado, Jovito R. Salonga, kasama ang ilan pang mga dating matataas na opisyal ng pamahalaan at mga kilalang lider sa lipunan, maging sa Simbahan, upang magsampa ng reklamo para mapatalsik sa pwesto si Ombudsman Merecditas Navarro-Gutierrez.

Batay sa kanilang reklamo, si Ginang Gutierrez ay lumabag sa Saligang Batas at ipinagkanulo ang tiwala ng sambayanan, dahil sa kanyang hindi pagtupad sa tagubilin ng Korte Suprema na sampahan ng demanda ang Comelec at Mega-Pacific sa iskandalo ng naunsyaming computerization ng 2004. Gayundin sa pagkakapatalo sa kaso ni dating Kalihim ng Katarungan, Nani Perez. Maging sa pagbabale-wala sa mga kaso laban kay Jocjoc Bolante, dala ng fertilizer fund scam. At sa pag-upo at pagsasalanag bahala sa report ng World Bank ukol sa mga katiwalian sa pangungontrata ng DPWH.

At bagama’t ang mga kasong ito ay inupuan o binale-wala ni Aling Mercy, ayon kina Salonga, walang habas naman nitong pinag-sususpindi sina Gov. Niel Tupas ng Iloilo at Enrique Garcia na kalalawigan niya sa Bataan. Kilabot at walang-awa diumano sa ilan, nguni’t taga-ayos at taga-asikaso ng mga kaso ng mga kaalyado o pinuprotektahan ng pamahalaang Arroyo. Malinaw, ayon sa kasong isinampa nina Salonga, na paglabag sa Saligang Batas.

Kanya lang, aasenso ba ang kasong ito? Hindi kaya ang mangyari ay katulad rin ng nangyari sa apat na impeachment complaints na isinampa laban kay Donya Gloria, mula noong 2005 at hanggang noong nakaraang taon? Hindi kay itatapon lang ito ng mga kinatawan, dahil tagubilin ito ng kanilang Donya, o di kaya’y pagkakataon na naman upang maka=parte ng mas malaki sa 1.4 trilyong badyet na kanilang ipinasa? Hindi kaya, bibilhin lang ang mga kinatawan na sanay naman sa bilihan --- ang mamili ng boto, at magpabili sa Malakanyang?

Kaawa-awang bayan. Ayon sa isinampang kaso laban kay Aling Marcy, lahat ng mga naninilbihan sa bayan ay dapat maging “tagapagatanggol ng sambayanan”. Nakatitik ito sa ating Saligang Batas. Nguni’t tiwali si Gutierrez sa atas na ito ng ating Saligang Batas.

E paano kaya kung magbitiw si Gutierrez, kung halimbawang ayawin na niya ang dinaranas na pag-pressure ng Malakanyang, tulad ng ginawa ng kanyang hinalinhang si Simeon Marcelo?

Aba, e di magnunombra na naman ang Donya Gloria ng bagong Ombudsman. At tiyak namang sunud-sunuran din iyan sa kanya. Kung babae, muchacha niya. Kung lalaki, muchacho ng Donya.

Kaya’t balik na naman tayo sa katanungan --- sino pa nga ba ang pwedeng maging “tagapagtanggol” ng sambayanang Pilipino?

Ayon sa Saligang Batas, ini-atas din ang responsibilidad na ito sa hukbong sandatahan. Kanya nga lamang, nakikinig pa ba sila?

0 comments: