Friday, March 27, 2009

Sari-sari

Ito talagang bansa natin, walang katapusan ang mga balitang hindi kanais-nais, o tinatawag na “sensational” ng media. Noong Biyernes ay inilabas ng isang pahayagang nasyonal ang diumano’y affidavit ni Col. Cezar O. Mancao na sinumpaan noong Valentine’s Day na nagdaan. Sa huli nating pitak kahapon ay namangha tayo sa mga kaduda-dudang nilalaman nito. Talaga naman itong pamahalaang Arroyo, o… binibiro niyong 2001 pa ng madiskubre ang mga ‘diumano’y sunog na buto at pustiso nitong si Dacer at kanyang tsuper na si Corbito, at sinampahan nila ng mga kaso sina Colonels Aquino, Dumlao at Mancao, e bakit kaya ngayon lamang nila hiningi sa pamahalaan ng Estados Unidos ang pagpapa-extradite ng mga ito? Inabot ng walong taon. Ito ba ang nais magbigay ng hustisya sa pamilang Dacer? Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami na ang mga ito, partikular si Aquino at Mancao, ay nasa Amerika. Si Mancao nga’y hindi naman nagtatago, at naging malaking negosyante pa sa Florida, bilang realtor. Bakit ngayon lang?

* * *

Isa sa mga laging tinatanong sa akin ng mga usisero ukol sa Dacer-Corbito at ang pagkakasangkot nina Aquino at Mancao ay ito --- posible ba namang kung may inuutos si Pangulong Erap ay hindi dumaan kay Ping Lacson, na siyang hepe ng PNP at PAOCTF? Hindi daw kapani-paniwalang dideretso si Erap kay Aquino o Mancao. Bagama’t hindi ko pinagtitibay ang sabi ni Mancao sa affidavit na may “Bigote” na nag-utos, o naiirita kay Dacer, eto ang dapat na malaman ng mga nagbabasa ng Abante:

Una, sa mga opisyal ng Malakanyang noon, hindi sa amin kataka-taka ang dumiretso si Pangulong Erap sa mga mas mababa na opisyal. Sa DPWH nga, mas malimit na magpakita sa kanya ang Regional Director ng Region IV na taga-Sta. Cruz, Laguna, si Direktor Panganiban, kesa kay Sec. Vigilar. Sa Department of Finance, lalo na noong si Ed Espiritu pa ang kalihim, halos araw-araw ay nasa palasyo si Nelson Tan na Customs Commissioner, samantalang si Espiritu ay minsanan lang sa isang linggo kung pumunta sa Malakanyang. Si NFA Director noon, Edno Joson ay mas malimit na kausapin ni Pangulong Erap kaysa sa dating Kalihim ng DA na si Willy Dar. Walang mataas o mababang opisyal kay Erap. Ang importante, kilala ka niya ng personal, at palagay ang loob sa iyo.

Isa pa, noong Hulyo hanggang halos katapusan na ng Oktubre, taong 2000, hindi nakakatuntong si Ping Lacson sa palasyo, dahil may tampo si Erap sa kanya. Tanungin na lang ninyo si Chavit Singson kung bakit. Eto kasing si Ping, raid ng raid ng mga operator ng jueteng, e nagsusumamo na kay Pangulong Erap at kay Chavit ang mga trapong gobernador na lubayan naman ang jueteng na kanilang pinakikinabangan. Tigas kasi ng ulo nitong si Ping --- basta’t iligal, maski na Pangulo ang makiusap, hindi siya mapasunod.

So, posible bang mag-utos si Pangulong Erap ng deretsahan kay Aquino o Mancao na lingid sa kaalaman ni Lacson? Oo naman.

* * *

Samantala, may mga grupong nagu-udyok kay Among Ed Panlilio ng Pampanga na lumahok sa labanan para panguluhan sa 2010. At mukhang nakikiliti naman ang gobernador. Si Gobernadora Grace Padaca naman daw ang siyang tatakbo nilang bise ni Panlilio.

Wika ng isa nating taga-subaybay, “litung-lito na ang mga Pinoy sa dami ng nais maging pangulo!” Sinu-sino na nga ba?

Si dating Pangulong Erap, si Loren Legarda, Noli de Castro, Ping Lacson, Mar Roxas, Chiz Escudero at Manny Villar, ang pitong nangunguna, hindi sa ganung order. Tapos, andyan pa si Senador Dick Gordon, si Mayor Jojo Binay at si MMDA Chairman Bayani Fernando. Sampu na sila. Eto pa si Brother Mike ng El Shaddai at si Bro. Eddie Villanueva ng Jesus is Lord Movement. At si Chief Justice Reynato Puno, bagama’t ito’y tahasan nang tumanggi. At ngayon si Gobernador Panlilio ng Pampanga. Meron pa ba? Balita ko may isang bilyunaryong negosyante na nagninilaynilay rin.

* * *

Samantala rin, abangan ang napipintong pagbuhay na muli sa Cha-Cha ni Gloria kapag nagbukas muli ang Kongreso matapos ang mahal na araw. Mismong si dating Speaker JDV ay inalok na muling ibabalik sa pagiging speaker, basta’t maki-apid lang sa kabaliwang cha-cha. Tutal dati na naman siyang para sa cha-cha, ‘di ba?

Ma-drama na naman ang pulitika natin. Ayon kay Joe de V, tinanggihan niyang maki-apid na muli sa mga Arroyo, so, sino kaya ang papalit kay Speaker Nograles, na siyang makapapangakong kakayanin ang bilang ng 197 na mambabatas na aayon sa constituent assembly maski walang Senado? Abangan.

0 comments: