Nalathala sa isang pahayagang nasyonal kamakailan ang diumano’y huling affidavit ni Col. Cezar “Boy” Mancao, nilagdaan noong ika-13 ng pebrero, 2009, kung saan dinawit niya si Senador Ping Lacson at Col. Michael Ray Aquino, sa pagdukot kay G. Bubby Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito, na sumapit sa pagkakapaslang ng mga ito. ‘Diumano’y nasa unahan siya ng kotse ni noon ay PNP Chief Lacson, na katabi si Aquino, at sa pandinig niya at ng driver ni Lacson na si Oximoso, binanggit daw ni Aquino ang pagkaka-irita ni “Bigote” kay Dacer, kung saan inutos daw ni Lacson na tirahin na ito.
Hindi ko maisip na ito’y totoong sinabi ni Mancao sa mga humingi ng kanyang salaysay, o ito’y kathang-isip, pilit na pilit na “script” na isinubo kay Mancao para lang madawit si Lacson sa kasong Dacer-Corbito. Sa loob ng dalawang taong higit na pangulo si Erap, ako’y halos tuwing hapon hanggang hapunan nasa palasyo, bilang Presidential Adviser on Political Affairs. Wala naman sa aming tumatawag kay Erap na “Bigote”. Siya’y si Presidente, Presidente Erap, kung minsan ay Erap lang, o, sa mga PSG at sa mga military at pulis na malapit sa kanya, ay si “Code One”. Isipin ninyo kung ang isang mortal na kawani ng pamahalaan, maging opisyal man, ay ganun kawalang-galang para tawagin ang pangulong “Bigote” sa harap mismo ng kanyang hepe. Bakit, ano ba ang tawag ngayon ng mga opisyal ni GMA, “pandak”?
Matagal na akong malapit kay Lacson, at sa mangilang beses na sumakay ako sa kanyang sasakyan, punung-puno ito lagi ng mga papeles at computer, na ihahawi mo pa o ipalilipat bago ka makatabi sa kanya. At kailanman ay hindi ko nakitang umalis ang kanyang nag-iisang aide sa tabi ng tsuper. Ito nga ang sinabi rin ng dati niyang driver sa interview ng mga media, at tahasang sinabing nagsisinungaling si Mancao.
At hindi naman siguro bobo si Lacson para mag-utos ng isang maselang na kautusan sa abot-dinig ng driver nito, at isang Col. Mancao na hindi naman kasali sa diumanong krimen, batay na rin sa sariling salaysay. Sa katunayan, sinabi pa ni Cezar na “nanlamig” na raw sa kanya si Lacson at Aquino nung mga panahong iyon. E kung ganun, bakit siya pinasali pa sa usapang ‘diumanoy ukol sa maitim na balakin?
He, he, he. Pilit na idinanadawit si Lacson at Erap ng kasalukuyang rehimen, o pinasasakay sila ni Boy Mancao? Kung tutunghayan naman natin ang mga dating salaysay ni Mancao, dito sa Pilipinas noong 2001 at sa Amerika nung 2007, tahasang sinasabi ni Mancao na wala siyang kinalaman sa Dacer-Corbito case. At sa isang interbyu ni Maki Pulido sa GMA-7 noong Agosto 7, 2008, sinabi ni Mancao na siya’y pilit na inaakit ni Romeo Prestoza, na ngayon ay hepe ng ISAFP, na idamay si Lacson, kapalit ang iba’t ibang mga alok ng pabuya.
Matalinhaga ang kuwentong ibinibenta ng rehimeng Arroyo, na nagtatakip sa pagsasawalang-bahala, kuno. Tingnan natin kung ano ang sasabihin at iaasal ni Cezar Mancao kapag siya’y nakabalik na dito sa atin. Sinumang abogado ang aking kausapin ay natatawa sa hibla ng kuwento, at sinabing sa isang matinong korte, tapon agad ang kasong ito. Kanya nga lamang, patas ba ang laban ng hustisya sa rehimeng Arroyo? Kayo na ang sumagot niyan.
Monday, March 23, 2009
Si Mancao daw…bow
Posted by Lito Banayo at 8:18 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment