Nagdesisyon kamakailan ang sistema ng katarungan ng Estados Unidos, sa pamamagitan ng kanilang mga korte at ng US Assistant Attorney General, na dinggin muna ang “petition for a writ of habeas corpus” ni Glenn G. Dumlao, at ang hiling ng abogado ni Michael Ray Aquino na si Mark Berman (public attorney kung baga ditto sa atin), na pigilin muna ang paglisan ni Cezar O. Mancao dahil kailangan itong maging testigo o “material witness” sa extradition hearing ni Aquino.
Agad bumira itong si Raul Gonzalez, kalihim ng kawalang-katarungan ng saksakan ng korap na pamahalaang Arroyo, at sinabi sa media na ito raw mga pagbinbin sa pag-uwi ni Mancao at Dumlao ay kagagawan ng kampo ni Lacson. May pakana raw na sadyang pigilin ang pagbalik ng dalawa upang humarap sa kasong Dacer-Corbito.
Ini-insulto ni Gonzalez ang Amerika. At ini-insulto niya ang talino ng Pinoy. Akala yata ni Gonzalez, ang sistema ng katarungan sa Estados Unidos ay pareho ng sistema sa kanyang DOJ, na tinaguriang “Department Store of Justice” kung saan, tulad ng malinaw na nakita natin sa kaso ng Alabang Boys, e nabibili ang mga prosecutors at iba pang matataas na opisyal ng kanyang kawanihan. Hindi tulad ng sistema ng katarungan ditto sa rehimeng Arroyo, na nabibili ng mayaman, o naiimpluwensyahan ng mga may kapangyarihan, sa Amerika ay patas ang laban. Isa mang payak na deportee o extraditee tulad nina Aquino at Dumlao ay may karapatang umapela upang mabigyan ng nararapat na “due process”. Maski akusado sa Amerika, may mga karapatang nakasaad sa batas at sa kanilang “Bill of Rights”, hindi tulad dito sa atin na kapag mahirap ka o walang impluwensya ay manigas ka na, wala pang papansin sa iyo mula sa hanay ng pamahalaan. (Isang exception dito sigurong maituturing ay si Atty. Persida Acosta ng Public Attorney’s Office).
Ini-insulto din ni Gonzalez ang utak ng Pinoy. Ang ibig bang sabihin ni Gonzalez, napakalakas ni Ping Lacson sa Amerika, na pati ang sistema ng katarungan doon ay kaya niyang impluwensyahan? Aba’y oposisyon si Lacson, at ang Donya Gloria niya, sampu ng kaniyang DOJ, NBI, DFA at iba pang kawanihan ay siyang opisyal na kumakatawan sa pamahalaan ng Republika ng Pilipinas. Hindi si Lacson. Hindi ang oposisyon.
O nais bang ipahiwatig ni Gonzalez na nilalaglag na ng mga Kano si Donya Gloria niya? Iyan ba ang siyang bumabagabag sa isipan ni Gonzalez?
Mantakin mong para sa isang abogado, at kalihim pa mandin, ay sabihing wala raw kinalaman ang kaso ni Aquino sa pagpapa-uwi kay Mancao, dahil ang kaso raw ni Aquino ay ukol sa kanyang pagkakasangkot sa Aragoncillo espionage case? Aba’y nahatulan na ng matagal sina Aragoncillo at Aquino sa kasong ito. Kaya nga nakapiit sa bilangguan si Aquino ay dahil dito. Nakalimutan na ba, o sadyang uliyanin na si Gonzalez, na ang kanyang pamahalaan ang siyang humiling na i-extradite ang tatlo pabalik sa atin, dahil sa Dacer-Corbito case? Nakalimutan na ba niya, o sadyang uliyanin na siya, na nangangamba silang umuwi dito sa atin dahil hindi nga patas ang laban ng katarungan sa Pilipinas, kung saan, ayon kay Dumlao, e na-torture at na-harrass siya upang ipilit ang nais na ipa-amin sa kanya ng pamahalaang Arroyo, kasama na ang mga nauna kay Gonzalez sa kawanihan ng kawalang katarungan?
Inulit na naman na nagbayad daw ng 100,000 dolyares si Dumlao, e samantalang napatunayan nang ang ibinayad ay 5 dolyar lamang bilang filing fee. At hanggang ngayon ay nakakulong pa rin si Glenn G. Dumlao. Sadyang bulaan itong si Gonzalez. Nasa buto na niya ang magsinungaling, mag-imbento, upang mapagaling siya sa naisin ng amo niyang sinungaling din.
Tuesday, March 31, 2009
Panlilinlang na naman
Posted by Lito Banayo at 6:35 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment