Monday, March 30, 2009

Panlilinlang

Ang sadyang nakaiinis sa mga ginagawa ng pamahalaang Arroyo diumano upang mabigyan ng katarungan ang pagkakamatay nina Dacer at Corbito ay ang malinaw na panlilinlang. Noong isang linggo ay tinalakay na natin ang unti-unting pagtatalop ng tinaguriang “Mancao affidavit”. At matapos ilabas na nga ito (bagama’t nakasusi daw sa isang kaha de yero ng bangko), ibinalitang pabalik na raw ang kapwa inakusahang si Col. Glenn G. Dumlao. Nang maudlot ang diumano’y pag-uwi naman ni Dumlao, na pinigil ng korte sa Amerika, sinabing gawain daw ito ng kampo ni Lacson. Kesyo nagpadala raw 100,000 dolyar sa pamamagitan ng tatlong mamamahayag, at binayaran ang piyansa ni Dumlao.

Una, hindi naman nagpipiyansa si Dumlao, at hanggang ngayon ay nakakulong pa rin sa piitan, bunga ng extradition request ng DOJ ng Pilipinas. Wika nga ng kanyang abogadong si Atty. Felix Vinluan, ang ibinayad niya ay 5 dolyar, limang dolyar lamang, at hindi 100,000 dolyar. Pangalawa, naisip na ba ng mga gung-gong na propagandista na ang bawa’t bisita sa bansang Amerika ay hindi maaring magpasok ng hihigit sa tig-sampung libong dolyar? Kailangan mo ay 10 peryodista na magdadala ng tigsa-sampung libong dolyar. Natandaan ba ninyo ang kaso ng mga anak ni Gen. Carlos F. Garcia, na natiklo sa airport sa Amerika na may dalang 100,000 dolyares? Sino namang tangang peryodista ang papayag na magdala ng malaking halaga? Bayan ang nililinlang, at hindi lamang ang DOJ at mga propagandista ng rehimen ang nakuryente, kundi sadyang nagpapasa ng kuryente.

Pagkatapos nagsampa diumano ng kaso laban kay Ping Lacson itong mga magkakapatid na Dacer, at sinabi naman agad ni Raul Gonzales ng DOJ na uumpisahan ang preliminary investigation ng Dacer-Corbito kung saan ngayon ay sangkot na si Lacson. E wala naman dito ang nag-aakusa, at ang tinanggap ni Gonzales ay sinumpaang akusasyon sa konsulado ng Pilipinas sa Amerika. Pati si Senate President Juan Ponce Enrile ay nabahala, pagka’t nag-shortcut itong si Gonzales, maidiin lang si Lacson. Nagmamadali sila ngayon, base sa isang affidavit ni Mancao na wala namang corroboration, at hanggang ngayon ay hindi pa tiyak na salaysay nitong diumano’y testigo nilang si Mancao.

E bakit pitong taon nang higit na nasa Amerika ang mga akusadong sina Aquino, Dumlao at Mancao, e nun lang Oktubre ng nagdaang taon kumilos ang DOJ at humiling na ma-extradite ditto ang tatlo? Kung sadyang gusto nilang bigyan ng katarungan ang pamilya Dacer, bakit hinintay nila ang halos walong taon?

Malinaw ang motibo ng pamahalaang Arroyo. Nais gipitin at gantihan si Lacson, na gaya nga ng sinabi ni Cezar Mancao sa interbyu niya sa telebisyon noong 2008, ay sinabi ni Hen. Romeo Prestoza, noon ay PSG ni Donya Gloria, at ngayon ay hepe ng ISAFP, na “parang asong ulol---ayaw tumahimik” (kontra sa sobrang katiwalian sa pamahalaang Arroyo).

At sadya rin ang timing: papalapit na ang halalan. Nais lang siraan si Lacson at ang oposisyon. Ngayong muling isusulong ang cha-cha, na ang nais ay palawigin pa ang kapangyarihan ni Donya Gloria, puputaktiin nila si Ping ng kung anu-anong akusasyon upang manghina ang oposisyon.

Tama ang sabi ni Lacson sa kanyang mga anunsyo --- kung siya’y may malaking lihim na kasalanang nais itago, tulad ng pagpaslang kina Dacer at Corbito, e di dapat nakisama na lang siya sa pamahalaang ito . Pero patuloy siya sa kanyang krusada laban sa korapsyon, at ang tumbok ay itong rehimeng Arroyo.

Nguni’t hindi titigil sa panlilinlang ang rehimeng ito at kanilang mga alipores.

0 comments: