Kawawa naman itong si Lacson. Hindi na tinantanan ni Donya Gloria y su esposo. Kasi nga, banat ng banat laban sa korapsyon at katiwalian. At wala namang tigil sa korapsyon at katiwalian ang pamahalaang ito.
Ngayon, ibinalik na muli ang multo ng Dacer-Corbito double-murder na nangyari noong taong 2000, kasagsagan ng impeachment ni Erap. Nasa Malacanang ako mga dalawang araw bago dinukot si Dacer sa may boundary ng Makati at Maynila, dakong tanghali ng Nobye,mbre 24, 2000, ayon sa mga reports noon. Kasama ni Dacer pumasok sa palasyo si Cong. Baby Asistio, matapos silang maghintay sa holding room sa kabilang gusali, bagama’t si Asistio ay matalik na kaibigan ni Pangulong Erap, at kasama-sama niya sa tinaguriang “midnight cabinet”.
Matapos ang siguro’y kalahating oras o higit sa loob ng silid ni Erap, lumabas sina Dacer at Asistio, at nang ako’y makita ni Dacer, niyakap ako, at sinabing, “Brother, magkasundo na kami ng boss mo!” Tumango at ngumisi lang ako dahil bagama’t balita sa palasyo noon na may hinanakit o galit si Pangulong Erap kay Bubby, hindi ko naman alam kung gaano katindi iyon.
Kinaumagahan, tinawagan pa ni Dacer ang kaibigan kong si Nixon Kua, na noon ay humalili sa akin bilang GM ng Philippine Tourism Authority, dahil nagbitiw ako sa mga opisyal na posisyon sa pamahalaan noong Nobyembre 3, 2000. “Nakita ko ang “boss” mo sa Malakanyang kagabi. Okay na kami ni Presidente, magkakasama na tayong muli”, wika ng PR man na si Dacer, na alam naming ginagamit ni Pangulong Erap, nguni’t nananatiling tapat kay dating Pangulong FVR.
Pagkabagsak ni Erap noong Enero ng 2010, matapos ang isang linggong pagkakapahinga, tinawagan ako ng kaibigang Ayong Maliksi, na kinatawan ng ikalawang distrito at ngayon ay gobernador ng Kabite, at inanyayahang makipag-hapunan sa kanila ng kari-resign lang na hepe ng PNP na si Ping Lacson. Nagiisip pala si Lacson na tumakbo bilang senador noong palapit na halalan ng 2001. Higit isang linggo na lamang ay mag-uumpisa na ang kampanya. Tinanggap ko ang kanilang alok na maging campaign manager ni Lacson, at akala ko’y magiging madali ang pagpanalo nito, dahil nga sa sikat na sikat ito dahil sa matagumpay na pangangasiwa niya ng PNP.
Nguni’t wala pang isang buwan mula nang mag-umpisa ang kampanya, binanatan na ng katakut-takot si Lacson nina Rosebud, Wycoco (na siyang itinutulak ni Jinggoy Estrada na maging hepe ng PNP noon, samantalang si Lacson ang siyang manok ng nakababatang kapatid nito na si JV Ejercito), Nani Perez, pati na ang mga tsutsuwa, kasama si Pastor Saycon. At nakita pa ang sasakyan ni Dacer sa Indang, Cavite, at sa imbestigasyon ay lumilitaw na mga batang-PAOCTF ang nadawit. Kaya’t pinutakti na naman si Lacson, na naging hepe ng PAOCTF bukod sa PNP. Sumadsad si Lacson sa surveys dahil sa mga nakasisirang propaganda laban sa kanya. Nguni’t sa kalaunan, nanalo pa rin si Lacson at naging senador.
Hindi pa umuupo si Lacson sa Senado, binanatan na naman nina Rosebud, Ador Mawanay, Victor Corpus, atbp. Kawawa talaga si Lacson. Wala namang kinahinatnan ang mga bintang, kasama na ang kesyo nagkamal daw ng sobra-sobrang kayamanan si Lacson na nakatago sa Estados Unidos, at mismong FBI at mga naturang bangko ang siyang nagsertipika na hindi totoo ang mga akusasyon. Nguni’t gayunpaman, idiniin si Lacson ng mga kasamahan niya sa Senado, lalo na ang yumaong Sen. Robert Barbers, na kailan lang ay nabanggit sa World Bank Report.
Nagpalit na ng testimonya ang mga ginamit ni Corpus at ng Malakanyang na mga “testigo” tulad nina Mawanay at Blanquita Pelaez. Ginamit lang daw sila, at pinapagsinungaling. Ngayon, matapos ang walong taong singkad, kinausap ng mga ahente ng palasyo si Cesar Mancao sa Amerika, nag-file ng extradisyon, at diumano’y babalik na raw si Mancao at nagbigay na ng sinulat na salaysay. Kung ang salaysay ay sinumpaan o hindi, wala pa ring linaw.
Sa pamamagitan ng walang tigil na pagkukwento ng affidavit na ayaw namang ilabas, sinisiraan si Lacson ng DOJ sa pamumuno ni Gonzalez. At naki-picture pa ang na-convict na kidnapper na pinalusot ng SC noong huling taon ni FVR, na si Reynaldo Berroya, ngayon ay DOTC assistant secretary na walang katungkulang malinaw, matapos sipain sa LTO ni GMA. Samantalang itinatago ni Gonzalez (ayon sa kanya mismo) ang naturang affidavit ni Mancao sa isang kaha de yero ng bangko, sumali naman ang isang walang kredibilidad (dahil sa dami ng kaso bilang manunulat na sinipa sa Journal noon), si Tony Calvento, na nagwawagayway ng diumano’y kopya ng affidavit ni Mancao. Akala ko ba nakatago sa kaha de yero? E bakit nagdadadakdak itong si Calvento?
Pinagpipiyestahan na naman si Ping ng mga nakabangga niya o may hinanakit sa kanya, sa malinaw na pagdidirihe ng mabahong palasyo sa tabi ng mabahong ilog.
Simpleng-simple ang aking katanungan --- kung sadyang may masamang lihim na tinatago si Lacson, tulad ng pagpapakitil sa buhay nina Dacer at tsuper nitong si Corbito, hindi ba mas malamang na “nakisama” na lang siya sa pamahalaang Arroyo, na walong taon nang higit sa kapangyarihan? Kikita pa siya sa pork barrel at higit pa. Pero hindi siya tumitigil ng paghanap at pag-expose ng walang katapusang mga katiwalian sa administrasyong Arroyo. Iyan ba ang gawi ng isang may tinatagong lihim na krimen?
Isipin ninyo, mga tagasubaybay. Ang marami ay umareglo at nakipag-aregluhan sa bulok na rehimen, pero si Ping Lacson ay hinding-hindi.
Tuesday, March 17, 2009
Nagtatalop ng kasinungalingan
Posted by Lito Banayo at 5:05 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment