Tuesday, August 26, 2008

Aksyon ni Kabayan

Matapos nating ilathala sa pitak na ito sa Abante ang suliranin ni Ginang Bea Mendoza, na lumiham sa atin ukol sa kuryente nila sa Mahogany Villas Subdivision sa Barangay Looc sa Calamba, Laguna, na pinamagatang “Pana­wagan kay Kaba­yan”, nakatutuwa naman ang dagliang reaksyon ni Panga­lawang Pangulo Noli de Castro.


Agad siyang lumiham sa ating email address, at nagpapasalamat na ipina­abot sa kanyang pansin ang suliraning ito sa pamamagitan ng ating pitak na Konting Pananaw. Pina-check daw ng kanyang tanggapan sa Meralco, Calamba branch, ngunit wala naman daw record si Gng. Mendoza, at baka raw ang subdivision developer pa, ang Malate Construction and Development Corporation ang siyang nagsu-supply ng kuryente, at siya ring naniningil.


Gayunpaman, inatasan daw niya ang ahensyang HLURB o Housing and Land Use Regulatory Board na magpadala ng tauhan nila upang siya­satin ang hinaing ni Gng. Mendoza. Sumunod na araw, lumiham naman sa atin si Gng. Belen Ceniza ng HLURB na sinasabing ipadadala raw nila si Engr. Rey E. Musa ng kanilang Development Monito­ring Group sa naturang subdivision upang magsiyasat. Kalakip ng liham ni Gng. Ceniza ay isa ring liham na naka-address sa isang Giovanni Olivares ng Malate Construction and Deve­lopment Corporation, kung saan binibigyan ang natu­rang kumpanya ng sampung araw upang sagutin ang daing ni Ginang Mendoza na nailathala sa ating pitak dito sa Abante.


Kahanga-hanga ang aksyon agad na ipinamalas ng tanggapan ni Panga­lawang Pangulo Noli de Castro. Kung sadyang ganito ang mga tanggapan ng pamahalaan, ay matutugunan ang mga suliranin ng mamamayan. Aantaba­yanan natin ang resulta ng kanilang imbestigasyon, at nawa’y masaya naman ang lumiham sa ating si Gng. Bea Mendoza, sa aksyong ginagawa ng ating HLURB at HUDCC na pinamumunuan ni Kabayan Noli de Castro.


Sa iba namang banda, nakaiinis na ang pabale-balentong na pahayag ng MalacaƱang ukol sa kapalpakan nila sa MOA ukol sa ancestral domain na hinihingi ng MILF. Una ay umatras ng panandalian habang hihintayin ang desisyon ng Korte Suprema na pumigil sa pagpirma ng MOA. Dahil sa mga ginawang pagpatay at kaguluhan ng mga kumander ng MILF sa North Cotabato, Saranggani, Sultan Kudarat at Lanao del Norte, sumiklab ang gulo sa Mindanao. Ginamit itong dahilan upang sabihin ng MalacaƱang na hindi na nila itutuloy ang kasunduang nakalahad sa MOA. At nagmatapang pa si Donya Gloria na nagdeklara na tugisin ang mga kumander ng MILF na sina Bravo at Kato. Ngayon naman, sa pangalawang hearing ng Korte Suprema, sinabi ni Rodolfo Garcia, ang chief negotiator ng peace process, na wala raw siyang awtoridad upang lagdaan ang MOA galing sa kanyang pangulong si GMA. Ito ngayon ang ginagamit na palusot upang sabihing wala naman talagang MOA sa MILF. Sa madaling salita, nanloloko lamang pala ang pamahalaang Arroyo. E bakit pati sina Embahadora Kristie Kenney at ang mga embahador ng Hapon, Australia at testigo ng Malaysia ay dumalo sa isang “moro-moro”. Ganito ba talaga kairesponsable ang ating pamahalaan? O ginagamit lang na “fall guy” itong kawawang basang sisiw na si Rodolfo Garcia?


Sadya bang naglalaro ng apoy si Ginang Arroyo, at ang mga biktima ay sambayanang napapatay at sundalong nagpapakamatay?


0 comments: