Sadya na yatang winawasak ng pamahalaang Arroyo ang integridad ng ating bansa, at sadya nang ipinamimigay ang ating teritoryo ng ganun-ganun lang. Sa araw na ito, maliban kung mapigil, lalagda ng kasulatan ang ating pamahalaan at ang humihiwalay na Moro Islamic Liberation Front (MILF), na ang layunin diumano ay pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Upang makamit ang sinasabing “kapayapaan”, magkakaroon na ng isang Bangsamoro homeland, na tinaguriang Bangsamoro Juridical Entity, at papayagan ng pamahalaang Arroyo na angkinin ng mga ito ang kasalukuyang ARMM, at karagdagang mga bayan at barangay sa mga lalawigan ng Lanao del Norte, North Cotabato, Sultan Kudarat, Zamboanga at Palawan. Kasama rito ang ilang mga bayan na ang karamihan ng residente ay Kristiyano, tulad ng parte ng Iligan, ng Zamboanga (pati nga munisipyo at katedral ng mga Romano Katoliko), mga bayan sa North Cotabato at Sultan Kudarat na tatlo o apat na henerasyon na ng mga Kristiyano ang nagmamay-ari. Maging ang pinakamalaking minahan ng nickel sa bansa, sa bayan ng Bataraza sa Palawan, ay sakop, at ang malalaking taniman ng niyog sa Brooke’s Point.
Ang bagong Bangsamoro homeland ay magkakaroon ng sariling sistema ng pananalapi, sariling burokrasya, sistema ng edukasyon, sariling kapulisan at sandatahang lakas, sariling pamamaraan ng eleksyon, at sariling saligang batas. Sa madaling salita, isang panibagong bansa na inihihiwalay ang sarili sa ating Republika ng Piaagbibigay ng karapatang bungkalin ang mga minahan, kagubatan, maging ang karagatang nakapalibot sa kanilang tinaguriang “ancestral domain”. Baka ang pampalubag-loob sa atin ay isasabit pa rin ang ating watawat, katabi ng sa kanila.
Sa anumang pananaw, lumalabas na winawasak na ng pamahalaang Arroyo ang ating nag-iisang bansa. Ito ba ay pinagbili? Meron bang mayayamang bansang Islam na nagbayad, o magbabayad, para magkaroon ng sariling bansa ang mga Moro? Mayroon bang mga dayuhang kapangyarihan na nagdikta ng ganitong pagtaksil sa bansa at pagyurak sa ating kasarinlan?
Samantala’y inililihim ang mga pinagkasunduan, at naipupuslit lamang ang “tentative agreement” na balak na isakatuparan sa araw na ito. Anong kahibangan ito?
Tiyak na sisiklab ang gulo sa mga lugar na ito. Lalo na nga at wala man lamang konsultasyon na ginanap sa mga nasabing lugar, at hindi naman papayag na magsipaglikas ang mga naninirahan ditong mga Kristiyano, dahil sa ipasasakop na ni Donya Gloria sa mga Muslim ang kanilang mga bayan at lungsod.
O baka naman sinasadyang magkagulo? Matatandaang nagbabala tayo rito may mga dalawang linggo na ang nagdaan, na may maitim na balaking amyendahan ang ating Saligang Batas upang magkaroon ng isang federal, parliamentary system, at ang gagamiting dahilan ay itong kasunduan sa MILF. Sa isa nga namang bansang pederal, maaaring magkaroon ng ganitong malawakang kapangyarihan at awtoridad ang bawat estadong pederal.
Ngunit dahil pinipilit na magkalagdaan ngayong araw na ito, at dahil sa parang binagsakan ng langit at lupa ang mga residente ng mga lugar na ito, e malamang na magkagulo at magkaroon ng ‘di kanais-nais na digmaan at labanan sa nasabing mga lugar. Napakalaking krisis, na maaari namang magbadya ng “martial law”.
Naglalaro sa apoy ang pamahalaan natin. Malaking kataksilan ito kung totoo ang ating mga hinala, na base naman sa kasulatang kanilang sinang-ayunan sa Kuala Lumpur, Malaysia. Huwag naman sana.
Abante, Agosto 5, 2008
Tuesday, August 5, 2008
Wasak na bansa
Posted by Lito Banayo at 4:49 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment