Tuesday, August 12, 2008

Anong kabutihan?

Noong isang linggo ay nakatanggap ako ng text message mula sa isang kaibigan. Hindi raw niya maturuan ang anak na batang nag-aaral sa elementary. May homework daw mula sa guro, at ang pinasasagot na tanong ay: “Bumanggit ng limang kabutihan (achievement) na nagawa ni Pangulong Arroyo”. Pabiro kong sinagot ng ganito: “Ha ha ha ha ha.

O iyan, lima ‘yan”. Sumagot ang kaibigan ko nang, “Honestly, wala akong maisip na mabuting ginawa”.

Kung kabaligtaran ang tinanong ng guro, kay da­ming maaaring banggitin. At sa panahong ito, liban sa sobrang hirap ng buhay at kawalan ng pag-asa, maaari pang idagdag ang pinakahuling kapalpakan -- ang malabong pakikipagkasundo sa MILF, na imbes na makatulong upang isulong ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao, ay lalong nagpasiklab ng mga damdamin doon, at maaari pang kung ituloy ay umabot sa pagkakawasak ng ating iisang bansa.

Matama kong pinanood ang pagkaganda-gandang mga seremonya sa pag-umpisa ng ika-29 na Olimpiyada sa Beijing. Talaga namang kahanga-hanga at napakaengrande ng makasaysayang araw na iyon sa palakasan.

Binabati natin ang bansang Tsina sa kanilang nagawa.

Dalawang daan at apat na bansa, maging mga teritoryong hidni naman independiyente ay nagsidalo at sumali sa Olimpiyada. Hintay kami nang hintay sa paglabas ng ating dele­gasyon ng mga atleta, ngunit tatlong oras na ay hindi pa halos lumalabas. Kay dami ng mga atleta ng malalaki at mayayamang bansa, at sa pagmartsa ng kanilang mga delegasyon,

pinakikita ang kanilang mga pinuno ng bansa o ‘di kaya’y matataas na opisyal na nasa espesyal na lugar sa mga nanonood. Sa katagalan,

lumabas din ang siguro’y mga labinlimang delegasyon natin, at ang humawak ng bandila ay si Manny Pacquiao. Ngunit hindi itinapat ng mga kamera ng CCTV ang lider ng ating bansa, na sadyang bumiyahe pa sa Tsina para dumalo sa pagbukas ng Olimpiyada. Samantala, maski mga pinuno ng mas mahihirap na bansa, tulad ng Tonga, ng Benin, ng Niger, ay pinakilala sa mga nanonood. Bakit kaya inisnab ng CCTV si Donya Gloria?

***

Kay daming nag-react sa ating pitak na pinamagatang “pagpag”. Marami ang nagsipanood sa YouTube matapos mabasa ang nakaaantig-damdaming salaysay natin ukol sa paghalukay sa basura ng mga tira-tira sa mga restawran, at mu­ling pag­luto at pagbenta nito sa mga karinderya.

Lubhang nalungkot sa kinasapitan ng kahirapan sa ating bansa ang mga nagsipagsulat, at marami pa nga ang nagsabing sila’y napaiyak. Ngunit may isang lumiham mula sa labas ng bansa na sinabing hindi na raw dapat na isulat ang ganitong mga hindi magandang pangyayari sa ating bansa.

Bagama’t totoong nakalulungkot ang ganitong kinasapitan ng bayan, hindi maitatago ang katotohanan, anupaman ang pagkubling gawin.

Samantala, habang si DOT Sec. Ace Durano ay patuloy na ibinebenta ang ating magagandang lugar sa mga turista, dayuhan man o lokal, ay eto ang isang medyo bago pa, at mamahaling otel sa Boracay na namimili ng customer na papapasukin sa kanilang restawran.

Isang alkalde pa mandin ng lungsod sa Kamaynilaan ang ayaw papasukin ng manager ng restawran ng Discovery Shores sa Boracay maski na may mga bakante namang lamesa, at nang ito’y umangal, ay pinanindigan pang lalo. Paanong lalago ang turismo kung may mga ganitong establisimiyento, na ang may-ari at nagpa­patakbo ay mga Pinoy rin? Pangdayuhan lang ba ang kanilang otel at restawran?

Abante, Agosto 12, 2008

0 comments: