Kahapon ay nagtungo sa Senado ang mga dating opisyal ng iba’t ibang nagdaang pamahalaan, ang samahan ng Former Senior Government Officials (FSGO) at ibinigay, sa pangunguna ni dating senador at dating kalihim Vicente Paterno, ang panawagang nakalahad dito sa ating mga senador. Minabuti naming isalaysay dito ng buo ang kanilang napapanahong panawagan.
“Dati kaming matataas ang posisyon sa gobyerno. Patuloy kaming kumikilos upang manatiling tapat sa bayan ang mga institusyon ng gobyerno.
“Mahirap ang buhay natin ngayon. Mabilis na tumataas ang presyo ng mga bilihin. Maraming nawawalan ng trabaho. Maraming kulang na ang sahod.
Naghihingalo ang ekonomiya. Nagdurusa ang milyun-milyong mahihirap at karaniwang pamilya. Lumalala ang karalitaan at gutom (na dati nang mga problema kahit noong mabuti pa ang ekonomiya) dahil sa pagtaas ng presyo ng langis at pagkain.
“Hindi pa nakakabangon ang maraming komunidad mula Pangasinan hanggang Samar at Panay sa pinsalang dala ng bagyo at baha.
Nagbabanta pa sa ilalim ng dagat ang mga kemikal na lulan ng MV Princess of the Stars sa Sibuyan. Libu-libong kamag-anak ng mga nasawi dahil sa masamang pamamalakad ng Sulpicio Lines ang naghihintay pa rin ng hustisya at bayad-pinsala. Hindi pa rin naiwawasto ng gobyerno ang mga kamalian nito na nagpalala sa mga sinapit ng mga biktima.
“Ilan lamang ito sa mga pasakit na dinaranas ng karaniwang mamamayan sa kamay ni Gloria Macapagal-Arroyo. Habang nagdurusa tayo ay buong saya namang nagpasasa siya sa America at China. Hindi niya pinamumunuan ang gobyerno para tulungan kahit kaunti ang mga mamamayan. Sa halip ay lalo pa niyang pinalulubha ang ating mga
problema. Una, nakipagkasunduan siya sa MILF kahit na hindi niya tinanong muna ang mga komunidad na maaapektuhan ng gusto niyang mangyari. Lalo pa ngang lumaki ang posibilidad na magkakadigmaan sa Mindanao. Ikalawa, hinahamon niya ang taumbayan na pigilin siya sa balak niyang magpatuloy sa Malacañang, isang balak na malinaw na nasa likod
ng kanyang pagdeklara ng “all systems go” sa pagpapalit sa Saligang Batas. Dahil sa mga ginagawa niya, nahahati ang ating bayan, hindi nagagampanan ng gobyerno ang tungkulin nitong pagandahin ang takbo ng ating buhay, at lumalala ang galit, pagkawalang-tiwala, ‘di-kasiyahan, at pagtanggi ng tao sa kanyang administrasyon.
“Lumalapit kami ngayon sa Senado bilang huling pag-asa namin na magiging responsable ang ating mga pinuno. Kapag mabilis at tiyak na kikilos ang Senado, mapipigilan nito ang paglubog ng ating bayan sa
paghahati-hati at kaguluhan. Tinatawagan namin ang isang dosena at higit pang mga senador na ipahayag agad ang kanilang ‘di pagsang-ayon sa pagbabago ng Saligang Batas habang nasa poder pa si Gloria Macapagal-Arroyo. Kapag nawala na ang posibilidad na magpapatuloy siya sa poder pagkaraan ng 2010, matutuunan na ng pansin ng gobyerno ang tunay na mga problema ng ekonomiya at lipunan. Siguradong mahahati lamang ang ating mga kababayan at mawawala lamang sa ating isip ang mahahalaga nating dapat gawin kung babaguhin ang Saligang Batas bago ang 2010.
“Malinaw na ang tanging nasa isip ni Gloria Macapagal- Arroyo ay hindi ang kapakanan at kinabukasan ng bayan, kundi ang pagpapatuloy niya sa Malacañang pagkaraan ng 2010. Hindi dapat payagan ng Senado si Arroyo na sirain ang bayan para lamang sa sarili niya.
“Tinatawagan namin ang Senado na gawin ang tungkulin nito bilang check and balance. Tinatawagan namin ang Senado na magkaroon ng isang resolusyon na pipigil sa pagbabago ng Saligang Batas sa panahon ni Arroyo.”
Abante, Agosto 20, 2008
Wednesday, August 20, 2008
Panawagan sa Senado ng FSGO
Posted by Lito Banayo at 4:58 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment